Posted: 04 Feb 2014 05:00 PM PST
Kung sisilipin ang datos ng United Nations at World Bank, makikita, halimbawa, na kabaliwan kung ituturing na ang pagkakaiba ng academic calendar ng mga kolehiyo sa bansa ang dahilan kung bakit hindi makasabay ang ang mga lokal na pamantasan sa iba pang mga pamantasan sa Asean.
Halimbawa, sa usapin ng gross tertiary enrollment ratio o bahagi ng populasyon na edad-kolehiyo na aktwal na nasa kolehiyo, nitong 2010-2011, sa Pilipinas, halos ¼ lamang o 25% ng mga kabataang edad-kolehiyo ang nag-aaral. Malayong-malayo ito kumpara sa 71% ng Singapore o kaya naman ay 40.2% ng Malaysia, kapwa mga bansang kasapi ng Asean. Papaano ngayon sisipa ang panukalang internationalization sa sistema ng edukasyon kung walang akses ang higit ¾ bahagi ng populasyon sa mga pamantasan? Mas kataka-taka pa nga, bakit natin ipinipilit na ibukas ang ating mga pamantasan mula sa ibang bansa, sa likod ng konsepto ng international mobility, kung mismong mga Pilipino nga’y walang akses sa pagkokolehiyo?
Hindi naman nakakagulat kung mababa ang akses ng kabataan sa mga kolehiyo sa bansa. Dahil sa deregulasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa, malaking bahagi ng mga pamantasan, o higit 75%, ay mga pribadong paaralan na gahigante ang itinataas sa mga matrikula at iba pang bayarin taon-taon. Idadagdag mo pa dito ang pagtulak pa sa mahal na halaga ng edukasyon sa bansa ang hindi din mapigilang pagtataasan ng presyo ng bilihin at serbisyo na produkto din ng deregulasyon sa mga mahahalagang industriya gaya ng langis at kuryente. Paano ngayon pag-aaralin ng mga magulang, na kapos pa ang mababang sahod sa araw-araw na gastusin, sa kolehiyo?
Halimbawa ulit, sa usapin naman ng gross national income per capita o kabuuang kita ng bansa na hinati sa dami ng populasyon, para sa taong 2011, halos ikatlo ang Pilipinas sa may pinakamababang GNI per capita sa buong Asean. Kung sa Singapore ay pumalo ito ng $52,439 at sa Brunei naman ay $45,524, $3,649 lamang ito sa Pilipinas. Kahit pa ikumpara mo ito sa Malaysia ($13,322), Indonesia ($3,973) o Thailand ($5,480), mababa pa din ito. Pero mas nagiging mahalaga ang mga numerong ito, na siyang pagbabatayan natin bilang pangkaraniwang kita, kung gagamitin upang ihambing ang diperensya nito sa halaga ng edukasyon sa kolehiyo sa mga nasabing bansa.
Susi siguro ng Singapore at Malaysia, mga bansa sa Asean na mataas ang bilang ng mga mamamayan na may akses sa mga pamantasan, na nananatiling abot-kaya ang halaga ng edukasyon- matrikula, iba pang mga bayarin at araw-araw na gastos- batay sa GNI per capita. Halimbawa, nitong 2011, kahit pa $25,000 ang taunang halaga ng pagko-kolehiyo sa Singapore, higit na mababa ito kaysa sa $52,439 na GNI per capitang bansa. Ganito din sa Malaysia na may $13,322 na GNI per capita at halos $4,600 naman ang taunang halaga ng edukasyon sa kolehiyo. Pero iba ang sitwasyon pagdating sa Pilipinas, na sobrang kakaunti ang nakakapasok sa kolehiyo, na may taunang halaga ng edukasyon na $4,650 pero $3,649 lamang ang GNI per capita.
Signipikante kasi ang bahagi ng pamahalaan sa pagpapatakbo ng mga pamantasan sa mga bansang Singapore at Malaysia sa porma ng malalaking mga badyet. Batay sa datos ng 2010, ang public spending per GDP ratio o bahagi ng kabuaang yaman ng bansa na inilalaan ng pamahalaan sa edukasyon, halos 6.1% ang sa Singapore at 5.8% naman ang sa Malaysia. Muli, halos isa sa mga pinakamababa sa rehiyon ng Asean ang sa Pilipinas na nasa 2.5% lamang na malayo kahit sa Thailand (4.1%) o Viet Nam (5.3%). Papaano ngayon, sa pagpapalit ng umpisa ng pasukan, maitutulak ang mga pampublikong pamantasan sa Pilipinas gaya ng UP at PUP na maging mga global university kung taon-taon itong nakakaranas ng pagkaltas sa badyet at sistematikong inaabandona ng pamahalaan?
Ilan lamang ito sa mga rason na nagpapakita na bagama’t kaaya-aya ang panukalang gawing i-isa ang academic calendar ng mga lokal na pamantasan sa mga pamantasan sa Asean ay, sa katotohanan, walang saysay ito para solusyunan ang problema ng mababang kalidad ng edukasyon sa kolehiyo sa bansa lalo na ang kawalan ng akses ng madami dito.
Pero marami pa ngang mga makatwirang batayan kung bakit hindi na dapat ituloy, kung hindi man dapat ibasura, ang panukalang ito.
Una, mababa na nga ang akses ng mahihirap sa kolehiyo, na malaking bahagi ay mga pamilya ng magsasaka, pahihirapan pa ng panukalang ito lalo ang mga ito na makalikom ng pera para pambayad sa matrikula at iba pang gastusin. Sabay kasi ang kasalukuyang sistema ng pasukan sa panahon ng anihan ng mga magsasaka. Kung wala namang balak gawin ang gobyernong maging abot-kaya ang halaga ng kolehiyo, saan nila gusto pulutin ang mga kabataang mula sa pamilyang ito?
Ikalawa, mainam din ang kasalukuyang academic calendar sa siklo ng panahon sa bansa. Hindi lang dapat ito tutulan dahil mahirap mag-aral sa panahon ng tag-init. Kahit ang mga pamantasang nagpapanukala nito ay may air-conditioned classrooms, hindi ba itutulak na naman ito pataas ang halaga ng matrikula dahil sa gahiganteng paglaki sa konsumo sa kuryente? Sa bansa na halos pinakamataas na ang halaga ng kuryente sa buong daigdig, at walang planong gawin ang pamahalaan dito, walang puwang ang ganitong impraktikal na mga panukala.
Ikatlo at pinakamahalagang rason sa lahat, pagtitibayin lamang nito ang kasalukuyang katangian ng sistema ng edukasyon sa bansa–nakabatay sa pangangailangan ng merkado, na sa ngayo’y makapaglikha ng madamihang murang lakas-paggawa, nagsisilbi sa interes at pangangailangan ng dayuhan at iilan ang may akses at nakikinabang.
Para kanino nga ba ang polisiyang ito?
Tama ang turing ng progresibo at makabayang mga organisasyon sa UP na “in desiring to internationalize and be a global university, we are becoming less and less nationally and locally relevant” na siyang pagtalikod sa pangunahing tungkulin ng mga pamantasan- ang paglingkuran ang sambayanan at pangunahan ang pambansang pag-unlad.
No comments:
Post a Comment