Thursday, February 13, 2014

Pinoy Weekly | Love story sa panahon ng pagsayaw at pag-alsa


Posted: 13 Feb 2014 10:56 AM PST
Programa ng One Bilion Rising ngayong Pebrero 14.  (Kontribusyon/Gabriela PID)Programa ng One Bilion Rising ngayong Pebrero 14. (Courtesy of Gabriela)


Kasama si Joey sa mga aktibidad ng One Billion Rising noong nakaraang taon. Kaiba siya, dahil pangunahing kababaihan ang kalahok sa kampanyang paglaban sa karahasan sa kababaihan. Sabagay, araw naman iyon ng mga puso, araw ng pagmamahalan, maiisip na marahil isinama siya ng kanyang asawa, kasintahan o di kaya nayaya ng mga barkada.

Pero ang kapansin-pansin na ang kanyang suot na t-shirt ay may nakatatak sa likod na salitang “Diego”. Dignity, Integrity, Equality of Genders Organization daw ang ibig sabihin nito.

Kuwento ni Joey, samahan ito ng mga manggagawa at manininda sa Bgy. Tatalon, Quezon City. Hindi naman daw sila “under de saya” dahil sa ang “Diego” na kanilang organisasyon ay pangunahing binuo ng kababaihang miyembro ng Gabriela sa lugar. “Sumusuporta kami sa laban ng Gabriela, naniniwala kami sa layunin nila,” sabi ni Joey.

Kapansin-pansin noon ang pagiging malapit ni Joey kay Beth, isang aktibong miyembro ng Gabriela na madalas kong makita sa mga rali at kilos-protesta ng grupo. Maraming biruan na sinusuyo raw ni Joey si Beth. Maaaring isipin na marahil nanliligaw, pero ang alam ng karamihan, may asawa na si Beth at si Joey nga iyon.


Paghihiwalay at panunuyo

Sa tagal ng kanilang pagsasama  simula pa noong 1987 at pagkakaroon ng dalawang anak, muling nanunuyo si Joey. Hiniwalayan ni Beth ang kanyang asawa noong taong 2010. “Marami na kasi akong naririnig sa komunidad, na kesyo miyembro raw ako ng Gabriela, pero takot naman sa asawa. Magaling lang daw ako sa salita,” kuwento ni Beth.

Kaiba sa ibang babaing bantulot na ikuwento ang nakaraan, maluwag na ikinuwento ni Beth ang masalimuot niyang buhay. “Hindi ko itinago ang pinagdaanan ko kay Joey bago ko siya maging asawa,” kuwento ni Beth. Bago pa kasi magkakilala, biktima  si Beth ng prostitusyon.

Sa edad na 13, mula sa Visayas napadpad si Beth sa Kamaynilaan. Nahikayat na mamasukan sa inaakala niyang bahay, bilang katulong pero, “sa casa kami dinala ng kumuha sa amin. Sa una serbidora lang ang trabaho ko, pero kalaunan ibinugaw na nila ako,” pagbabalik tanaw ni Beth. Sa isang maliit na kabaret sa Baclaran daw siya unang dinala. Napilitan siyang umalis sa kanilang probinsiya hindi lang dahil sa kahirapan, ginagahasa rin kasi siya ng kanyang nakikilalang lolo sa murang edad na siyam na taon.

“Maaga kasi akong dinatnan ng buwanang dalaw, kaya malaking bulas,” aniya. Sa panahon na nasa kabaret siya, inisip niyang sinadya na siya’y maging isang parausan, hanggang nagpasya siyang umalis at magpalaboy-laboy sa lansangan.

Taong 1987 nang makilala niya si Joey, matapos siyang mamasukan bilang kahera sa isang tindahan sa Sampaloc.
“Nakita ako ng nanay ko na pagala-gala, kaya dinala niya ako una sa Manggahan, Pasig. Katulong ako doon, kaso ginahasa din ako ng amo kong matanda. Umalis ako doon at namasukan sa tindahan diyan sa Espana (Avenue),” ani Beth.

