APELA NG Panlalawigang Alyansa ng mga Magbubukid ng Aurora,
Inc. (PAMANA)
PARA SA LAHAT NG MGA KAALYADO, KAIBIGAN, SUMUSUPORTA SA MAMAMAYAN NG AURORA NA NALULUGMOK NA SA MATINDING PAGSASAMANTALA AT PAGDURUSA SA KAMAY NG DYNASTIYANG ANGARA AT SA MAPANUPIL NA MGA PATAKARAN NG NA SIYANG LALONG NAGPAPAHIRAP SA DATI NANG NAGHIHIRAP NA MGA MAGSASAKA, MANGGAGGAWANG BUKID, MANGINGISDA AT MGA KATUTUBO SA LALAWIGAN.
Reference: Elmer Dayson- Pangalawang Tagapangulo ng
Panlalawigang Alyansa ng mga Magbubukid ng Aurora, Inc. (PAMANA)
Ang Aurora Development Master Plan at ang APECO: Ang Buong Aurora
Bilang Isang Malaking Ecozone
Sa panahon pa ng rehimeng US-Ramos, nabuo ang
komprehensibong programa na Aurora Medium Term Development Plan o Aurora
Development Master Plan para sa susunod na 25 taon. Ito ay naka-ayon sa
programa ng Medium Term Philippine Development Plan na nakabalangkas sa
imperyalistang globalization, at ang bersyon nito para sa Gitnang Luzon, ang
W-Growth Corridor. Ang panukalang pagbubuo ng bagong rehiyon: North East Pacific Region na binubuo ng mga
lalawigan Isabela, Quirino at Aurora.
Inilatag ng Aurora Development Master Plan ang estratehikong
papel ng buong Aurora para sa mga dambuhalang negosyo na nakapaloob sa W-Growth
Corridor ng Central Luzon. Tuntungan nito ang pagmamaksimisa sa lokasyon ng
lalawigan sa Pasipiko at hugpungan ng mga lalawigan sa Hilagang Luzon, Gitnang
Luzon at Timog Katagalugan para magsilbing economic zone ang freeport
(transhipment basin). Tinitingnan din nito ang potensyal ng lalawigan para sa
negosyo ng eko-turismo, at ang lupaing agrikultural, ang kabundukan, ang
mayamang karagatan, at kasanayan ng mamamayan sa agrikultura para sa mga
negosyong agro-industrial.
Hinulma ng AMTDP ang lalawigan para umayon sa disenyo ng APECO. Habang dinidinig palang sa kongreso ang
pagpapasa sa ASEZA, na kalaunan ay naging APEZA hanggang sa maamyendahan ito
naging ganap na batas ang APECO o ang RA 10083, nagaganap na sa lalawigan ang
kaukulang pagsasaayos para ibigay ang pangangailangan ng dayuhang negosyo para
sa imprastruktura, seguridad, serbisyo at paggawa, at maging ang pahinga at
pag-aaliw ng mga imbestor.
Sa ngalan ng hungkag na "development program",
naganap ang mga serye ng malawakang pangangamkam ng lupa - pribado at mga
produktibong lupang publiko - para
pagtayuan ng iba't-ibang mga proyekto sa ilalim ng Aurora Development Master
Plan. Maraming mga komunidad sa iba't-ibang barangay sa baybay dagat ang
binabantaang palalayasin para gawing mga beach resorts at tourist spots. Produktibong
mga lupain ang naagaw na para sa negosyong "agro-industral". Pumili
din ng lokasyon bilang sentro ng APECO at nagsimula na ang panggigipit at
pagpapalayas sa mga tao.
