Posted: 09 Jul 2013 03:05 AM PDT
Nagpahayag ang mga lider-obrero na maglulunsad sila ng protestang bayan sa Hulyo 16 para ihayag ang pagtutol ng mga mamamayan sa taas-singil sa kuryente’t tubig, MRT at LRT, matrikula, at mga bayarin, gayundin sa pagtaas ng presyo ng langis. Nakapokus din ang naturang protesta sa paglaban sa mga demolisyon. (Kontribusyon)
Nagmartsa ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga lansangan ng Sta. Cruz at Quiapo para ipanawagan ang isang malawakang protestang bayan sa Hulyo 16.
Hinikayat ng grupo ang mga mamamayan na ipakita ang pagtutol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo gayundin ang tumitinding demolisyon sa mga kabahayan ng mga maralita.
Partikular na tinukoy ng grupo ang naka-ambang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, tubig, kuryente, pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), matrikula ng mga estudyante maging ang mga kontibusyon sa Social Security System, Pagibig at PhilHealth.
Maliban pa sa pagtaas ng presyo, nadagdagan pa raw ang pasanin ng mga maralita dahil sa napipintong paggiba sa mga kabahayan ng mga ito tulad ng nangyari sa Brgy. Bignay, Valenzuela kung saan isang residenteng manggagawa ng Pentagon Steel Corp. na tinanggal ang inaretso ng kapulisan. Tutol din ang grupo sa mga nakaambang demolisyon sa iba pang lugar ng mga maralita tulad sa Carmina Compound sa Muntinlupa at North Triangle sa Quezon City.
“Tama na ang taas-presyo! Sobra na ang demolisyon! Labanan ang pahirap na pangulo!” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Sinabi pa ni Labog na nakikipagkutsabahan si Pangulong Aquino sa mga kapitalista para itaas ang presyo ng mga bilihin at walisin ang mga maralita.
“Lalaban ang mga manggagawa at maralita para sa kanilang karapatan,” aniya.
Ayon pa sa grupo, magsisilbing paunang protesta ang magaganap sa Hulyo 16 para sa mas malaking pagkilos sa ika-apat na State of the Nation Address (Sona) ni Aquino sa Hulyo 22.
“Isang linggo bago magbulid ng kasinungalingan si Aquino sa kanyang Sona, ipakita natin ang tunay na kalagayan na naghihirap ang mamamayan mula sa nagtataasang presyo, demolisyon at tumitinding
kahirapan,” sabi ni Labog.
###
|
No comments:
Post a Comment