Friday, April 12, 2013

VOTE (a repost of D.R. Rafanan's Poem

VOTE


Kabayan, tumayo, kumilos at harapin ang hamon
Sa ating bayan, tapusin na ang kultura ng kurapsyon
Pagbabagong hinahangad noon, abot kamay na ngayon
Magandang kinabukasan, pamana sa susunod na henerasyon
Maging matalino lamang, mag-isip sa darating na eleksyon
Tingnan mo’t hindi na kailangan ang armadong rebolusyon

Kasama, ngayon na ,wala nang ibang panahon
Ibalik, mahusay na pamamahala, para sa bayan ang pundasyon
Mag-ingat, umiwas sa mga trapong dilat at laging gutom
Sa hapag kainan, pananatilihin pa ba ng maraming taon?
Mga ganid, busog na nga'y sige’t lamon pa rin ng lamon
Kilala na ,huwag nang padadala sa kanilang ngiti’t patibong
Oo, bayan, itaas ang kanang kamao na nakatikom
Isang sagisag ng protestang  masa sa buong nasyon
Ipagsigawan, takbo ng politika'y baguhin ng direksyon
Iwasan ang political dynasty na dala'y maling administrasyon
Problema't kapakanan ng bayan, ayusin ay wala sa intensyon
Kabutihan ng kanyang cronies at kaibigan lang ang isinusulong

Mga kababayan at mga kasama, ngayon na ang panahon
Piliin, tunay na magtatangol sa’ting karapatan at kostitusyon
Mahirap man dahil sa dami ng mga trapo ngayong eleksyon
Huwag pansinin mga pangakong sa limot ay nababaon
Tiyak, may interes, pagkaupo'y babawiin agad mga iyon
Mga uhaw , walang iiwan  sa masa, sasairin buong balon

Kaibigan, huwag ding iboto itong si drug lord na mokong
Kahit makasira ng kinabukasa'y sa pera, mata’y nakatoon
Sa droga kumikita, mga kabataan kanyang pilit iginugumon
Masakit, ating mga anak maliligaw sa paghahanap ng edukasyon
Sa mga magulang na hirap sa gastusi’t  taas ng tuition
Sira ang pangarap, ‘di makatapos ang anak dahil nalululong

Halalan na naman mga kapatid, inang at tiyong
Dangal ng bansa'y muling ating ibangon
Iboto ang nararapat na magpapalakas ng ating nasyon
Ibasura rin gambling lord na kung tawagi'y ninong
Pagpapayaman kanyang nag-iisang balak walang kwestyon
Hueteng, gamit niya para mga tao sa utang ay mabaon

Itong ubod ng yama’t laki sa layaw ay huwag ding isulong
Mga pag-aaring publiko ilalagay niya sa privatization
Makikinabang lamang kanyang  family corporation
kaya't bayan, sama-sama kontra sa kanilang operasyon
Ang talamak na masamang sistema’y baguhin na ngayon
Ating simulan sa matalinong pagboto ang repormasyon


Pati ba naman si aktres at si aktor hangad din ay posisyon
Upuan ni konsehal, mayor at gobernor kanyang ambisyon
Baka akala'y buhay parang radyo, sine at telebisyon
Ang paninilbihan sa bayan ba'y arte at emosyon?
Puro patawa, paiyak-iyak, puro salita’t walang aksiyon?
A, tama na, oras na para kayo'y magsihinahon

Tingna’t nakihalo na rin mga anak ng tipaklong
Rapist, killer, 5-6 ay kandidato na rin ngayon
Mga halang ang kaluluwa't utak , huwag kayong sumang-ayon
Ang tanging puhunan ay salapi, baril at mga goons
Pananakot, pananapal bunganga kanilang operasyon
O bayan kong mahal, saan ka na napasusoong?
Istitusyon mo ba'y mapupuno ng mga mandarambong?


Oo, kabayan, simulan natin ang pagbabago’t pag-ahon
Lugmok na moral ng bansa’y muling palakasi’t  ibangon
Gumawa ng alternatibong sosyedad, isang marangal na nasyon
Isang pamahalan na magbabalik ng tiwala ng bayan ang bokasyon
Isang pamunuang agad maglilinis ng ating masamang reputasyon
Lahat ng iya’y depende sa ating iboboto, nasa sa’tin ang desisyon
(ni: Demetrio 'Bong' Rafanan

No comments:

Post a Comment