Wednesday, October 9, 2013

Pinoy Weekly | Ang pagbubuo ng Aksyon o Artista laban sa Korapsyon


Posted: 07 Oct 2013 01:58 AM PDT

Ilan sa mga artistang nakilahok sa mga pagkilos laban sa pork barrel (paikot, mula kaliwa: Dr. Bienvenido Lumbera, Mae Paner, Chikoy Pura ng The Jerks, Monique Wilson, at sina Lolita Carbon, Cookie Chua at Bayang Barrios)Ilan sa mga artistang nakilahok sa mga pagkilos laban sa pork barrel (paikot, mula kaliwa: Dr. Bienvenido Lumbera, Mae Paner, Chikoy Pura ng The Jerks, Monique Wilson, at sina Lolita Carbon, Cookie Chua at Bayang Barrios)


Sa paglulunsad ng ikalawang Million People March laban sa imoral na ugat ng pork barrel sa Ayala Avenue sa Makati City ay minsan pang idiniin ang pagbubuo ng Artista Laban sa Korapsyon o Aksyon at minsan pa rin, ang utak nito na siyang nagpahayag sa balana tungkol dito ng hapong ‘yon ay ang isa sa mga artista ng bayan na si Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan o sa wikang Ingles ay National Artist for Literature.

Hindi lang sina Nora Aunor, Dingdong Dantes, Amalia Fuentes, Vicente Salumbides, Christopher de Leon, Aiza Seguerra, Ryzza Mae Dizon, Tom Rodriguez, Chanel Latorre, Kim Chiu, Ritz Azul, Vilma Santos, Judy Ann Santos at marami pang iba ang mga artista ng bayan, sina Ginoong Bienvenido rin, mga popular man o hindi.
Bahagi ang mga artista ng panitik ng talastasan.

At maituturing na ang panitikan ay showbiz din dahil ang karamihan sa mga sangay ng literatura ay pagtatanghal o palabas din tulad rin ng musika, pagpinta, paglilok, teatro, sining biswal, telebisyon, pelikula, arkitektura at sayaw.

Kaya sino nga ba ang kailangang maging kasapi ng Aksyon kundi ang mga pintor, manlililok, aktor at aktres at iba pang artesano, mananayaw, arkitek at mga manunulat, direktor at iba pang may kinalaman sa sining na siyang pinamumugaran at tinitirhan ng isang artista.

Kaya sa mga bilang na musikal sa ikalawang MPM ay pagpapatunay na nakikialam hanggang ngayon ang mga artista sa mga problema ng bayan at kung paano sila makakatulong na malutas ang mga suliraning ito.


***
Nasa entablado at sa paligid nito noong Biyernes sa Ayala sina Lolita Carbon ng dating grupong Asin, Cookie Chua ng dating samahang pangmusikang Color It Red at Bayang Barrios na simula noon—maliban sa kanyang mga kompositor, tambol mayor, tagasaliw na mga bokalista at iba pa niyang musikero—hanggang ngayon ay nagsosolo.
Ngayon ay tatluhan na kung ituring sina Lolita, Bayang at Cookie at tinagurian na silang Tres Marias.

Nasa tanghalan din sina Monique Wilson, Jograd de la Torre, Jim Libiran, Dino Manrique, ang The Jerks, Coritha, Frannie Zamora, Mae Paner na kilala rin sa tawag na Juana Change at marami pang ibang banda, mang-aawit, dramatista, komedyante at iba pang mga taga-showbiz.

Ewan lang kung ang mga nabanggit ay kasapi na ng Aksyon pero kung hindi pa ay hindi pa naman huli ang lahat at kahit kailan ay hindi mahuhuli ang pakikipaglaban para sa kalayaan, katarungan, kapayapaan ng isang artista.
Kung titingnang mabuti—dahil hindi pa kami lubusang oryentasyunado tungkol sa Aksyon—ang Aksyon ay isa ring alternatibong pangkat na tulad rin ng Concerned Artists of the Philippines.

Hindi nga ba’t si Bien Lumbera ay miyembro kapwa ng Aksyon at CAP?


***
Karagdagan ngayon sa mga artistang nakikialam sa mga isyu at usapin ng lipunan sina Monique, Lolita, Cookie, Bayang, Coritha at iba pang nasa Ayala pero wala o hindi namin nakita sa unang Million People March sa Luneta noong ika-26 ng Agosto, 2013.

Ipinagkakapuri naming idagdag ang mga ito sa presensiya ng mga bituing sina Mae, Jograd, Jim, Dino, Edu Manzano, Bianca Gonzales, Mylene Dizon, Gloria Diaz, Cesar M. Evangelista, Noel Trinidad, Leo Martinez, Jun Urbano, Mariel Rodriguez, Robin Padilla, Rommel Padilla, Rafael Centenera, Perry Dizon, Jess Evardone at marami pang iba.

Gaano man kataas o kababa o kagitna ang kanilang kamalayan sa pakikisangkot sa sosyo-pulitikal na mga diskurso ay mga mamamayan din sila at artista na pinaiiral ang responsibilidad na kanilang kaakibat sa pagiging isang tao sa lipunan.

Kung may matayog o malawak nang pamantayan na ginagamit sa isang nakikialam na nilalang at hindi man lang sila umabot sa unang baytang ang panukat na ito, may ibang mga araw pa na maaaring tumaas o lumagpas pa sa higit na inaasahan ang pakikibaka nila laban sa mali para itama.


***
Kung si Wilson nga, mula nang siya ay maging bahagi ng Repertory Philippines na madalas bansagan na kolonyal at pamburgis ang mga produksyon hanggang matuklasan siya para sa pelikula at telebisyon, inilunsad ng Viva Entertainment at pagkuwan ay nakuha bilang Kim sa West End na presentasyon ng “Miss Saigon” hanggang sa siya ay magtayo ng sarili niyang kumpanya ng aliw, ang New Voice Company na siyang nagprodyus ng “Vagina Monologues,” nagbanyuhay na sa kanyang mga pananaw ang aktres.

Militante na siya at naitanim na niya sa kanyang puso at isip ang pakikilangkap sa proseso ng pagbabago na magsisimula sa ibaba.

Ngayon ay mas mapuwersa na ang tinig ni Monique laban sa mga mapang-aping sistema at ang mga komplikadong sangay nito.

Ang mga ito ang kinakalag na tensyon at tunggalian ni Wilson upang sa kanyang ambag bilang babae, tomboy, tao, aktres, anak, kaibigan, kapitalista, kalaro, katrabaho, kaupisina, kasosyo, kabagang at iba pang papel sa tunay na buhay ay makapagpaliwanag at makapagpalaya siya ng utak at puso sa mga nalilito, nagugulumihanan, nakikibahagi sa pang-aapi at iba pang sangandaan para mas gumanda ang buhay sa Pilipinas.

Maaaring kahit makamtan ang paraiso ng buhay ay panaka-nakang darating ang mga impiyerno ng pakikisalamuha sa mga tao, bagay at institusyon kabilang ang mga nakikita at hindi nakikita pero ang mga kuntil-butil na maihahandog ni Wilson ay maging sapat na lunas sa mga pasakit.


***
Bukod kay Monique ay maidaragdag din sa mga artista ng bayan ngayon sina Darryl Shy, Pakyaw Duo—ang dalawahang tinig ng mga komedyante at novelty singer na dating barkada ni Manny Pacquiao at ang iba pang mga progresibong grupo ng mga mang-aawit at makata na tumula noon ng mga berso ng paglaban sa matiwaling paggastos sa Priority Development Assistance Fund O PDAF sa EDSA Shrine sa panahong ang protesta ay kasabay ng kaarawan ng diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Kung sinuman ang nagpundo ng malawakang pagkilos na ‘yon ay maaaring wala nang pakialam o walang alam ang mga tulad namin nina Darryl at Pakyaw Duo pero ang tunay na diwa ng paglahok sa mga kapwa binubusabos na Pinoy ay nasa aming puso at isip.

Madali naman sigurong makahalata ni Shy kung siya ay ginagamit lang o minamanipula ng mga naghaharing-uring nagkukunwaring kasama ng mga inaapi.

Napakakomplikado ng lipunang ito kaya naman hindi madali ang maghusga o magnilay kung sino at aling mga dambuhalang puwersang kaaway ng kabutihan ang nanggagamit para sa kanilang pansariling kapakanan.

Gayunman, nasa EDSA Shrine din si Juana Change at papalag at papalag si Mae kung siya ay nakapunang ginagamit siya ng mga tampalasan o kaya naman ay makapagsasabi sa kanyang ipinapain lang siya.


***
Ang iba pang hindi tipikal na mga tagapag-aliw—bukod ay Wilson—sa panahon ng pagtutol ng sambayanan sa pork barrel sa Luneta at sa Mendiola noong paggunita sa deklarasyon ni Marcos ng Martial Law, ika-21 ng Setyembre, 2013 ay ang mga obrerong mandudula at mga kabataang nagmula sa hanay ng mga naghihikahos at naisatinig nila ang kanilang mga problema kakambal ng mga hilahil ng lipunan sa pamamagitan ng musikang rap at sayaw ng makabagong anyo ng pagtutol.

At bagamat hiwalay ang kilos-protestang sinalihan ni Cristine Reyes laban sa pork barrel ay hindi maikakatwang may diwa rin ang seksing aktres ng paglaban sa katiwalian dahil siya man bilang manggagawa ay naaapektuhan.
Sumama nga si Cristine isang araw ng Biyernes sa Lunsod ng Quezon sa ilang progresibong sektor ng mga manggagawa, tinder at tinder at humawak siya ng bandila ng pakikibaka.

Narereklamo na rin si Judy Ann sa pandarambong ng mga mambabatas sa buwis na kanyang ibinabayad at ayon sa kanya, nalalagay pa sila sa alanganin, kinakasuhan ng pag-iwas sa pagbabayad ng buwis gayong tumutupad naman sila sa mga batas.

Ayon kay Santos, pagod, puyat, pawis, dugo, oras at talento ang mga puhunan ng isang artistang tulad niya para kumita ng pera at makapagbayad ng buwis pero ninanakaw lang pala ng kanyang mga pulitikong ibinoto ng bayan na ang dalawa ay kasama pa sa kinasuhan.

Hindi man nagbanggit ni Juday ng mga pangalan, malinaw pa sa sikat ng araw na kasama pa niya sa trabaho ang dalawang senador na bibistahan—sina Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada.

Nagiging makabayan man o hindi ang mga taga-showbiz ngayon, ang mahalaga ay nakikikintal sila sa mga nagaganap sa kanilang paligid at inaaring ang mundo ng aliw ay mundo rin ng mamamayan.



No comments:

Post a Comment