Monday, February 24, 2014

Oo Babae, Kakaiba Ka Sa Lahat Ng Nilalang








Tunay ngang isang yaman at biyaya Siyang tahimik,mapagmahal at matiyaga Sa puso'y may haplos, matamis at kaaya-aya Anumang sakit sa kanya'y 'di dama’t nawawala Katataga’t pag-asa, mababanaag sa kanyang mukha O babae, sa mundo’y alay ka ng Diyos Ama


At sa malambot mong mga kamay Walang pusong bato kapag kumaway Halik mo sa batang walang muwang Nagtuturo ng pagmamahal, galit ay walang puwang Pati haplos mo sa taong napakapusok Oo babae, gayuma mo'y nag-aalis poot


Tulad sa buhay na itong napakagulo Pagkamahinahon mo ang mag aayos nito Kung kayamana'y nawawalan ang tao Makikita sa'yo , kahalagahang higit pa sa ginto O, babae kapag nawala ang iyong bango Saan pa mangagaling halimuyak n’yaring mundo?


Babae, napakahirap mang maintindihan Kakaiba ka sa lahat ng bawat nilalang Biyaya ka ng Diyos sa mga kalalakihan Siyang katuwang sa pag-aalaga ng kalikasan
Sa sinapupunan, buhay ay magtutuloy ng walang hangan Sa'yo nakasalalay ang kinabukasan ng sanlibutan


Oo’t tunay kapag siya'y umiyak Iisa lamang ang laging siyang tiyak Tama na lahat pati kanyang mali At kailan ma'y hindi siya nagkamali Kaya't lalaki, mabuti pa'y ika'y tumabi Magbigay galang sa mga babaing may luha sa pisngi

O, siya na isang mapagmahal na ina Tulad din ng isang mabuting asawa Mga kapatid na kasaria’y mas mahina Mga babaeng mapagmahal at maaruga Tunay na pag- ibig ang dala sa bawat tuwina Mga babae nga'y anghel ng pamilya


Mga lalaki'y alam ang katotohanan Kung bakit ika'y dapat pangalagahan Pagmamahal at paggalang huwag pagkaitan Oo babae, hinugot kang tunay sa tadyang Malayo sa paa upang hindi maapakan Malapit sa puso nang maibig at mapagsilbihan


Ano ba iyon na nasa kalangitan? Napakaningning, napakalaki't parang ilawan Bituin,Oo babae ika'y parang ganyan Sa loob at labas man ng isang tahanan Liwanag kang tunay na walang katapusan Isang walang katumbas na kayamanan Tunay, mabuhay ka magpakailan man



(ni: Demetrio 'Bong' Rafanan)



1 comment:

  1. Gusto Online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirade_uno_23@yahoo.com
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete