Wednesday, April 10, 2013


Profile of MSP Nominees


First nominee:



Concepcion “Connie” Bragas-Regalado:

59 na taong gulang, anak ng magsasaka, Taga-St. Bernard, Southern Leyte, tubong
Kidapawan, North Cotabato, na may dalawang anak na lalaki at tatlong apo na babae.

Siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Social Work sa University of Southern
Phillipines, Cebu City noong March 1975. Nagtrabaho sa Department of Social Welfare and Development ng pitong taon.

Bilang isang single parent, kinailangan niyang itaguyod ang kaniyang pamilya at, tulad ng marami nating kababayan, ay nagpasiya na magtrabaho sa ibang bayan. Simula noong 1983, nagtrabaho siya bilang isang domestic worker at nagtagal ng 2 taon sa Singapore at 13 taon sa Hong Kong.

Sa Hongkong, una muna siyang sumapi sa isang church-based organization, ang
Filipino Prayer, Share and Care Group, at ng lumaon ay naging kasapi ng United
Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-HK). Sampung taon siyang naging tagapangulo ng
UNIFIL-HK, mula 1994-2004. Kasabay nito, naging boluntir/para-legal counselor din siya sa Mission for Migrant Workers, isang institusyon na nagbibigay ng serbisyo para sa migrants in distress. Naging taga-pagsalita din siya ng Asian Migrants Coordinating Body (AMCB-HK) mula 1996-2004 at kinatawan niya ang mga organisasyong ito sa iba’t-ibang pandaigdigang komperensiya kaugnay ng mga usapin sa migrasyon. Noong itinayo ang Migrante Sectoral Party (MSP) noong 2002, naging pangalawang taga- pangulo siya ng organisasyon at nahalal bilang taga-pangulo nang sumunod na taon.

Bumalik siya sa Pilipinas noong 2004 upang maging First Nominee ng MSP. Nahalal siyang taga-Pangulo ng Migrante International nang sumunod na taon hanggang 2008 at nagsilbi bilang unang pangkalahatang kalihim ng International Migrants Alliance (IMA), ang pinakamalaking alyansa ng mga migrante ng iba’t ibang lahi, noong 2008-2011.

Sa kasalukuyan, bilang taga-pangulo ng MSP, isa siya sa pangunahing boses ng
sektor na siyang nagdadala ng interes ng mga migranteng Pilipino sa parliyamento ng lansangan, sa Kongreso, sa iba’t-ibang pambansa at internasyunal na ahensiya at mga komperensiya.


Second nominee



Garry C. Martinez:

43 taong gulang, may asawa’t isang anak Taga-Taytay, Rizal, Si Garry ay galing sa isang malaking pamilya ng magsasaka.

Dahil sa kahirapan, hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo at sa murang edad ay
naging manggagawa. Dahil di sapat ang kaniyang kinikita, nagparekrut siya para sa
isang trabaho sa South Korea noong 1991 at naging biktima ng human trafficking.
Nagtrabaho siya sa South Korea bilang isang undocumented worker ng 12 taon at
dinanas niya ang iba’t ibang klase ng pangaabuso at kahirapan.

Noong 1990’s, naging lay missionary siya at dito siya nasimulang mabigyan ng
pagkakataon na makapagsilbi sa kaniyang kapwa migranteng Pilipino. Naging
Chairman siya ng Emergency Committee ng Sampaguita Filipino Center ng anim
na taon (1993-1999) at halos kasabay ay nagsilbi bilang taga-Pangulo ng Filipino
Catholic Community (1994-1999). Kinilala ang kaniyang mahalagang kontribusyon sa pagsulong ng kapakanan ng ating kababayan ng hinirang siya ng ABS-CBN bilang Bayaning Pilipino sa Asya Pasipiko. Noong 1999-2000, naging taga-pangulo din siya ng KASAMMA-KO (Kalipunan ng mga Samahan ng Migranteng Mangagawa sa Korea).

Ang pagiging ulirang ama ni Garry ay kinilala din nang hinirang siya bilang three time awardee ng Ulirang Ama Hewyadong Catholic Community sa Seoul, Korea.

