Saturday, July 6, 2013

Pinoy Weekly Manila in my mind

Pinoy Weekly
Posted: 06 Jul 2013 12:01 PM PDT


Naging mainit ang pagdepensa ng mga Pinoy sa imahe ng Maynila sa social media nitong nakaraang buwan nang taguriang “gates of hell” ang lungsod  ng Amerikanong nobelistang si Dan Brown sa bago niyang nobelang “Inferno.” Pero kung tutuusin, hindi na bago ang pag-alma ng mga Pilipino sa tuwing pinipintasan ang Kamaynilaan o ang bansa. At hindi na rin bago ang imahe ng Maynilang inilarawan ni Brown.


Makikita ang negatibong imaheng ito ng Maynila maging sa mga klasikong pelikulang Pilipino. Sa “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag” (1975) ni Lino Brocka, malupit ang lungsod sa mga taong naghanap ang kanilang pag-ibig at pangarap. Pugad naman ng mga latak ng lipunan ang Maynila ni Ishmael Bernal sa pelikulang “Manila by Night” (1980). Nilikha ang dalawang pelikula noong panahon ng Batas Militar kung kailan ginawang showcase ng mag-asawang Marcos ang Maynila ng umano’y mabilis na pag-unlad ng Pilipinas.


Tampok sa “Maynila…” ni Brocka ang kwento ng paghahanap ni Julio Madiaga (Bembol Roco) sa kanyang nobyang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel)  na napadpad sa Maynila para magtrabaho at maiahon sa karukhaan ang pamilya sa probinsya. Ang trahedyang sinapit ng magkasintahan sa Maynila ay pagbasag sa ipinintang larawan ng lungsod bilang mapagkanlong at mapagkalinga.


"Manila By Night" (1980), a.k.a. "City After Dark," dinirehe ni Ishmael Bernal“Manila By Night” (1980), a.k.a. “City After Dark,” dinirehe ni Ishmael Bernal


Hindi naman mga pangkaraniwang bida ang binigyang-buhay ni Bernal sa ”Manila by Night.” Pawang mga nasa laylayan ng lipunan ang mga pangunahing tauhan sa pelikula—manggagantso, puta, adik, hustler, pusher, at pati na rin ang mga madalas tinutuya tulad ng mga may kapansanan, bakla at lesbyana. Ginamit ni Bernal ang perspektibo nila sa paggalugad sa mga eskinita ng Maynila at ipakita sa mga manonood ang Maynila na di karaniwang ipinakikita sa midya noong panahon ng rehimeng Marcos.
Sa pagbibigay-mukha sa madilim na bahagi ng Kamaynilaan, pinapasubalian ng mga pelikulang ito ang imahe na nais itanim ng diktadura noon sa isip ng mga Pilipino at maging ng mga dayuhan—isang lungsod na may mabilis na pag-unlad na ramdam ng mga mamamayan nito.


Taliwas sa kaunlarang ibinubudyong ng pamahalaan noon, ipinakita ng dalawang klasikong pelikulang ito ang laganap na kahirapan sa lungsod. Itinutulak ang mga maralitang tagalungsod sa mga antisosyal at kriminal na gawain gaya ng pagnanakaw, pagpatay, pagpuputa at paggamit ng iligal na droga.
Ang unang-unang tumutol sa ganitong pagsasalarawan ng Maynila ay ang dating Unang Ginang na si Imelda Marcos. Binabahiran umano ng mga pelikulang ito ang ”magandang” reputasyon ng kanyang mahal na lungsod. Taliwas rin daw ito sa kanyang motto na “the true, the good and the beautiful.” Maliban sa pagpuputol sa maraming bahagi ng pelikula, pinalitan ang titulo ng “Manila by Night” at ginawang “City After Dark.”


Makalipas ang higit tatlong dekada, masasabing hindi nanatiling reliko lamang ng nakalipas ang dalawang pelikulang ito. Ang Maynila na mapapanood sa mga pelikula nina Brocka at Bernal ay siya pa ring Maynila sa totoong buhay sa kasalukuyang panahon. At ang Maynilang ito rin ang naikintal sa imahinasyon ng mga dayuhang tulad ni Dan Brown. Ang mga pangako ng  modernisasyon, pagpapanibagong-mukha at kaunlaran ng sumunod na pinuno ng lungsod at ng bansa ay tulad ng pantasyang lungsod ni Imelda. Ang tunay na Maynila ay ang Maynila ng mga mas nakararaming araw-araw na nakikipagbuno sa impyerno ng kahirapan.


###

No comments:

Post a Comment