Monday, April 15, 2013

Hindi Ako Mahina, Hindi Ako Mangmang (Ako’y Pilipino! May Dangal, May Paninindigan)


Hindi Ako Mahina, Hindi Ako Mangmang (Ako’y Pilipino! May Dangal, May Paninindigan)

by Demetrio-Bong Ragudo Rafanan (Notes) on Monday, April 15, 2013 at 10:12pm



Ayon siya, mayroong napakaraming lupa't mansiyon
matapang, umaabuso dahil maraming salapi't goons
pag-aari niya malalaking negosyo kahit sa ibang nasyon
private army ,makabago, kasama sa kanyang organisasyon
opisyales ng AFP at PNP, kasama sa pay roll n’ya ngayon
huwag mong haharanga't lalo lamang tataas ang hypertension

May asawang politiko rin si matapang at nang-aabuso
biyanan, pamangkin,mga anak at mga tiyo’y nasa gobyerno
angkang bumobuo ng kanilang malakas na dinastiya politiko
bayan at mahihirap, sa kamay nila nakasalalay ang destino
mga batas, kapamilya ang may hawak sa kongreso't senado
kaban ng bayan, may maasahan ba ang karaniwang Pilipino?

Maimpluwensya itong tradisyonal na politiko
malakas,matinik at mahigpit ang kapit sa gobyerno
gusto'y kontrol ang lahat ng bagay, talagang tuso
suhol, pinakamatibay at pinakamabisang instrumento
kayamanan ng bayan, PORK BARREL kanyang pang inganyo
busog,kaya naman si kongresman at senador ay 'di na kikibo

PORK BARREL, bakit ba nakakabulag ka sa tao?
PDAF, Priority Development Assistance Fund ibig sabihin nito
para sa presidente ng bansa’y mayroong bilyong bilyong peso
kay kongresman at senador, milyong milyon kaya’t nalilito
nawaglit sa isipan na sa masa ay may milyong pangako
nalilimutan, ang mga kababayang mahihirap at walang trabaho

Mayaman, walang kasing yaman talaga itong tuso
may sariling estasyon ng TV at gayundin ng radio
may mga pahayagan, pang-araw araw man o peryodiko
kaya’t kayang bolahin ang masa dahil pili ang anunsyo
araw araw, ibinabalita magandang gawa at mabango
pero huwag ka’t kailan may ‘di sisingaw ang mabaho


Siya’y manhid,pikit, walang awa sa taong bayan
kanyang pinapabayaan, tingin sa kanila’y mga mangmang
gamit ang MEDIA, ang madla, binobola,inililihis sa katotohanan
ang mahihirap, nagugutom at lalong nababaon sa kahirapan
samantalang itong buwaya, lumalaki’t walang kabusugan
Masaya,patuloy sa pagpapasa sa kanyang karangyahan

Sobra itong politikong malakas,tuso at mayaman
kailan may hindi maaaring sa masa ay kakatawan
sa kanila’y iba,  taliwas kanyang hangari’t kaisipan
kasamang pwersang politico, puro kanyang angkan
ganyan na rin ang napapansin ngayon sa simbahan
para bang nananahimik, kinukunsinti kanyang kabulokan

At ang angkang malaki, buo’t makapangyarihan
mas lumalakas, ‘di magalaw dahil may kakutsabahan
may mga pari , mahusay na tagahimok, baya’y tinatikuran
ngayo’y naging kanyang tagapagsalita, kasama sa sabwatan
o,kawawang mamamayan, pati ba Diyos ika’y pinabayaan?
bukas makalawa, kanino ka pa maghahanap ng katarungan?

A, salapi, tunay ngang ugat ng lahat ng kasamaan
gamit ni mayamang sobrang tuso’t makapangyarihan
binibili , dangal, prinsipyo’t karapatan ng taong bayan
ano pa ang ganda ng sosyedad kapag may kinakatakutan?
demokrasya?  Nasaan kung iilang pamilya ang nasapamahalaan?
kaya naman kabayan, mag-isip, mga tuso’y dapat nating pigilan

Muli, ang mga tuso, mayayama’t makapangyarihan
nangangako, sumisigaw at nagsusumamo sa bayan
hinihiling, panatilihin sa kanyang masaganang upuan
bayan,isigaw “tama na, sobra na, magtigil ka na diyan”
ipakita nating mahirap nga tayo ngunit ‘di mga mangmang
Pilipino pa rin tayong marangal,may dignidad at paninindigan

No comments:

Post a Comment