Posted: 07 Oct 2013 02:19 AM PDT
Nagprotesta ang mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno, Federation of Free Workers at Young Christian Workers sa Mendiola Bridge para gunitain any World Day for Decent Work. Panawagan nilang ibasura ang kontraktuwal na paggawa at ipasa ang P125 across the board wage hike. (Macky Macaspac)
Disenteng trabaho, hindi kontratuwal. Makabuluhang dagdag-sahod, hindi barya-baryang umento.Ito ang muling isinigaw ng ilang grupo ng mga manggagawa bilang paggunita nila sa World Day for Decent Work.
Sa ilalim ng Action Against Contractualization and Towards Significant Wage Increase Now (ACT2Win), nagprotesta ang mga manggagawa sa Mendiola Bridge, Manila para ipanawagan ang pagbasura sa patakarang kontraktuwalisasyon sa paggawa.
Ayon sa grupo, dahil sa kontraktuwal na paggawa, nanatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa. Kasabay nito, matindi ang kawalan ng benepisyo, malawakang tanggalan at nahaharap pa sa delikadong kalagayan sa loob ng mga pagawaan. Bukod pa daw dito ang patuloy na paglabag sa karapatan nila.
Bahagi ang pagkilos ng mga manggagawa sa panawagan ng International Trade Union Confederation (ITUC) para sa pagkilos ng mga manggagawa para sa “panlipunang hustisya at disenteng trabaho para sa lahat”. Nasa ikapitong taon na ngayon ang kampanya ng ITUC.
“Muli naming iginigiit na hindi kalakal ang lakas-paggawa na ipinagbibili sa napakamurang halaga sa porma ng kontraktuwal na paggawa. Dapat lang na ibigay sa amin ang nakakabuhay na sahod at kaseguruhan sa aming mga trabaho,” sabi ni Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers.
Mga bagong kontraktuwal? Mga estudyanteng naglalakad sa Mendiola habang nagsasagawa ng protesta ang mga manggagawa. Tinatayang libu-libong kabataan at estudyante ang mapapabilang sa mga kontraktuwal na manggagawa oras na sila’y makapagtapos. (Macky Macaspac)
Sabi pa ni Matula, ginagarantiyahan naman ng batayang mga batas ng Pilipinas ang mga karapatan ng mga manggagawa. Pero kadalasang nilalabag ito ng mga kompanya.Kamakailan lamang, ipinatupad ng Department of Labor and Employment ang PhP10 umento sa sahod sa Metro Manila, na labis na ikinadismaya ng mga manggagawa.
Paliwanag naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa ilalim ng Herrera Law of 1989 na nag-amyenda sa 1973 Labor Code, binibigyang laya ang kalihim ng paggawa na magtakda kung ano ang kontraktuwal na paggawa.
Sa kasalukuyang administrasyong Aquino, ipinalabas ng kalihim ng Dole ang Department Order 18-A Series of 2011, na nagbibigay kahulugan at nagle-legalisa sa kontraktuwalisasyon.
“Peste sa mga manggagawa,” ito naman ang turing ni Elmer Labog, tagapangulo KMU, sa kontraktuwal na paggawa.
Aniya, “wala itong pakinabang sa mga manggagawang Pilipino. Patunay ang pagpapatupad ng gobyerno sa patakarang ito sa pagpabor nito sa malalaking dayuhan at lokal na kapitalista kaysa ordinaryong mga manggagawa,” sabi ni Labog.
Sinabi rin ni Matula na hindi makakaasa ang mga manggagawa sa gobyerno para protektahan ang kanilang mga karapatan,
“Dapat ipaglaban ng mga manggagawa ang pagtatayo ng unyon o asosasyon,” aniya.
No comments:
Post a Comment