Hindi natigil ang paglingkod ni Garry nang na-deport siya pabalik ng Pilipinas noong 2003. Agad siyang pumakat sa Migrante International (Home Front) hanggang sa nahalal siyang bilang taga-Pangulo noong 2008 at nananatiling pangulo hanggang sa kasalukuyan.
Siya din ang kasalukuyang Secretary general ng International Migrant’s Alliance.


Third nominee



Emmanuel “Eman” C. Villanueva

40 taong gulang na si Eman at nagmula sa San Pablo, Laguna. Ang kanyang ama
ay tubong Mabini, Batangas habang ang kanyang ina ay nagmula naman sa Lemery,
Batanggas at Malolos, Bulacan.

Siya ay nagtapos ng elementarya sa San Pablo City Central School noong 1985. Nag-aral naman ng unang dalawang taon ng high school sa Laguna College bagamat nagtapos na sa Liceo de San Pablo noong 1990. Hindi na nakatuntong ng kolehiyo dahil naging OFW na sa Hong Kong noong siya'y 18 taong gulang pa lamang. Dalawampung taon na siyang nagtatrabaho bilang isang domestic worker sa Hong Kong.

Simula 1998, si Eman ay naging Secretary General ng United Filipinos in Hong Kong (UNIFIL-HK), ang pinakaunang alyansa ng mga asosasyon ng OFWs na nagtataguyod at nakikipaglaban para sa karapatan at kagalingan ng mga migrante sa Hong Kong. Kasabay nito, nahalal din siya bilang Vice Chairperson ng Filipino Migrant Workers’ Union (FMWU). Nang kalauna’y inatasan siyang maging Country Coordinator ng International Migrants Alliance - HK & Macau Chapter, at nahirang na tagapagsalita ng Makabayan HK.

Matatandaan si Eman sa kanyang naging papel bilang tagapagsalita ng Filipino
community sa Hong Kong nang pumutok ang protesta ng mga OFWs laban sa
rasistang pahayag ni Tsip Chao, isang kilalang manunulat sa Hong Kong.

Siya din ang naging mukha ng paglaban ng mga migranteng Pilipino para sa dagdag-sahod at laban sa rasismo at diskriminasyon bunga ng maling pagtugon ng gobiyerno at pulisya sa Manila hostage-taking incident na nagresulta sa pagkamatay ng 8 taga Hon Kong.

Kamakailan lamang, muling naging laman siya ng mga balita bilang tagapagsalita ng pinakamalaking alyansa ng mga migranteng manggagawa sa Hong Kong, ang Asian Migrants’ Coordinating Body (AMCB), kaugnay ng kasong isinampa ng dalawang Pilipino para sa permanent residency.


Fourth nominee


Jonathan B. Canchela

39 taong gulang, may asawa at dalawang anak. Siya ay ipinanganak at lumaki sa
Sipocot, Camarines Sur, Bicol, kung saan ang kanyang ama ay isang magsasaka.
Dahil sa scholarship grant, siya ay nakapagtapos ng kursong Philosophy at Human
Resources Development sa San Beda College, Manila, noong taong 2000.

Pagkatapos ng kolehiyo, si Jonathan ay nagtrabaho ng limang taon sa isang malaking kumpanya ng insurance sa Pilipinas. Taong 2005, siya ay pumunta sa Toronto, Canada upang makasama ang kanyang asawa na nagtatrabaho noon bilang isang caregiver.

Sa Canada, una siyang nagtrabaho sa isang pabrika ng furniture. Dito niya naranasan ang mabigat na gawain, mababang sahod at hindi pantay na pagtingin sa mga migranteng manggagawa.

Si Jonathan ang unang taga-pangulo ng Filipino Migrant Workers’ Movement (FMWM) na itinatag noong 2008 sa Toronto. Bilang pangulo, naging masigasig siya sa mga pagkilos upang ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mga manggagawang migrante sa Canada.

Pagkatapos ng kanyang termino sa FMWM, siya ay nagsilbing regional representative ng Migrante Ontario bilang kinatawan ng western Ontario sa konseho ng Migrante Canada

Si Jonathan ay bahagi rin ng Community Alliance for Social Justice (CASJ), isang
alyansa ng ibat-ibang Pilipinong organisasyon sa Toronto. Siya rin ay nagsusulat sa isang Pilipinong pahayagan dito sa Toronto.

Siya ngayon ang kasalukuyang country coordinator ng Migrante Sectoral Party of
Overseas Filipinos and their Families (MSP) sa Canada.


