Tuesday, July 8, 2014

PAHAYAG NG AMBALA RE DAP

Reposted by Belarmino Dabalos Saguing
Italy 08/07/2014


PAHAYAG NG AMBALA RE DAP



Ang mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita ay nakikiisa sa panawagan ng sambayanan para panagutin – patalsikin – ang kurakot at mangangamkam na asenderong Pangulo na si BS Cojuangco-Aquino.

Isang sulyap lang sa sitwasyon ngayon sa Hacienda Luisita, ay malalantad na sa publiko na walang anumang bahid ng “mabuting intensyon” o "good faith"  ang mga hakbang ng Pangulo kaugnay ng Disbursement Accelaration Program (DAP) na hinatulan ng Korte Suprema bilang unconstitutional.

Ilang buwan pa lamang sa pwesto si BS Aquino nang simulan ng Korte Suprema ang oral arguments sa kaso ng Hacienda Luisita. At sa panahong ito, agad na nagmaniobra – ngunit nabigo – ang pamilya Cojuangco-Aquino na ilusot ang isang “compromise deal” para ibalik ang iskemang stock distribution option o SDO na ipinababasura ng mga manggagawang-bukid. Matatandaan na sa panahon ni Cory, habang si Florencio Abad ang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) ay sapilitang ipinatupad ang mapagsamantala at mapanlinlang na iskemang SDO, upang matakasan ng pamilya Cojuangco-Aquino ang pisikal na distribusyon ng lupa sa mga magbubukid.

Si Abad, bilang pinagkakatiwalaang alipores ni BS Aquino ang siya ring mahigpit niyang kakutsaba sa pagluluto ng DAP. Nalalantad ngayon ang DAP bilang pinakamalaking pondong pork barrel para matiyak ng Pangulo ang pampulitikang kontrol o  patronage sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan – lalo na sa isyu ng impeachment ni Chief Justice Corona na tukoy bilang instrumental sa pagbabalangkas ng makasaysayang desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita.  

Ang impeachment ni Corona ay unang hakbang pa lamang ni BS Aquino sa isa na namang enggrandeng panggagantso sa mga manggagawang-bukid at publiko upang manatili sa kanilang kontrol sa buong asyenda. Tulad noong panahon ni Cory, ginagamit ng pamilya Cojuangco-Aquino ang poder, kapangyarihan at mismong batas upang ikutan ang desisyon ng Korte Suprema. Kinakasangkapan ni BS Aquino ang buong pwersa ng estado tulad ng DAR, pulisya, militar, mga lokal na korte at iba pa – na hindi naman makakakilos kung hindi gamit ang pondo mula sa buwis ng mamamayan – upang protektahan ang kanilang interes sa Hacienda Luisita. 

Hindi malayo na ang bilyun-bilyong pondo mula sa DAP ay tuwirang ginagamit bilang “harassment fund” ni BS Aquino upang pagulungin ang makinarya ng walang tigil na pagsalanta sa kabuhayan at karapatan ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita.
Dapat isapubliko kung saan napunta ang P 5.4 Bilyong pondo ng DAP na inilaan diumano para sa kumpensasyon sa mga panginoong maylupa, kabilang na ang pamilya Cojuangco-Aquino. Ayon na mismo sa DAR, tumataginting na P 471.5 milyon ang natanggap ng mga Cojuangco para sa Luisita – na maanomalyang pinatungan ng DAR ng P167 milyon mula sa orihinal na halaga na iniutos ng Korte Suprema. Kung kami ang tatanungin, hindi na dapat bayaran maski isang kusing ang pamilya Cojuangco-Aquino dahil ang lupa ay orihinal na pinagyaman ng mga magbubukid at kinamkam lamang nila. Bukod dito, ang P1.33 Bilyon na pinagbentahan ng aming lupa sa ilalim ng Hacienda Luisita, Inc. – hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinabalik sa mga magbubukid. 

Kahina-hinala rin ang paglalaan ni BS Aquino ng P 2 Bilyong piso mula sa DAP para sa mga pagpapagawa ng mga kalsada sa probinsya ng Tarlac. Ang nakikita naming napakabilis at napakasipag na proyekto ng pagsesemento sa Tarlac ay ang kilo-kilometrong sementong bakod na itinayo ng pamilya Cojuangco-Aquino upang itaboy ang libu-libong magbubukid sa mahigit isanlibong ektarya ng agrikultural na lupa na ipinagkakait nila sa amin. 

Habang usad-pagong ang pagsasampa ng kaso at paglilitis sa mga kurakot, at habang nagtatamasa ng espesyal na trato ang iilang piraso ng detenidong sangkot sa pork barrel scam, patung-patong na gawa-gawang kasong sibil at kriminal ang isinasampa ng pamilya Cojuangco-Aquino laban sa mga manggagawang-bukid. Ako mismo, bilang lider ng mga magbubukid ay ilang beses nang binugbog, dinampot at ipinakulong ng mga awtoridad sa panahon ni BS Aquino. Hindi lang isa o dalawang lider-magsasaka ang kinakasuhan sa kasalukuyan kundi DAAN-DAANG manggagawang-bukid na ang tanging kasalanan ay ang ipagtanggol ang kanilang lupa.

Saan galing ang pondo para tuluy-tuloy na makapagpakilos ang pamilya Cojuangco-Aquino ng daan-daang armadong gwardya, mga batalyon ng militar, SWAT, pulis – at ngayon pati na mismo ang mga abugado at opisyal ng DAR sa pagpapalayas, paninira at pagbuldoser ng mga pananim, panununog ng mga kubo, pananakit, pambubugbog, at pagpapakulong ng mga magbubukid sa Hacienda Luisita? Sa gitna nito, wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita.  

Ang DAP ay tiyak na bahagi ng maitim na pakana at kitang-kita sa mismong bakuran ni BS Aquino ang talamak ang paglustay ng pampublikong pondo para sa panloloko, pandarahas at pangangamkam ng kanilang asenderong angkan. Kaya naman gayon na lang ang aming pakikiisa sa iba’t ibang pagsisikap ng mamamayang lumalaban para mapanagot ang mga kurakot sa pamahalaan.

Puro kasinungalingan at paghahambog na naman ang tiyak na isisiwalat ni BS Aquino sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address sa Hulyo 28. Kaisa kami ng malawak na sambayanan sa malakas na panawagan para panagutin at patalsikin ang Pork Barrel King!
FLORIDA SIBAYAN
AMBALA

No comments:

Post a Comment