Monday, October 14, 2013

Pinoy Weekly | Garapal


Posted: 13 Oct 2013 10:15 PM PDT


“Garapal!” Sa ganitong paraan, o baka kulang pa nga, mailalarawan ang mga sunod-sunod na balita na narinig natin sa mga nagdaang araw. Parang mga pinoy na teleserye na kinagisnan at pinapanood gabi-gabi — wala na atang katapusan ang pagwawagi ng kontrabida, api-apihan na lang talaga tayong lahat, at hindi na magtatapos ang istoryang ito.

“Tang-ina nila!” Ganitong mga mura ang narinig ko sa mga kakilala kong empleyado ng maibahagi ko sa kanila na humigit kumulang isang milyong piso ang naiuwing bonus ng bawat isang direktor ng SSS noong 2012.

“Ano yun, sineswerte sila?” Reaksyon naman ito ng marami na habang hirap tayong sikmurain ang milyones na bonus na natanggap ng mga direktor, panukala pa nitong itaas ang kontribusyon ng bawat miyembro na dagdag kaltas na naman sa maliit na sahod kada buwan.

“Kapal naman ng mukha nila.” Ano pa nga ba’t kakapalan ng mukha talaga na halos milyones din na bonus ang natanggap ng opisyales ng MWSS ayon sa balita noong nakaraan.  Kinagawian na ata ang pagpapakalunod ng mga namumuno sa GOCCs sa perang pinaghirapan ng mga mamamayan.

“Sobra naman sila!” Sobra talaga kung magpakasasa ang mga opisyales ng pamahalaan. Isipin mo nga’t halos mahigit kumulang 22 milyong piso ang na-overspend ng DENR para lamang sa pagkain. Ilan milyong pilipino ba ang walang makain sa araw-araw?

Inulan ang mga ahensiyang ito ng mga batikos lalo na sa internet. Sa pagdagdag ng mga balitang ito sa kagalit-galit na mga isyu ng pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pork barrel, ramdam mo, hindi lang ang pagkadismaya gaya ng mga sabi sa balita, na halos wala nang mapaglagyan pa ang galit ng taumbayan. Buti nga’t sinugod ng mga manggagawa’t maralita ang tanggapan ng SSS at MWSS! Sobra kasing garapal!

Pero kung akala mo’y nakilala na natin ang lahat ng mga kontrabida sa teleserye ng buhay ng mga mamamayang Pilipino, aba, ano pang itatawag natin sa mga nasa Malacañang at kay Aquino na ipinagtanggol pa’t binigyang katwiran ang lahat ng mga kagarapalan na ito?

Wala naman daw mali sa milyong piso na bonus ng mga direktor ng SSS. Kulang pa nga bilang pasasalamat ang mga bonus na ito kumpara sa magandang pagpapatakbo nito sa SSS at ang pagpapalaki ng kita nito.
Ganun din naman daw sa MWSS, binibigyan ng bonus ng pamahalaan ang ahensyang ito, gaya ng SSS, dahil sa napakagandang performance nito sa nakaraang taon.

Humirit pa nga ang spokesperson ng Palasyo, hindi po ba’t kung kayo din ang nasa katayuan namin ay ito din ang gagawin nyo?

Eh saan bang sulok ng bansa nakuha ng Malacañang ang pagtatasa na maganda ang patakbo sa SSS at dapat itong pasalamatan? Nasubok na ba nila ang mabagal nitong serbisyo’t pahirapan na pagkuha ng pension at benepisyong pinaghirapan mo namang bayaran? Palibhasa’t malaki ang mga ipon galing sa kaban ng bayan, kakayanin kaya nilang mabuhay sa kakarampot na pension ng SSS?

Nakikita pa kaya nila ang kada buwan nilang binabayaran sa tubig? Walang habas ang pagtaas at hindi na makatao. Ito ba ang ipagpapasalamat mo? Alam kaya ni Aquino na ang presyo ng tubig sa Metro Manila ay halos pinakamataas sa buong Asya? Bakit hindi mapakinabangan, bagkus ay pahirap pa, ang yamang tubig ng bansa?

Iisa lang kasi ang dahilan. Iba ang sukatan ng palasyo sa good performance kumpara sa atin na mga pangkaraniwang tao. Dahil negosyo at hindi serbisyo ang balangkas at trato sa mga ito ng pamahalaan, nangangahulugan na ang pagpapalaki ng kita at hindi ang paghahatid ng serbisyo ang pangunahing sukatan ng maayos na pagpapaktabo nito. Eh hindi ba’t kung ito lamang ang sukatan ay baka bilyones pa ang dapat na bonus nila?

Pero hindi. At walang dapat ipagpasalamat ang mga mamamayan sa SSS, MWSS, DENR o kahit pa sa administrasyong Aquino. Ang lakas nitong batikusin ang nakaraang administrasyon ni Arroyo dahil sa walang pakundangan na paglustay sa kaban ng bayan. Hindi ba’t ito din ang ginagawa nya ngayon? Bukambibig ang daang matuwid pero parang mga snatcher naman sa madidilim na kalsada ang mga aksyon at polisiya.

At saan pa ba makakahanap ng halimbawa ang opisyales na ito ng garapal na pamamahala kundi mismo din sa pangulo? Halos trilyones ang sariling pork barrel, nag-imbento pa ng DAP para sa dagdag na pondo sa korapsyon, at nagsinungaling pang na-abolish na ang pork barrel na binawi din ng masandal sa pader ng mga mahistrado sa Korte Suprema. Hindi ba’t ‘yan ang pakahulugan, kundi rurok pa nga, ng pagiging garapal?

Ang posisyon sa gobyerno, mula sa pork barrel scam hanggang sa milyones na bonuses,negosyo at hindi serbisyo kung ituring. Sa kasalukuyang sistema, ang pamahalaan ay isang malaking Mafia, na ang godfather ay si Aquino, na isang kontrabida na patuloy na pinagnanakawan hindi lamang ng pera kundi ng kinabukasan ang mga mamamayan.

Ngunit gaya ng lahat ng teleserye, hindi pwedeng ang kontrabida ang nagwawagi. Hindi lahat ng panahon ay pagpapaloko, pagsasawalang-bahala at pagtitimpi ng bidang inaapi.  Sa pagdami ng mga balitang nagpapakita ng kagarapalan ng mga nasa pamahalaan, lumalakas ang loob ng mga bida — ang mga mamamayan- na bumangon mula sa pang-aapi at lumaban.

Nabibilang na ang mga araw ng mga garapal sa pamahalaan. Handa na ang bida para sa mga maiinit na eksena.
At ito ang unang linya- “hindi po ba’t kung kayo din ang nasa katayuan namin ay ito din ang gagawin nyo?”

Lights, camera, action!


###

Isa pa itong garapal. Bahagi daw ng Kaliwa pero tahimik sa gitna ng isyu ng korapsyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa teleserye, ito ang mga nagpapanggap na kakampi ng bida pero ahente pala ng kontrabida.






No comments:

Post a Comment