Tuesday, April 1, 2014

Bayan Online |Salubungin ng protesta ang pagbisita ni Obama!

Bayan Online, 31 March 2014







Matapos maunsyami noong nakaraang taon, inanunsyo na darating sa Abril ang pangulo ng US na si Barack Obama.

Ang pagdalaw ni Obama ay unang nabanggit ni US Defense Secretary Chuck Hagel noong dumalaw ito sa bansa noong nakaraang taon pero ito ay nakansela noong Nobyembre bunga ng fiscal crisis at government shutdown. Si US Secretary of State John Kerry dapat ang pumalit pero kahit ito ay nakansela din.

Ayon sa pinakahuling anunsyo, si Obama ay dadalaw sa Japan, South Korea, Malaysia at panghuli sa Pilipinas. Nasa adyenda ng kanyang byahe ang pagsusulong ng US military “pivot” at ang Trans Pacific Partnership Agreement (TPPA).

Ang pagbisita ni Obama sa Pilipinas ay itinaon sa nagaganap na negosasyon sa pagitan ng US at PH para sa access sa mga base at pasilidad sa Pilipinas.  Ito ay nauna nang inilako ng US bilang insentibo sa rehimeng Aquino para bilisan ang negosasyon at pirmahan sa kasunduan.

Ang pagbisita ni Obama ay layon pang pahigptin ang neo-kolonyal na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at US at basbasan ang papet na estado at rehimeng Aquino. Ito ay pagpapatibay ng relasyong Amo at Tuta. Hindi ito magdudulot ng anumang pakinabang sa mamamayan bagkus ang dala nito’y pawang panganib at paglubha lalo ng pamalagiang krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino. Gagamitin pa nga itong panakip sa mga eskandalong kinasasangkutan ng rehimeng Aquino lalo na sa usapin ng kurapsyon at patronage politics sa sistemang pork barrel, ang inutil, palpak at kontra-mamamayang relief and rehabilitation ng gobyerno sa mga nasalanta, at ang mga isyung pang-ekonomiya na nagpapahirap sa mamamayan. Sasamantalahin ng rehimeng Aquino ang photo-ops kay Obama para makakuha ng panibagong basbas mula sa imperyalismong Amerikano.

Access agreement, de facto basing

Sa ngayon ay pinapabilis na ang negosasyon at pirmahan sa tinaguriang “access” ng tropang Kano sa teritoryo at mga pasilidad sa Pilipinas. Bahagi ito ng estratehiya ng US na“rebalancing” ng pwersang militar nito tungong Asya. Hangad ng US i-deploy sa Asya ang 60% ng mga barkong pandigma nito sa loob ng 10 taon. Ginagamit din ng US ang mga tratadong militar nito sa mga bansa tulad ng Japan, South Korea, Pilipinas, Australia at Singapore para lalong mapalakas ang presensyang militar ng US sa rehiyon. Ang “rebalancing” ay nagsusulong ng pang-ekonomiya, pampulitika’t pang-seguridad na interes ng imperyalismong US sa Asya. Iginigiit ng US ang sarili nito bilang “Pacific power” na kokontra sa maaaring maging karibal nito sa pagdodomina pangunahin ang Tsina. Nais palibutan ng US ang Tsina para mas maitulak ang mga naghaharing-uri dito na maging taga-sunod sa mga imperyalistang dikta.

Noong Agosto 2013 ay inihayag ng DFA na magaganap ang negosasyon kaugnay ng “Framework Agreement on Increased Rotational Presence and Enhanced Defense Cooperation” (FA-IRPEDC). Ito raw ay ayon sa isang “patakaran” na napagkasunduan ng US at Pilipinas noong 2012, matapos ihayag ng US ang estratehiya ng rebalancing. Nagkaroon na ng tatlong round ng negosasyon noong nakaraan 2103 mula buwan ng Agosto. Nitong maagang bahagi ng Marso 2014 ay natapos na ang ika-6 na round ng negosasyon sa US at inaasahang magaganap ang ika-7 na round sa Maynila sa pagtatapos ng Marso, o ilang linggo bago ang pagbisita ni Obama. Pilit ihinahabol ang negosasyon para sa pirmahan ni Aquino at Obama sa Abril.

Sa pinakahuling round, binago na ang pamagat ng kasunduan mula sa FA-IRPEDC, tinanggal ang katagang “increased rotational presence” at pinanatili na lang ang “enhanced defense cooperation”.  Sadyang pinagtatakpan ang layuning dagdagan at pahabain ang presensyang militar ng US sa bansa.

Ang “access agreement” ay pinalalabas na isa lamang “executive agreement” na hindi kinakailangan ng pagsang-ayon ng Senado.  Ito raw ay implementasyon lamang ng mga naunang kasunduan tulad ng RP-US Mutual Defense Treaty (MDT) at RP-US Visiting Forces Agreement (VFA).  Pero sa katanuyan, lagpas pa ang kasunduang ito sa anumang itinatakda ng MDT at VFA.  Nagpapahintulot ito ng paggamit ng US sa pasilidad militar ng Pilipinas, pagtatayo ng sariling pasilidad ng US sa loob ng mga pasilidad militar ng Pilipinas, at pag-iimbak ng mga kagamitang militar at armas ng US sa mga pasilidad na ito.  Nagpapahintulot na ito ng de facto pagbabase ng mga tropang Kano sa bansa.

