Friday, October 11, 2013

Pinoy Weekly | Opinyon | Hinahon sa masamang panahon

Posted: 11 Oct 2013 10:16 AM PDT

The author: Danny Arao

Mahirap maging mahinahon sa mga panahong tulad nito.

Una, sadyang masungit ang panahon. Noong Huwebes, halimbawa, biglang bumuhos ang matinding ulan sa Metro Manila na nagdulot ng pagbaha sa ilang lugar. Kasama ka ba sa maraming na-stranded sa kalsada dahil walang masakyang bus, FX o jeep? At kahit na masuwerte kang nakasakay, nainis ka ba sa matinding traffic? Anong oras ka na ba nakauwi?

Ikalawa, sadyang panahon ito hindi lang ng masusungit kundi ng makakapal ang mukha. Suriin natin ang pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa kanyang pagdepensa sa mga bonus na nakuha ng mga opisyal ng Social Security System (SSS). “We can only declare bonus kung kumikita [ang government-owned and -controlled corporations] at malaki naman po ang kinita ng SSS.”

Sa ganitong konteksto raw dapat intindihin ang matataas na bonus na nakuha ng mga opisyal ng SSS. Sino-sino ba ang bumubuo ng board of directors at magkano ba ang kanilang nakuha? Heto ang listahan ayon sa ulat ng GMA News TV:
  • Juan Santos (tagapangulo): P1.176 milyon
  • Emilio De Quiros Jr. (pangalawang tagapangulo): P1.040 milyon
  • Diana Pardo-Aguilar (miyembro ng lupon): P1.336 milyon
  • Daniel Edralin (miyembro ng lupon): P1.128 milyon
  • Eliza Antonio (miyembro ng lupon): P968,000
  • Marianita Mendoza (miyembro ng lupon): P1.024 milyon
  • Ibarra Malonzo (miyembro ng lupon): P1.416 milyon
  • Bienvenido Laguesma (miyembro ng lupon): P1.304 milyon
Bukod sa malalaking halagang ito, nakakakuha pa sila ng P40,000 bawat board meeting at P20,000 bawat committee meeting. Nagkakaroon ng mga pulong na ito dalawang beses sa isang buwan.

Sa bahagi ng Government Commission for Government-Owned and -Controlled Corporations (GCG), legal daw ang ganitong kalakaran. Binanggit ni GCG Spokesperson Paulo Salvosa na ang mga insentibo at per diem para sa SSS ay nakasaad sa Republic Act No. 10149 (GOCC Governance Act of 2011).

At tulad ng inaasahan, ipinagtanggol ni De Quiros, presidente at CEO ng SSS, ang kanilang bonus. “This scheme established by GCG is the way by which GOCCs give incentives to produce better…You try to provide incentive to the management and staff, to be able to generate more income.”

Binigyan naman daw ang mga empleyado ng SSS na nagkakahalaga ng P276 milyon. Kung sa tingin mo’y malaking halaga rin ito, isipin mong may 5,044 empleyado ng SSS (i.e., 1,942 samain office at 3,102 sa branch offices). Pero malinaw namang hindi ito pinaghatian nilang lahat. Sinabi ni De Quiros na ang mga nagrereklamo ay malamang na mga empleyado ng SSS na may “poor performance” kaya hindi nakakuha ng bonus.

Dito may malaking pagkakamali si De Quiros. Ang pangunahing nagrereklamo ay ang mga mismong miyembro ng SSS na buwanang naghuhulog ng kanilang kontribusyon. Gaano ba sila karami? Suriin natin ang datos mula mismo sa SSS:
  • Employers: 859,011
  • Employees: 22,064,627
  • Self-Employed: 3,853,271
  • Voluntary: 3,827,566
Salamat sa kanilang kontribusyon, lumaki ang kita ng SSS. Ayon sa datos ng kompanya, ang kabuuang kontribusyon ay umabot sa P25.577 bilyon para sa unang tatlong buwan ng 2013. Ito ay 71 porsyento ng kabuuang kitang P36.070 bilyon. Kung paniniwalaan ang mga pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno, ang pinagkuhanan diumano ng mga bonus ay hindi ang mga kontribusyon kundi ang natitirang 29 porsyento na P10.492 bilyon (investment and other income).

Pero ang tanong lang sa puntong ito: Kung wala ang mga buwanang kontribusyon ng 30 milyong miyembro ng SSS, magiging imposible ang mga pamumuhunan at iba pang kita ng kompanya. Kahit na legal ang pamimigay ng bonus, bakit kailangan pang ibigay ang mga ito sa mga opisyal na sobra-sobra na ang benepisyong nakukuha mula sa kanilang pag-upo sa puwesto? Bakit hindi na lang sila makontento sa kanilang matataas na suweldo? Bakit kailangan pang magbigay ng bonus para sa simpleng paggampan ng trabaho nila?

Kung totoong “performance-based” ang pamimigay ng bonus, hindi ba’t kailangan ding suriin hindi lang ang kita kundi ang kabuuang pamamalakad? Ang simpleng pagbisita sa main officeng SSS ay magpapatunay sa haba ng pila ng mga miyembrong gustong makipagtransaksyon sa kompanya. Maraming kuwento ng naantalang benepisyo at pahirapang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento. Hindi maikakaila ang sanlaksang reklamo hindi lang sa mababang benepisyong nakukuha kundi sa mali-maling komputasyon ng mga kontribusyon.

At ang mas nakakainis pa, ang malalaking bonus na ipinamigay sa panahong itataas ang mga buwanang kontribusyon sa Enero 2014. Ang tanong ng maraming mamamayan: Bakit kailangang itaas ang singil kung tumataas ang kita?

Kahit hindi mo ugaling magmura, may tendensiyang gumamit ka ng mga salitang ayaw mong banggitin. Pero kailangan ng hinahon para obhetibong pag-aralan ang sitwasyon. Dito lang natin malalamang may magagawa tayo sa gitna ng masamang panahon.

Kung may bagyo, magdala ng payong at iba pang proteksyon sa hangin, ulan at baha. At kung ang masamang panahon ay dulot ng maling pamamalakad ng mga nasa kapangyarihan, may batayan ang paglaban sa pamahalaan.



 Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com



3 comments:

  1. Hindi po ako sanay magmura pero sa araw-araw na pinaggagawa ng mga GANID & MAGNANAKAW NA OPISYALES ng govt., PUTANG AMA & PUTANG INA ang mga yan! PURO PAHIRAP sa karaniwang manggagawa! KAYO ANG MGA SALOT NG LIPUNAN! MGA WALANG AWA KAYO sa mga taong subsob sa trabaho & naghahanapbuhay ng patas. MANGAMATAY NA SANA KAYONG MGA GANID, ASAP!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Marc-Marie> I will pass on your remarkable comments to the author/owner of the article Danny Arao. On my behalf, I share your feelings against the robbers of our hard-earned money in the government. Many thanks for your comments

      Delete
    2. Marc-Marie> I will pass on your remarkable comments to the author/owner of the article Danny Arao. On my behalf, I share your feelings against the robbers of our hard-earned money in the government. Many thanks for your comments

      Delete