Saturday, October 5, 2013

Pinoy Weekly Opinyon | World Teachers’ Day, pagtuturo at aktibismo



Posted: 04 Oct 2013 10:45 AM PDT



Guro, aktibista. Trabaho ko ang una. Ano naman ang ikalawa? Ewan ko.

Noon pa man, hindi ako komportableng matawag na aktibista. Bagama’t masasabing progresibo ang pananaw ko (puwede mo pa ngang sabihing “subersibo”), hindi pa rin ito sapat para gamitin ang salitang “aktibista” katabi ng pangalan ko.

Simple lang ang aking argumento: Para sa akin, ginagamit ng isang “tunay” na aktibista ang buong buhay niya para sa adhikaing mas mataas pa sa kanya. Tinitingnan niya ang kanyang gawain bilang politikal na tungkulin. Wala siyang pakialam sa suweldo dahil wala siyang konsepto ng trabahong hiwalay sa kanyang personal na pagkatao. Para sa isang aktibista, ang personal ay politikal. Lahat ng ginagawa niya ay para sa ideolohiyang handa niyang itaguyod hanggang sa kanyang pagtanda.

FT o full-time. Ito ang terminong ginagamit sa ilang indibidwal na pinili ang buhay-aktibista. Wala silang buwanang suweldo. Ang nakukuha nila ay kakarampot na politikal na subsidyo. Umaasa lang sila sa donasyon ng mga taong may pera’t nakikisimpatiya sa gawain nila. Malinaw na wala silang pinansyal na benepisyo. Sa katunayan, pinili nila ang buhay na puno ng sakripisyo!

Ganito ba ang kaso ko? Hindi po. Regular kasi akong sumusuweldo at may seguridad na sa trabaho. Puwede mo pa ngang sabihing alipin ako ng isang sistemang pinipilit baguhin ng mga aktibista. Maraming kompromiso sa aking trabaho, at kasama na rito ang paminsan-minsang pagkalimot sa aking “subersibong” prinsipyo.

Bilang guro kasi sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na isang state university, bahagi ako ng makinarya ng gobyeno. Kahit na sabihing may mahaba’t makulay na kasaysayan ng aktibismo sa UP, lalo na noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos (1965-1986), hindi pa rin maitatanggi ang papel ng unibersidad sa pagpapanatili ng “bulok na sistema,” kung gagamitin ang termino ng mga aktibista. Bagama’t hindi naman direktang kasalanan ng UP ang pagkakaroon ng alumni na katulad ng diktador na si Marcos, may malaking responsibilidad pa rin ang tinaguriang pambansang unibersidad ng bansa sa pagpapalaganap ng mga teorya’t polisiyang nagpapahirap sa maraming mamamayan.

Saan ba madalas manggaling ang mga argumentong pabor sa anti-mamamayang globalisasyon at sa tatlong elemento nitong liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon? Sino-sino ba ang mga pangunahing naglabas ng mga pag-aaral na ginagamit ng gobyerno para panatilihin ang isang panlipunang kaayusang pinapakinabangan lang ng iilan? Saan ba kadalasang kumukuha ng mgaconsultant o opisyal para sa neoliberal na burukrasyang nagsisilbing mekanismo ng pang-aapi sa nakararami? Malinaw ang sagot: UP.

Mahirap maging guro sa UP kung ikaw ay kritikal sa neoliberal na kaisipan at sa mismong patakaran ng globalisasyon. Bukod sa pagiging bahagi ng minoryang madalas na bansagang “maiingay na aktibista,” nariyan ang malaking posibilidad na hanapan ka ng “butas” para matanggal sa trabaho. Ganyan ang nangyari sa isang aktibistang propesor noong 2008. Inabot ng tatlong taon bago niya nakuha ang kanyang tenure o seguridad sa trabaho. 

