Posted by Belarmino Dabalos Saguing
25 May 2015
Halaw sa Statement ng Bayan
Ngayong Hunyo 12,
2015, Araw ng Kalayaan, buhayin natin ang diwa ng ating mga dakilang bayani –
sina Bonifacio, Rizal, Jacinto, Mabini at marami pang iba – na naglunsad
ng rebolusyonaryong pakikibaka at nag-alay ng kanilang buhay para makamit
ang kalayaan mula sa mananakop na Kastila. Nananatiling makabuluhan ang
kanilang magiting na halimbawa sa harap ng nagpapatuloy na katiwalian at
pagpapakatuta sa dayuhang interes ng rehimeng US-Aquino.
Kalayaan sa
gubyernong korap
Talamak ang
korapsyon sa sistema ng pulitika sa ating bansa. Ang Napoles P10 bilyong pork
barrel scam ay isa lamang sa mga nabibistong katiwalian sa bulok na sistema. Kitang-kita
ang pagtatakip ni Pres. Aquino sa kanyang mga alipores. Hindi isinasama ng
Commission on Audit, Department of Justice at Ombudsman sa kanilang mga
imbestigasyon ang mga anomalya sa ilalim ng administrasyong Aquino. Kabilang
dito ang pandarambong sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), Malampaya
Fund at Disbursement Acceleration Program (DAP) mula 2010-2013.
Sa totoo lang ang
sistemang pork barrel ay bahagi lamang ng mas malawak at organisadong sistema
ng pagnanakaw ng mga opisyal ng gobyerno, mula pa nang itayo ang Republika ng
Pilipinas. Ang korapsyon ay talamak sa gubyerno pero ang pinakamalalang
pandarambong ay nagaganap sa tanggapan ng Pangulo, ng mga iba’t ibang ahensya
ng gubyerno, ng Konggreso’t mga malalaking lokal na pamahalaan. May
tawag dito – BURUKRATA KAPITALISMO – sistema ng pagkamal ng yaman ng mga
opisyal sa gobyerno sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagsunod
sa utos ng mga amo nilang malalaking asendero, malalaking negosyante at mga
dayuhang bansa at korporasyong multinasyunal. Sa ilalim ng burukrata
kapitalismo, ginagawang isang malaking negosyo ang paggugubyerno, negosyong
nagsisilbi sa iilang naghaharing uri at mga dayuhang monopolyo kapitalista
habang nagpapahirap sa sambayanan, lalu na sa masang manggagawa at magsasaka.
Hangga’t hindi tayo
lumalaya sa bulok na sistema ng burukrata kapitalismo marami pang Napoles at
mga korap na pulitiko ang mamamayagpag sa kanilang pagnanakaw at pagpapahirap
sa bayan. Gayundin magpapatuloy pa rin ang pakikipagsapalaran ng mga naghihirap
na mamamayang Pilipino sa pagtratrabaho sa ibang Bansa.
Kalayaan sa dayuhang
paghahari
Hindi rin tayo
malaya sa paghahari ng mga dayuhan, pangunahin na ang imperyalistang Estados
Unidos, na dati nang sumakop sa ating bansa pagkatapos makipagkutsabahan sa
kolanyalistang Espanya. Sa katunayan, ibabalik pa nga ang mga base militar ng
Kano (na sinipa na mula sa Pilipinas noong 1991) sa pamamagitan ng bagong
kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Gagamitin din ng
imperyalismong Kano ang kapangyarihang militar upang pwersahin ang iba’t-ibang
bansa tulad ng Pilipinas na sumunod sa kanilang mga dikta. Kabilang rito ay ang
higit pang pagbukas ng ekonomiya ng mga bansang ito upang gawing tambakan ng
kanilang mga produkto at kapital; ang pagpapababa ng sweldo at benepisyo ng mga
manggagawa sa kapakinabangan ng mga dayuhang kapitalista’t mga kasosyo nila;
ang pagkontrol ng mga dayuhang dambuhalang korporasyon sa industriya ng tubig,
kuryente, langis at komunikasyon; ang pag-amyenda ng Konstitusyon at pagbasura
sa iba pang mga batas para payagan silang magmay-ari ng lupa at mga negosyong
nakareserba sa mga Pilipino tulad ng niraratsadang “Chacha” sa Konggreso sa
kasalukuyan.
Samakatuwid,
pinatitindi ng gobyernong Aquino ang nagpapatuloy na dominasyon ng US sa
Pilipinas sa ilalim ng umiiral na huwad na kalayaan . Ito ang IMPERYALISMO o
NEOKOLONYALSIMO – sistema kung saan ang mga mahirap at atrasadong bansa
ay di-tuwirang pinaghaharian ng mga abanteng kapitalistang bansa upang
dambungin ang kanilang likas yaman, pagkakitaan ang murang lakas-paggawa at
pigain ang pambansang ekonomya.
Sa pagiging korap
mismo at protektor ng naghaharing sistema ang kasalukuyang rehimeng US-Aquino
at lau’t higit sa pagiging bulag na sunud-sunuran nito sa dikta ng
imperyalismong Kano, higit na nasasadlak ang sambayanan sa kahirapan, kawalan
ng pagkakapantay-pantay, kapayapaan at maaliwalas na kinabukasan. Ang malala pa
ngayon, ang dambuhalang kapitalistang bansang Tsina ay nagiging mas agresibo sa
pagtatangkang saklawin ang halos buong West Philippine Sea (South China Sea)
kasama na ang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas dahil na rin
sa udyok ng malakas na presensyang militar at panghihimasok ng imperyalismong
US.
Laban para sa tunay
na kalayaan at demokrasya
Ang tatlong salot sa
lipunang Pilipino – imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo — ay
nagsasadlak sa ating bansa sa kumunoy ng malapyudal at malakolonyal na
pagsasamantala’t pang-aapi. Kailangan ibagsak ang sistemang ito at
patalsikin ang anumang rehimeng nagtataguyod nito, tulad ng rehimeng US-Aquino.
Kailangan isulong
ang laban upang wakasan ang pang-aalipin, pandarambong at panggigyera ng mga
imperyalistang bansa, lalu na ng imperyalistang US.
Kailangan nating
ipagpatuloy ang dakilang laban ng ating mga bayani para sa isang bansang
malaya, maunlad at demokratiko, at sa tapat, makabayan at makamamayang sistema
ng pamamahala.
No comments:
Post a Comment