Posted: 03 Oct 2013 03:25 PM PDT
Bahagi ng burukrata-kapitalismo ang pork barrel system at sistematikong panunuhol at patronage politics tulad ng DAP, ayon sa mga kawani ng gobyerno. (KR Guda / PW File Photo)
Binatikos ng mga kawani ng gobyerno ang pagdepensa pa rin ng Malakanyang sa discretionary funds o pork barrel, kabilang ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ginamit umano para “suhulan” ang ilang mambabatas para sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong nakaraang taon.
Sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na kamuhi-muhi ang pagpabor ni Pangulong Aquino sa pork barrel, ano man ang itawag ng Palasyo sa mga pondo na Pangulo ang may kontrol at diskresyon.
“PDAF (Priority Development Assistance Fund), Special Purpose Fund, President’s Social Fund, at ngayon DAP — itigil na ang pang-iinsulting ito. Lahat ito pork at (lahat ito) nangangamoy ng parehong baho ng korupsiyon,” sabi ni Gaite.
Ikinasusuklam umano ng mga kawani ng gobyerno ang pamamahagi ng Palasyo sa mga mambabatas sa pondong DAP, samantalang ipinagkakait nito ang mga pondong dati nang napagtagumpayan ng mga kawani, tulad ng mga benepisyong inilaan sa mga Collective Negotiations Agreement (CNA) sa mga empleyado at savings sa pondo ng mga ahensiya na dapat ilaan sa dagdag-sahod at benepisyo ng mga kawani nito.
“May kapal ng mukha pa si Budget Secretary (Florencio) Abad na sabihing ginagamit lang ang isang bahagi ng DAP para sa mga bonus ng mga empleyado ng gobyerno at ngayo’y inilalaan nito sa mas mahahalagang programa. Anong mahahalagang programa? Panunuhol at pabuya sa mga mambabatas para sundin ang utos ng Malakanyang?” tanong ni Gaite.
Sinabi pa niya na “kriminal” ang ginawa ng administrasyong Aquino na pagkuha sa pondo na para sa kakarampot-na-ngang-sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Galit umano ang mga kawani nang mabalitaan nila ang sinasabing mga “panunuhol” sa mga mambabatas, samantalang matagal nang hinaharangan ng administrasyon ang mga benepisyo nila.
Sumang-ayon ang Courage sa pahayag ng tanyag na constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas na nagsabing tanging mga ahensiya na pinanggalingan ng pondong natipid ang may karapatang gumamit ng naturang pondo para sa mga kawani nito.
‘Pork barrel king’
Samantala, binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Kilusang Mayo Uno (KMU) si Aquino sa reaksiyon niya kontra sa katagang “pork barrel king” na pinakalat ng naturang mga grupo sa mga kilos-protesta at sa social media.
“Bagay lang kay Aquino ang titulong Pork Barrel King. Hindi in-abolish, kundi ginawang bahagi ng institusyon, ang discretionary spending para suportahan ang political patronage at kontrol sa Lehislatibo,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Sinabi rin ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na “bagay” kay Aquino ang nasabing bansag, sa kabila ng pagsabi ng Pangulo na “binawasan” na umano niya ang mga oportunidad para makaakses ng pork barrel siya at ang mga mambabatas.
Kakatwa umano na binanggit ito ni Aquino noong panahong direktang nasasangkot siya sa korupsiyon, partikular ang alegasyon na sinuhulan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga senador sa pamamagitan ng DAP noong nakaraang taon.
“Sinasabi ni Aquino na iba siya kay (dating pangulong Gloria Arroyo) at dahil dito’y makatwiran ang paggamit niya ng pork. Pero ano talaga ang pagkakaiba nito sa paggastos ng pork barrel,” tanong ni Reyes.
Inanunsiyo ng Bayan, KMU, Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan o KPMM, at iba pa, na lalahok ito sa protestang #MillionPeopleMarch sa Ayala Avenue, Makati City ngayong araw.
No comments:
Post a Comment