Kinailangan din niyang lumipat sa ibang yunit sa UP Diliman dahil ayaw na sa kanya ng mga dati niyang kasama sa departamento. Kung hindi siya ipinaglaban ng ilang progresibong guro’t estudyante ng UP at iba pang unibersidad (umabot pa nga ang kampanya sa labas ng akademya ng Pilipinas), malamang na ipinagkait sa kanya ang tenure bunga ng kanyang pagiging aktibista.

Sa kabila ng sitwasyong ito, may limitadong espasyo pa naman para sa mga progresibong guro sa pamantasang hirang. Hindi tulad ng ilang pribadong kolehiyo o unibersidad na basta-basta na lang pinag-iinitan ang mga gurong sa tingin nila’y “nanggugulo” lang, nabibigyan naman ng pagkakataon ang mga progresibong guro sa UP na ipahayag ang saloobin nila. Gusto nilang magsagawa ng kilos-protesta? Sige lang. Gusto nilang mag-ingay? Walang problema.

Pero ano ang mangyayari sa panahon ng ebalwasyon, lalo na sa mga progresibong temporary faculty? Sabihin na lang nating tulad ng lipunang ating ginagalawan, matindi rin ang politika sa akademya. Hindi pabor sa iyo ang sitwasyon kung hindi mo kasundo ang mga nasa kapangyarihan. Alam mo ba ang kuwento tungkol sa isang gurong natanggal dahil galit sa kanya ang tagapangulo ng departamento? Nabalitaan mo ba ang gurong napilitang magbitiw sa tungkulin dahil hindi niya masikmurang mas mataas ang ranggo ng mga kasama niyang hindi naman nagsasaliksik at hindi pumapasok sa klase?

Kung interesado kang malaman, naranasan ko rin ang politika sa simula pa lang ng pagpasok ko bilang full-time faculty sa UP Diliman noong 2001. Dahil progresibo, hindi nakakagulat na agad akong sumabak sa iba’t ibang kampanya sa kampus, lalo na’t kainitan noon ng isyu sa pagbabago sa general education (GE) program para gawin itong market-oriented sa buong UP System. Pinagsabihan ako noon ng ilang kapwa guro na maghinay-hinay lang sa pananalita laban sa administrasyon. Mahirap daw magalit ang nakatataas, lalo na ang ilang opisyal ng aming kolehiyo. Sagot ko naman, “Bakit naman ako tatahimik kung alam kong may mali?”

Malakas ang loob kong manindigan sa simpleng dahilan: Kasama ko ang iba pang progresibong guro at alam kong hindi nila ako iiwan kung sakaling magkagipitan. Kung ang ibang organisasyon ay pera ang sukatan ng pagtatrabaho, ang progresibong organisasyon ay ginagamit na sukatan ang prinsipyo. Hindi simpleng retorika lang ang paglilingkod sa bayan dahil araw-araw itong ginagawa.

Pero iba pa rin ang mga “tunay” na aktibista. Ang paglilingkod sa bayan ay may halong pagsasakripisyo ng personal na kinabukasan para tuluyang baguhin ang lipunan. Ang anumang pinansyal na pangangailangan ay hindi alam kung matutugunan. Wala silang ilusyong magpayaman o kahit magkaroon man lang ng komportableng buhay. Ang tahimik na buhay ay hindi para sa kanila kaya pinipili nilang mag-ingay!

Sa okasyon ng World Teachers’ Day ngayong Oktubre 5, mainam na bigyang pugay ang mga gurong naghubog sa ating isipan sa panahon ng ating pagkabata hanggang sa pagtanda. Mainam ding isama ang mga aktibistang kakilala natin. Kung tutuusin, puwede silang ihanay sa mga katulad kong propesyonal na guro. Ano pa nga ba ang tawag mo sa mga taong nakakayang magmulat sa labas ng apat na sulok ng paaralan?

Guro. Aktibista. Bagama’t napapanahong bigyang-pugay ang dalawa, mas nararapat na makibaka kasama ang ikalawa.


Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.




No comments:

Post a Comment