Monday, November 26, 2018

Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan

Posted by Belarmino Dabalos Saguing
Rome, ItalyNovember 26, 2018




I. Ibigin mo ang Dios ng buong puso.
II. Pakatandaang lagi na ang tunay na pagibig sa Dios ay siya ring pagibig sa Tinubuan, at iyan din ang pagibig sa kapwa.
III. Itanim sa iyong puso na, ang tunay na kahalagahan ng puri’t kaginhawahan ay ang ikaw’y mamatay dahil sa ikaliligtas ng Inang-Bayan.
IV. Lahat ng iyong mabuting hangad ay magwawagi kapag ikaw’y may hinahon, tiyaga, katwiran at pag-asa sa iyong inaasal at ginagawa.
V. Pagingatan mo, kapara ng pagiingat sa sariling puri, ang mga pasya at adhikain ng K.K.K.
VI. Katungkulan ng lahat na, ang nabibingit sa malaking kapahamakan sa pagtupad ng kanyang tungkulin ay iligtas sukdang ikapariwara ng sariling buhay at kayamanan.
VII. Ang kaugalian natin sa ating sarili at sa pagtupad ng ating tungkol ay siyang kukunang halimbawa ng ating kapwa.
VIII. Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang sino mang mahirap at kapus-palad.
IX. Ang sipag sa paggawa ng iyong ikabubuhay ay siyang tunay na sanhi ng pag-ibig, pagmamahal sa sarili, sa iyong asawa’t mga anak, sa iyong kapatid at mga kababayan.
X. Parusahan ang sinomang masamang tao’t taksil at purihin ang mabubuting gawa. Dapat mong paniwalaan na ang tinutungo ng K.K.K. ay mga biyaya ng Dios; na anopa’t ang mga ninasa ng Inang-Bayan, ay mga nasain din ng Dios.
Mula sa opisyal na programa para sa inagurasyon ng monumento ni Andres Bonifacio, 1933.

No comments:

Post a Comment