Sinabayan ito ng paghihigpit sa kabuhayan ng mamamayan lalo
na ng mga nasa mga public lands. Para mapadali ang takbo ng negosyo, nagpagawa
ng mga imprastraktura at pasilidad para sa transport, tele-komunikasyon at
elektrisidad. Ipinagawa ang mga kalsada na magmumula sa Nueva Ecija at tatagos
hanggang sa dulo ng Aurora, mga tulay at duongan. Ginamit ang pangalan ng mga
taga-Aurora para makautang sa mga dayuhang bangko kagaya ng JICA, at ng mga
interesadong bansa kagaya ng Espanya at South Korea.
Nang maisabatas na ang APECO, pinatibay nito ang legal na
balangkas para sa integrasyon, koordinasyon, pagpaplano, pangangasiwa at
pagsubaybay sa implementasyon ng Special Economic Zone, at mga kaakibat na
aktibidad nito. Inilatag pa nito ang mga insentibo para sa mga dayuhang
mamumuhunan gaya ng hindi pagbabayad ng buwis at iba pang proteksyon.
Bagamat limang barangay lamang ang nakasaad sa RA 10083 na
sasaklawin ng APECO, tumutukoy lamang ito sa pwesto ng pagtatayuan ng mga
pasilidad para sa "industrial estate". Sa aktwal, lampas pa rito ang
apektado, dahil ang buong lalawigan naman ang iniaalok sa mga dayuhan, at
nakakaranas ng panggigipit. Nililikha ng mga Angara at ng gobyerno ang Aurora
bilang isang napakalaking ECOZONE!
Ang Mga Epekto ng APECO
Ayon sa RA 10083, ang site ng APECO ay binubuo ng 2 parsela:
(1) Ang unang parsela (mula sa ASEZA) ay ang 496 ektarya na sumasaklaw sa 2
barangay ng Casiguran: Brgy. Estevez at Dibet. (2) Ang ikalawang parsela naman
ay may sukat na 12,427 ektarya, na sumasaklaw sa brgy. Cozo, Culat at San
Ildefonso na ilalaan bilang special economic zone. Ito ay binubuo ng mga
proyektong residential, commercial at industrial, dagdag ang mga ports,
ecotourism, mga highway, airport at iba pa. Ang 5 barangay na ito ay may
humigit kumulang na 5,430 populasyon.
Pero mahalaga na tingnan na hindi lamang ang mga ito ang
apektado ng APECO. Sa aktwal, ang buong lalawigan at mamamayan ng Aurora ang
apektado nito ng tuwiran at hindi tuwiran.
(1) Malawakang pang-aagaw ng mga lupa na ginagamit para sa
pagbubukid, kaingin, pangingisda; paninirahan ng komunidad; Nagreresulta ito ng
pagkakapalayas ng mamamayang setler at katutubo. Totoo ito kapwa sa actual na
impact zone ng dalawang parsela ng APECO, at totoo din sa mga eryang labas ng
aktwal na site ng industrial estate sa Casiguran. Kaakibat na rin nito ang napakaraming kaso ng
pagbabawal sa mga nagkakabuhayan sa mga nasa public lands.
(2) Pamumwersa at iba pang paglabag sa karapatang pantao,
laluna sa mga tumututol sa APECO.
a. Paggamit ng armadong pwersa. Ang AFP at PNP ay
pinaka-aktibong instrumento rito. Partikular na ginagamit ang 48th IBPA, ang
302nd PMG ng PNP, ang Philippine Navy CMOG.
b. Harassment sa mga aktibong tumututol sa APECO gaya ng
straffing sa bahay ni Fr. Jofran Talaban na kura paroko ng Casiguran, lider ng
PAMANA, JPAG, Bataris at iba pang na
tumutulong sa pag-oorganisa sa mga apektadong mamamayan sa lugar at mga pananakot sa mga lokal na lider at
residente.
