Saturday, July 6, 2013

Pinoy Weekly Pagpaslang kina Greg Bañares ng NDF-Bicol, 7 iba pa, labag sa International Humanitarian Law?

Pinoy Weekly
Posted: 06 Jul 2013 10:38 AM PDT


Si Ka Greg Banares (Frankie Joe Soriano), tagapagsalita ng NDF-Bicol, nang makapanayam ng Pinoy Weekly noong Hulyo 2006. (PW File Photo)Si Ka Greg Bañares (Frankie Joe Soriano), tagapagsalita ng NDF-Bicol, nang makapanayam ng Pinoy Weekly noong Hulyo 2006. (PW File Photo)


Napaslang sa isang operasyong militar ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army ang tagapagsalita ng rebolusyonaryong National Democratic Front-Bicol (NDF-Bicol) na si Ka Greg Bañares, at pitong kasamahang gerilya noong Hulyo 4, Huwebes, sa Brgy. Calomayon, Juban, Sorsogon.

Inihayag ni Samuel Guerrero, tagapagsalita ng Celso Minguez Command ng New People’s Army (NPA) sa Sorsogon, na tatlo sa mga napaslang, sina Bañares (Frankie Joe Soriano), Ka Nel (Christine Puche), at Ka Gary (Ted Palacio), ay hindi armado at nakaalis na mula sa lugar ng operasyong militar ng Army nang matagpuan sila ng mga sundalo at pagbabarilin.

Pinangunahan ng isang Col. Virginson Aquino ang naturang operasyong militar.

Sa panayam sa midya, sinabi ni Lt. Col. Ramon Zagala, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, na armado ang lahat ng mga napaslang at tumagal ang palitan-ng-putok nang 35 minuto.
Pero pinabulaanan ito ni Guerrero. “Ayon sa pagsisiyasat ng Celso Minguez Command at gayundin sa ibinigay na ulat ng mga taumbaryo, tatlo sa walong kasamang namartir ang nakalayo na sa bahay na pinaglabanan at walang dalang mga armas. Sa kabila nito, walang habas pa ring pinagbabaril ng mga sundalo sina Ka Greg, Ka Nel, at Ka Gary,” pahayag niya.

Sinabi pa ni Guerrero na binaril sa mukha ang tatlo — paglabag sa internasyunal na mga batas ng digma kaugnay ng mga di-armado at wala nang kakayahang lumaban.

“Haharapin ni Col. Aquino at ng kanyang mga tauhan ang patung-patong na kaso ng paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl),” dagdag niya.

Maliban sa pamamaslang sa walo, iniulat din ni Guerrero na “ninakawan” ng mga opisyal at sundalo ng 31st IB ang mga gerilya — P300,000 na pera, gayundin ang apat na laptop computers at mga cellphone.
Sa website nito, inihayag naman ng Communist Party of the Philippines (CPP) na dapat imbestigahan at managot ang 31st IB sa mga paglabag nito sa International Humanitarian Law.

“Dahil di-armado at wala nang kakayahang lumaban, dapat na inaresto na lang sana nila sina Ka Greg, Ka Nel at Ka Gary at idinetine bilang mga bilanggo ng digmaan sang-ayon sa mga probisyon ng Geneva Conventions na gumagabay sa mga sangkot sa digmaan na hors de combat (ibig sabihin, “outside the fight” o wala na sa labanan -Ed.). Sa halip, walang-awa silang minasaker ng mga sundalo ng 31st IB,” ayon sa CPP.

Nanawagan ang CPP ng independiyenteng imbestigasyon sa masaker sa Juban noong Hulyo 4. Hiniling din nito na imbestigahan ng Joint Monitoring Committee (JMC) ang naturang insidente.
Ang JMC ay komite na tinalaga ng magkabilang panig sa usapang pangkapaypaan (NDF at gobyerno ng Pilipinas) na pangasiwaan ang implementasyon ng Carhrihl.


‘Mga martir ng sambayanan’

    Burol nina Ka Greg Banares (Soriano) at Ka Nel (Christine Puche) sa Legazpi City. (Vince Casilihan/Contributed Photo)Burol nina Ka Greg Banares (Soriano) at Ka Nel (Christine Puche) sa Legazpi City. (Vince Casilihan/Contributed Photo)


“Pinakamataas na parangal ang iniaalay ng Celso Minguez Command, kaisa ang buong mamamayan ng Sorsogon, sa walong kasamang nagbuwis ng kanilang buhay sa daloy ng kanilang paglilingkod sa mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Inspirasyon sila sa iba’t ibang uri at sektor ng lipunan na humawak ng armas at maglingkod sa mamamayan sa kanilang pagkamit ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad,” pahayag ni Guerrero.

Ayon sa NDF-Bicol, si Bañares (Soriano) ay dating estudyante ng pilosopiya sa Ateneo de Naga University na namulat sa hanay ng kabataan at nag-organisa sa mga magsasaka. Noong 1998, naging kagawad siya sa impormasyon ng CPP sa rehiyon. Noong 2003, itinalaga siya bilang tagapagsalita ng NDF-Bicol sa ilalim ng pangalang Greg Bañares.

Si Ka Miloy (Pehing Hipa) naman ay “isa sa mahuhusay na pulang kumander ng Celso Minguez Command at maging kagawad ng Pamprubinsyang Komite ng Partido sa Sorsogon,” ayon sa NDF-Bicol.

Namulat namang mga intelektuwal sa pamantasan sina Ka Gary (Ted Palacio) at Ka Nel (Christine Puche). Si Palacio ay dating propesor sa Computer Science sa Ateneo de Naga University, samantalang nagtapos naman ng Journalism sa Unibersidad ng Pilipinas o UP sa Diliman, Quezon City si Puche.

Sina Ka Rey (David Llunar), Ka Nene (Romero Anonuevo), at Ka Jay (William Villanueva Jr.) ay “mga kunander ng Celso Minguez Command na nagmula sa uring magsasaka.” Kasama nilang napaslang si Ailyn Calma (Ka Kevin),  gerilya ng NPA na mula Padre Diaz, Bulan, Sorsogon.


###

No comments:

Post a Comment