Posted: 11 Oct 2013 05:16 AM PDT
Muling nagprotesta ang iba’t ibang grupo sa tanggapan ng SSS para kondenahin ang PhP 10-Milyong bonus ng mga opisyal ng ahensiya. Tutol din sila sa napipintong pagtaas sa premium ng SSS members. (Kontribusyon)
Pinapasiyasat ng Bayan Muna Party-list sa Kamara ang PhP 10-Milyong bonus na natanggap ng mga opisyal ng Social Security System (SSS).Sa House Resolution 369 na isinampa ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, hiniling nitong ibalik ng mga opisyal ang naturang bonus. Pinapasiyasat din ng mambabatas ang pangtanggi ng SSS na itaas ang pensiyon ng mga miyembro nito, at ang mabagal na proseso sa pagkuha ng benepisyo.
Kinukuwestiyon din ng naturang resolusyon ang napipintong pagtaas ng premium sa susunod na taon.
Nakasaad pa sa resolusyon na hindi lang PhP 10-M ang natanggap ng mga opisyal ng SSS.
Noong 2010 tumanggap daw ng PhP 200-M bilang retirement benefits ang mga ito.
Samantala, “sobra-sobra” raw ang siningil ng ahensiya sa mga miyembro nitong may pagkakautang: Aabot ito sa PhP 1-Bilyon, na hindi pa naibabalik.
Panawagan naman ng Gabriela Womens Party-list na siyasatin ng Kamara ang buongfinancial management ng ahensiya.
Isang hiwalay na resolusyon, House Resolution 161, ang isinampa nina Gabriela Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus noong pang Agosto 5. Isinampa nila ito matapos umano magreklamo sa kanila ang mga miyembro ng SSS ang Circular 2013-0003 ng ahensiya noong Abril.
Sa ilalim ng naturang circular, aabot sa dalawang milyong miyembro ang mawawalan ng pensiyon dahil sa kakulangan ng kontribusyon at makukuha nila ang kanilang kontribusyon sa pamamagitan ng lump-sum amount.
Sinuspinde ang circular noong Hulyo matapos magprotesta ang mga miyembro ng ahensiya.
“Ngayon hindi lang ang circular ang nagtutulak sa amin para imbestigahan ang financial status ng SSS,” sabi ni Ilagan.
Sinabi ni Ilagan na panahon na para busisiin ang pagpapatakbo sa SSS dahil sa pagtanggap ng mga bonus ng mga opisyal nito, samantalang nagbabanta naman na itaas ang kontribusyon ng mga miyembro nito.
“Bakit kailangang magtaas ng singil sa manggagawa pero nagpapasarap naman sa malalakingbonus ang mga nagpapatakbo nito?” ani Ilagan.
Idinagdag pa ni Ilagan na nagiging pabigat ang SSS sa mga manggagawa at retiradong miyembro nito, sa halip na maasahan para sa kanilang mga benepisyo.
“At ano ang ginawa ng Malakanyang? Imbes na mag-imbestiga o paimbestigahan ang SSS, sinusugan pa nito ang dagdag-singil sa premiums,” aniya.
Samantala, dinepensahan naman ng Palasyo ang mga opisyal ng SSS.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na hindi galing sa kontribusyon ng miyembro ang bonus. Galing daw ito sa kinita mula sa mga investment ng ahensiya, at naaayon daw ito sa patakaran ng Governance Commission para sa government-owned and controlled coprorations.
“Pera pa rin ng mga miyembro ang ginamit sa investment,” sagot naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na muling nagprotesta sa tanggapan ng SSS kahapon.
Muli silang nanawagan na ibalik ng mga opsiyal ang PhP 10-M bonus at ipinanawagan ang pagbibitiw ni Emilio De Quiros, presidente at chief executive officer ng ahensiya.
“Walang dahilan para ibulsa nila ang pinaghirapang kita ng mga nagugutom na manggagawa,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Kinondena rin ng grupo ang PhP 40,000 per diem ng mga opisyal sa bawat pulong ng SSS Board at gastos na PhP20,000 kada pulong ng komite.
Tig-dalawang pulong ng Board at komite ang inilulunsad kada buwan.
“Lasing na lasing sila sa pagkagahaman at walang pagmamalasakit sa mga miyembro na nagpapakahirap para lang makapagbigay ng kontribusyon,” ani Labog.
Sinabi pa ng grupo na batay sa karanasan ng mga manggagawang lumalapit sa ahensiya para kumuha ng iba’t ibang benepisyo, palpak ang pamamalakad ng ahensiya kumpara sa sinasabi ni De Quiros na good performance kaya sila nakatanggap ng malaking bonus.
No comments:
Post a Comment