Sunday, October 13, 2013

Pinoy Weekly | Bonifacio Unang Pangulo


Posted: 13 Oct 2013 01:59 AM PDT

Gat. Andres Bonifacio, ama ng rebolusyon KKK, pinakadaking bayani ng lahi at unang pangulo ng Pilipinas

Sa pagpapaliwanag niya sa konsepto ng “ideolohiya,” minsang tinuntungan ng pilosopong Slovenian na si Slavoj Zizek ang antropologong Pranses na si Claude Levi-Strauss. Mayroon daw pinag-aralan ang huli na isang tribo na nahahati sa dalawang grupo. Nang ipina-drowing niya sa dalawang grupo ang tanaw sa kanilang lugar mula sa itaas, dalawang larawan din ang lumabas: ang isa, bilog na may bilog pa sa loob habang ang ikalawa, bilog na may linyang humahati sa gitna. Itinuturo nito, ayon kay Zizek, ang “kung anong antagonismong panlipunan na bumabaluktot (distorts) sa tanaw ng mga miyembro ng tribo sa aktwal na pagkakahanay-hanay ng mga bahay sa kanilang lugar.”

Hindi kaya lantad din ang antagonismong panlipunan sa bansa ng iba’t ibang pagtingin kay Andres Bonifacio? Ayon sa balita, noong Agosto 23, naghain ng petisyon si Michael Xiao Chua, propesor ng kasaysayan, at ang Philippine Historian Association kay Pang. Noynoy Aquino at sa Kongreso na kilalanin si Bonifacio na unang pangulo ng Pilipinas. Simula raw Agosto 24, 1896, hindi na isang rebolusyonaryong kilusan lang kundi isang gobyerno na ang Katipunan, ang organisasyong itinatag ni Bonifacio. Ani Chua, na umaasa sa social media para itulak ang kahilingan, baka magsilbing “oomph” na tulak o inspirasyon sa bansa ang pagkilala. Hiling din nila ang state funeral para sa bayani.

Maaaring may kurot sa puso ang panawagang “unang pangulo;” sa madaling tingin ay pagpaparangal ito kay Bonifacio. O kaya ay “pagtinging muli sa mga tala ng kasaysayan at pagsulat nang patas sa pamamagitan ng paglalarawan sa kanya nang batay sa katotohanan,” na pinakamataas na pagpaparangal kay Bonifacio ayon sa isa sa kanyang mga inapo. Pero kaduda-duda: Sa unang balita hinggil dito, prominente ang Alliance of Progressive Labor (APL) – alyado ng Akbayan at malapit sa gobyernong Aquino. Kasama si Daniel Edralin, tagapangulo ng APL, sa mga lider ng Social Security System na nagbulsa ng P10 milyong bonus para sa 2012 mula sa pondo ng mga manggagawa.

Parangal ba kay Bonifacio ang ituring siyang unang pangulo? Hindi niya ikakaangat ang maihanay sa mga pangulo mula kina Aguinaldo at Quezon hanggang kina Arroyo at Aquino. Hindi karapat-dapat ang mga naging pangulo na maituring na kasunod ni Bonifacio; isa ring ilusyon ang isiping huhusay ang mga susunod na pangulo dahil sa ganyang pagkilala kay Bonifacio. Hahalaw lang sila ng makabayan at makamasang sinag kay Bonifacio kahit naglilingkod sa dayuhang kapangyarihan at kumakatawan sa iilang naghahari sa lipunan. Hindi parangal kay Bonifacio ang gusto nila, kundi pagbango ng sarili at sistemang naghahari at paglabnaw sa imaheng rebelde-radikal ng bayani.

Sa kabilang banda, matagal nang dinadakila ng Kaliwa si Bonifacio. Inuugat nito sa kanya ang sariling proyekto: Para rito, ipinaglaban ni Bonifacio ang pambansang kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka, na kailangang ipagpatuloy at paunlarin ngayon. Ginawa nitong huwaran si Bonifacio, na mula sa uring anakpawis, para ipanawagan sa masang anakpawis ang paglahok sa pambansa-demokratikong pakikibaka at pagkabayani. Hindi ang pagkilala kay Bonifacio na unang pangulo ang iginiit nito, kundi bilang anakpawis na rebolusyonaryo. At pagkilala hindi ng namamayaning gobyerno, kundi ng masang anakpawis mismo.

Sa pagitan ng muling pagsulat ng kasaysayan at ng paglikha nito, ng pagpanawagan sa gobyerno at pagmumulat at pag-oorganisa sa karaniwang tao, malinaw kung alin ang pinakamataas na pagpaparangal ng sambayanang Pilipino kay Andres Bonifacio.


13 Oktubre 2013



No comments:

Post a Comment