c. Hindi rin hiwalay dito ang pagpaslang kay Willem Geertman
noong July 3, 2012, isang Dutch missionary, sa mahigit 40 taon niya sa
Pilipinas, ang 30 taon nito ay ang pagtulong niya sa mga maralitang mga
magsasaka at mga katutubo sa Aurora. Bago siya paslangin ng mga criminal, isa
sa sinuportahan niyang laban ay ang laban ng mamamayan laban sa APECO; Ang pagpaslang kay Waldo Palispis noong June
30, 2012, isang human rights advocates at isa sa namumuno sa kampanya sa
pagtutol sa paghahati sa Maria Aurora.
d. Paggamit sa korte ng estado para gipitin at ikriminalisa
ang paglaban ng mga mamamayan, at bigyan ng ligal na katwiran ang pagpapaalis
sa lupa.
e. Paggamit sa mga ahensya gaya ng DENR at DAR para sikutan
ang mga batas at proseso sa pagaari ng lupa
f. Pagbabanta na kakasuhan ang mga nakapususyon sa mga
public land dahil sa paglabag sa PD 705 at EO 23, Bantang kanselasyon ng mga CLOA, EP;
Pwersahan pamimili ng lupang pribado, at pambabarat rito; Pwersahang pagbabakod
sa lugar na panirahan ng mga mangingisda sa tabing dagat; Panggigipit sa mga
barangay opisyal na tumututol sa APECO at panunuhol sa mamamayang nasa saklaw ng APECO sa
pamamagitan ng ng dole out, mapanlinlang at panandaliang mga proyekto.
Batay sa ibinunyag ni Sen. Serge Osmena na si Sen. Angara
ang siyang tumatayong President and CEO ng APECO Board, bagay na labag sa
katayuan niya bilang halal na opisyal ng gobyerno.
Ang pinakamalaking panginoong maylupa sa lalawigan ay ang
pamilya ng mga Angara, at ang gobyerno
mismo sa tabing ng mga di-umanong mga proyektong pangkaunlaran. Ang ilan dito ay ang beach resort sa Dingalan,
San Ildefonso, Buffalo farm, lupa sa San
Isidro, Dicasalarin, Sabang Suklayin, Reserva; Sa Maria ang Food Basket,
Bayanihan, at iba pa; Sa Dipaculao may mga lupain din sa Borlongan, Dianed,
Dinadiawan at iba pa; sa Dinalungan, Dilasag sa Diniog at Masagana; Casiguran
sa Dipasaleng at ang buong saklaw ng APECO! At patuloy ang pakikibaka ng
mamamayan sa Maria Aurora dahil sa kasalukuyang isinusulong na paghahati at
pagbubuo ng Dr. Juan C. Angara municipality!
Pilit din nilang ipinipihit ang kasaysayan ng bansa para
ipakitang ang mga Angara ay bayani dahil sila ang kumupkop sa mga Kastila nung
panahon ng himagsikan ng 1896. (Reference: Baler, movie/Book)
Pinagbubuklod ngayon ang mamamayan ng Aurora ng mga
pangangailang ipagtanggol ang lupa at kabuhayan
laban sa pang aagaw ng mga Angara at ng gobyerno ang kalagayan ng uring
magsasaka sa lalawigan.
Kaya ang PAMANA ay naninindigan na ang Pakikibaka Laban sa
APECO ay Pakikibaka Para Ipagtanggol ang Mamamayan! Pakikibaka laban sa patuloy na paghahari ng political dynasty
sa lalawigan! Nais nilang hawakan ang halos lahat ng pinakamahalagang pwesto sa
gobyerno mula sa Senado, kongreso, gobernador, bise gobernador, Mayor, Vice
Mayor at hanggang sa mga konsehal ng mga bayan!
Ang pakikibaka laban sa APECO ay pakikibaka para sa lupa ng
mga maralitang magsasaka, mangingisda at katutubo sa Aurora, at karugtong ng
laban para sa lupa ng buong uring magsasaka sa bansa.
Ito rin ay pakikibaka laban sa dayuhang kontrol sa bansa at
bahagi ito ng pakikibaka laban sa imperyalistang globalisasyon.
No comments:
Post a Comment