Fifth nominee


Dion Carlo C. Cerrafon

30 taong gulang, may asawa’t apat na anak. Siya ay tubong Lopez, Quezon at ngayo’y naninirahan na sa Maynila.

Kumuha siya ng kursong BS Mathematics sa PUP at habang nasa kolehiyo ay naging aktibo sa pagsulong ng mga karapatan ng mga kabataang estudiyante. Sumapi siya sa Student Christian Movement (SCM) at nagsilbi bilang pangkalahatang kalihim tapos taga-pangulo ng Student Christian Movement (SCMP) sa mga taong 2002 –2007. Kaalinsabay nito ay naging finance officer din siya ng Philippine Christian Youth

Federation (2003 – 2005). Nahirang din siya bilang national coordinator ng Human

Rights Committee ng World Student Christian Federation (WSCF), isang organisasyon ng kabataan na ang saklaw ay Asya-Pasipiko. Naging tagapangulo din siya ng Kabataang Pinoy Party noong 2007.

Sa WSCF, marami siyang nakasalamuhang mga migrante ng iba’t-ibang lahi at dito siya namulat sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino. Ang pamilya din ng kaniyang asawa ay karamihang nagtratrabaho sa ibang bayan kung kaya’t nagpatuloy ang interes niya sa sektor hanggang sa naging kasapi siya ng Migrante International. Sa kasalukuyan, siya ang pangkalahatang kalihim ng MIGRANTE Sectoral Party.


Sixth nominee


Siony T. Torzar

39 taong gulang na taga-Catanduanes, Bicol, at may 2 anak. Dito sa Pilipinas ay manggagawa si Siony sa isang garments factory sa Export Processing Zone Authority sa Mariveles, Bataan. Noong 1997 ay aktibong sumapi siya ng unyon na nakibaka para mabayaran sila ng kanilang sweldo, overtime pay at mga benepisyo.

Dahil lumalaki na ang pangangailangan ng kaniyang pamilya, nagpasiya siyang maging OFW sa I-lan, Taiwan at nagtagal doonbilang isang manggagawa muli ng 2 taon (1998-2000). Naglipat-lipat siya ng trabaho hanggang sa mapadpad siya sa Taipei. Dito siya naging biktima ng human trafficking at dumanas ng mala-alipin na trato, sobrang baba ng sweldo at sapilitang pagpapapirma ng kontrata. Natiis niya ng dalwa’t kalahating taon hanggang sa nahikayat niya ang kaniyang mga kapwa manggagawa na magprotesta, naging tagapagsalita nila hanggang sa nagsampa sila ng kaso laban sa kanilang employer. Dahil dito, natanggal siya sa trabaho at napadpad sa isang shelter ng mga migrante mula sa iba’t-ibang bansa na may mga kaso din. Dito siya nanatili ng isang taon at 3 buwan habang inilalaban niya ang kaniyang kaso. Habang nasa shelter siya ay tumulong din siya sa ibang kapwa niya migrante sa kani-kanilang kaso. Sumapi at naging aktibo siya sa Migrante-taiwan chapter, nagorganisa ng kapwa niya mga nabiktima at direktang humawak at nagrefer ng mga kaso sa Migrante.

Naipagtagumpay niya ang kaso niya at napabayad ang kaniyang amo. ANg kaniyang
kaso ay kauna-unahang kaso ng human trafficking sa Taiwan at ito ang naging
inspirasyon upang maitulak ang gobiyernong Taiwan na magbuo ng isang anti-
trafficking task force na binubuo ng mga recruitment agencies, local non-government organizations, ang Legal Aid Foundation kasama ang mga ilang ahensiya ng gobiyerno na siyang tutugon sa mga kaso ng human trafficking.

Pagkatapos ng laban ay umuwi na siya sa Pilipinas at itinuloy ang naumpisahan niyang pagsisilbi sa mga migranteng Piipino. Nag-fulltime siya sa Migrante International bilang case officer ng Rights and Welfare Program nito hanggang noong pinakahuling konbensyon ng Migrante Sectoral party kung saan siya ay nahirang bilang pang-anim na nominee. Maliban sa pagiging nominee, bahagi din siya ng National Secretariat ng MSP sa kasalukuyan.

eof/

No comments:

Post a Comment