Saturday, May 10, 2014

Mga kasinungalingan tungkol kay Andres Bonifacio - 1

Posted by Makabayan Supremo
Rome, Italy 11/05/2014



Si Supremo Andres Bonifacio y de Castro, ang tunay na Unang Pangulo ng bayang Pilipinas/Tagalog/Maharlika/Taga-Ilog. Subalit bakit ba tila napakarami ang hindi tunay na nakakakilala sa kanya, o maling-mali ang kaalaman ukol sa kanyang pagkatao at mga ginawa, at ginawa sa kanya noong huling buwan ng kanyang buhay? Sa panahon niya ay may mga nagkalat ng paninirang propaganda ukol sa Supremo subalit hindi ba dapat na naiwasto na ang mga kasinungalingang iyon sa ngayon? Ang nangyari pa nga ay lumawak pa ang mga paninira na tila ba buhay at kumikilos pa ang mga kagaya ni Daniel Tirona ng Magdalo...

Lampas isang siglo na mula nang kanyang itatag, sampu ng iba pang mga dakilang nagtaguyod, ang samahang naghanda ng paglaban para sa kalayaan at bumuo ng Pamahalaang Himagsikan, ang Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan nang manga Anak nang Bayan o KKK. Matagal nang nalimbag ang mga sulatin ng tatlo sa mga patas at mas mapapagkatiwalaang mga "primary sources" ukol sa Katipunan at sa Supremo--mula kay Hen. Santiago Alvarez, at Gat Apolinario Mabini, at sa limitadong antas, kay  Hen. Artemio Ricarte. Nailabas na rin ang mga sulat ni Bonifacio kay Gat Emilio Jacinto na nagbubunyag ng mga sigalot sa pagitan ng sangguniang Magdiwang at Magdalo sa Kabite.
Subalit bakit namamayagpag ang mga maling kaalaman ukol sa Supremo sa ating sistemang pangedukasyon at mainstream na media.

Ang mga maling kwentong ito ukol kay Supremo ay nakahalo sa mga iba pang kaalaman ukol sa kanya at madalas pa nga ay mas nangingibabaw dahil mukhang hawak ng mga kontra-Bonifacio ang mga ahensyang pangkaalaman--ang edukasyon at ang media. Ayon sa historyador na si Prop. Michael Charlestone Chua, "mga pwersang panlipunan na ayaw maituro ang mga aral nina Bonifacio at ng Katipunan." Pinakamainam ngang paraan para mabara ang pagpapahalaga sa Katipunan ay siraan ang pangunahing nagtaguyod at nagpalakad nito.
Anu-ano ba itong tinutukoy kong pangit na propaganda ukol sa Supremo? Narito ang mga pangunahing maling kaalaman na masasabing nakakapanggigil dahil sa sobrang pagkataliwas o paninira nito sa pagkatao at naging buhay ni Bonifacio.




1.   Wala raw pinag-aralan o mahina daw ang ulo ni Supremo.

Mukhang walang sariling mga bait ang naniniwala dito dahil may mangmang bang 1.) nakapagtatag at nakapagpalakas ng tagong samahan sa ilalim ng mapanikil na kolonyal na pamahalaan, at 2.) nakapagbasa ng mga librong nasa ibang wika (Les Miserables at Biography of American Presidents)? Bukod pa sa kanyang magagandang makabayang sulatin tulad ng Pag-Ibig Sa Tinubuang Lupa, Dekalogo, Dapat Mabatid ng Mga Tagalog, atbp.  Talas ng isip sa pagplaplano at mga taktika upang ma-utakan o ma "outwit" ang kalaban ang ginamit ni Bonifacio. Sila ngang mga nagsasabi nito baka sa barangay lang nila magtatag ng panghimagsikang samahan ay huli na agad sila.:)

Kailangang banggitin na kung ihambing si Bonifacio kay Hen.
Emilio Aguinaldo y Famy ay akala mo 'no read, no write' ang una at nakatapos ang huli. Ang katotohanan ay medyo nakakagulat sa mga nauto ng pwersang dilaw sa kasaysayan at media: self-educated ang Supremo at nakatuntong lamang sa high school itong si Aguinaldo.

Mas marunong pa nga pagdating sa mataas na kaalamang pangpamahalaan itong si Bonifacio kaysa kay Aguinaldo. Kitang-kita ang kamangmangan ni Aguinaldo pagdating sa usapang pamahalaan noong "Republika ng Biak na Bato" na itinatag nito bago tinalikuran ang Himagsikan at tumakbo sa Hong Kong (hanggang makipagusap sa mga Amerikano). Ang Saligang Batas ng Biak na Bato ay halos buong-buong kinuha sa Konstitusyon ng Cuba--99.9% plagiarized, ika nga.
Nakakahiya. Ihambing ito sa ginawang pagtutol ni Bonifacio sa Saligang Batas na inihain ni Hen. Edilberto Evangelista sa kanya noong bandang Disyembre 1896. Batay sa sinulat ni Hen. Alvarez, tinanggihan ni Bonifacio na gamitin ang konstitusyon para sa pamahalaang Katipunan dahil nakita niyang malapit ito sa gawa ng Kastilang si Antonio Maura.

Sabi nga ni Mabini, si Bonifacio ay isang "sagacious" na pinuno at "had no less schooling than any of those elected in the aforesaid assembly."  Tinutumbok dito ni Mabini ang kontrobersyal na Tejeros Convention kung saan nakaikot ang hindi lang isang malaking kasinungalingan ukol kay Bonifacio.


Ang pamana ni Aguinaldo sa mga Pilipino

Ang katotohanan, si Aguinaldo ang unang pangulo ng Pilipinas na humalik sa sapatos ng Kano. Siya rin ang ama ng Extra-Judicial Killings bilang pamamaraan upang manatili sa kapangyarihan. Mga katotohanang makikita pa rin hangga ngayon. Ang politika ni Bonifacio ay higit na mataas sa linyang politika ni Aguinaldo dahil ibinatay ito sa wagas na pagmamahal sa sariling bayan at paghahangad na ipagtanggol laban sa paniniil ng mga banyaga samantalang ipinagkanulo ni Aguinaldo sa mga Kano ang soberanya ng bansa bagay na nasasaksihan pa rin natin kung paano tinatalikuran ng ating mga lider ngayon ang ating soberanya bilang isang malang bansa.













No comments:

Post a Comment