Doon nagsimula ang panliligaw ni Joey, dahil sa tindahang pinasukan ni Beth namimili ng mga paninda ang pamilya ni Joey na may mga pwesto sa Welcome Rotunda at ibang lugar. Nagkapalagayang loob sila at makaraan ang tatlong buwan nagpakasal sa huwes.

“Pursigido siya sa panliligaw, kahit sabihin ko sa kanya na marumi akong babae,” sabi pa ni Beth.  Maalalahanin at di pumapalya sa pagbigay ng mga regalo sa mga okasyon si Joey. “Kahit hanggang ngayon nagreregalo pa rin iyan sa amin ng mga anak ko.”

“Akala ko noong una kaming magsiping na balewala sa kanya ang pinagdaanan ko, inamin ko naman sa kanya ang buong katotohanan,” dito na nagsimula ang kalbaryo ni Beth. Kuwento ni Beth, bagamat isang beses lang siyang sinaktan ni Joey, mas masakit ang halos araw-araw na pang-aabusong berbal sa kanya.
“Hindi niya ako pinalalabas ng bahay, kapag umaalis yan ikinakandado niya ang pinto sa labas. Kapag nalalasing, ipinamumukha niya sa akin ang nakaraan ko, minsan kahit sa maraming tao pinapahiya niya,” pagsasalaysay ni Beth.

Saksi rin ang isang pinsan ni Joey sa pang-aabusong berbal nito kay Beth. “Naku, napakaseloso niyan. Parang stalker. Kung mag-iikot kami sa komunidad para mag-organisa, nakabuntot lagi. Ilang beses din niyang inaway yung mga organizer ng Gabriela,” dagdag-kuwento ni Grace.

Hindi rin ipinagkaila ni Beth na ilang beses na rin silang pinag-ayos ng mga opisyal ng barangay at naging bahagi na rin sa counselling session ng grupong Gabriela. “Siyempre, nais naman ng barangay at Gabriela na magka-ayos kami, na hindi basta-basta pinaghihiwalay,” patuloy na kuwento ni Beth.


Pag-amin at pagbabago

Hindi madali para sa isang lalaking tulad ni Joey na aminin ang pagmamalabis nito sa kanyang asawa. Laluna’t napanday ang kanyang kaisipan na mas malakas ang mga lalaki kaysa sa mga babae, kulturang macho pa rin ang umiiral sa kanya. Pero sa kanyang pagkukuwento, inamin niya,  bagamat hindi detalyado, ang kanyang pagkakamali.  “Oo, kapag nalalasing ako minumura ko siya at ipinapahiya,” sabi niya, pero hindi niya inamin na minsan din niyang sinaktan si Beth.

Aminado naman si Beth na may pagbabago kay Joey mula nang maorganisa siya sa Diego. Hindi na raw pinipigilan ni Joey si Beth na sumama sa mga aktibidad ng Gabriela. “Okey lang sa akin na sumama siya sa Gabriela. Kahit naman kami sa Diego sumasama, kung kailangan nila ng tulong sa mga mabibigat na gawain tulad ng pag-set-up ng stage, pag-repack ng mga relief, nakasuporta kami,” sabi niya.  Halata rin na ipinagmamalaki na niya si Beth bilang isang lider-kababaihan ng Gabriela.

Para naman kay Beth, nanatili pa rin ang respeto niya sa dating asawa kahit pa pursigido siyang hindi na makipagbalikan sa kabila ng patuloy na panunuyo ni Joey.

Pero para kay Joey, malayo pa ang kailangang lakbayin para baguhin ang kanyang pagkatao at mahabang panunuyo pa ang kailangang gawin para manumbalik sa kanya si Beth. “Ang masasabi ko lang sa kanya, lagi siyang mag-iingat sa mga pinupuntahan niyang aktibidad at rali,” sabi ni Joey.

At sa okasyon ng araw ng mga puso, magkaiba man nang pananaw sa buhay mag-asawa, kapwa sila iindak sa saliw ng One Billion Rising for Justice.

(Sinadyang baguhin ng author ang mga pangalan sang-ayon sa kanilang kagustuhan)



No comments:

Post a Comment