Ang “increased rotational presence” ay nangangahulugan ng karagdagang pwersang militar ng US na itatalaga sa Pilipinas. Sa ngayon ay may 600 rotational troops na nakatalaga na sa Mindanao, sa Zamboanga at Sulu, mula pa 2002. Ang ibig sabihin nito ay palagiang may di bababa sa 600 tropang US na nananatili sa bansa kahit na labas-masok ang iba’t-ibang tropang ito.  Walang malinaw na timetable kung hanggang kalian sila mananatili sa Mindanao.

Ang “rotational presence” ay ang pagpapalit ng mga pwersang naka-deploy sa isang lugar upang makamit ang nagpapatuloy ay permanenteng presensyang militar. Sa ilalim ng bagong kasunduan, walang tiyak na bilang, walang tiyak na lugar at walang taning ang paglagi ng mga papasok na tropang Kano. Idadaan daw ito sa mga “approved activities” na pahihintulutan diumano ng gobyerno ng Pilipinas subalit pawang boladas lamang ito tulad ng ginagawa nila sa ilalim sa VFA.

Sa bagong kasunduan, ibubukas sa access ng mga tropang Kano ang mga pasilidad ng AFP sa buong bansa at maging ang mga dating base militar ng US sa Clark at Subic. Maaaring gamiting himpilan ng mga tropang Kano at mga sasakyan nila ang mga pasilidad na ito. May plano na rin ang Pilipinas na magtayo ng “mini-Subic”sa Oyster Bay sa Palawan, 550 km mula sa Maynila, na magsisilbi diumanong daungan ng dalawang Hamilton class cutters ng Pilipinas, pero sa totoo’y magsisilbing  himpilan ng mga barkong pandigma ng US.

Pinapahintulutan din ng “access agreement” ang US na magtayo ng sariling mga pasilidad sa loob ng mga tinaguriang pasilidad ng Pilipinas, bagama’t panandalian lang daw at dapat baklasin o di kaya’y ilipat sa pag-aari ng Pilipinas matapos ang pinahintulutang aktibidad. Subalit sa karanasan sa Zamboanga, ang mga pasilidad ng US sa loob ng Camp Navaro ay permanenteng mga pasilidad na at eksklusibong nasa kontrol ng US. Hindi maaaring pasukin basta basta ng mga Pilipino ang mga pasilidad na ito.

Nagkaroon kamakailan ng usapin sa negosasyon hinggil sa kung sino ang dapat may kontrol o awtoridad sa mga pasilidad na itatayo ng US sa loob ng mga pasilidad ng Pilipinas. Magkakaroon daw ng “access”   ang mga Pilipino sa mga pasilidad ng US pero ito ay nakabatay pa sa mga “operational safety at security consideration” na itatakda ng US. Malinaw na lalabagin nito ang soberanya ng bansa, tulad ng nangyayari ngayon sa Mindanao.

Pinapahintulutan na rin sa kasunduan ang “prepositioning” o pag-iimbak ng mga kagamitang militar ng US sa mga pasilidad ng Pilipinas. Ito raw ay sa kundisyon na ang Pilipinas pa rin ang may kontrol sa mga pasilidad.  Sa katunaya’y magsisilbi lamang na security guard ang mga Pilipinong tropang Kano at mga kagamitan nila. Hindi papayag ang US na ang may kontrol sa mga imbakan ay mga Pilipino.  Di rin malayong gawing imbakan ng mga ipinagbabawal na armas tulad ng nuclear weapons at iba pang weapons of mass destruction ang Pilipinas dahil wala naman kapangyarihan ang ating gobyerno na inspeksyunin ang mga barko at mga kagamitang militar ng US na pumapasok sa ating mga daungan.

Ang prepositioning ng kagamitang militar sa katunayan ay paghahanda ng imperyalismong US para sa gera. Katuwang ito ng “forward” at “rotational deployment” ng mga tropang US. Nais ng US ang mabilisang deployment ng tropa at kagamitan para sa anumang gera sa rehiyon at maging sa labas ng rehiyon.  Babala ito sa pangunahing karibal ng US sa Asya -ang  Tsina.

Balatkayo lang ang sinasabing paghahanda para sa Humanitarian Assistance and Disaster Response dahil hindi naman ito ang pangunahing papel ng mga tropang Kano.  Maaalalang matapos ang deployment ng US sa Visayas sa panahon ng bagyong Yolanda, ginamit agad na katwiran ng DFA ang disaster response para sa pagpapatibay ng bagong kasunduang militar.

Ang malakihan at pangmatagalang presensya ng US ay magdudulot din ng malaking problema sa pagtambak ng toxic wastes sa ating mga dagat at kalupaan tulad ng naging karanasan sa dating mga base militar ng US sa bansa. Malaking panganib ito para sa kalusugan ng mamamayan at maging sa kalikasan.  Hindi pa nagbabayad ang US ng danyos para sa nawasak nitong 2,000 sq.m. na Tubbataha Reef noong Enero 17, 2013. Wala ni isang sundalong Kano ang nanagot sa ilaim ng ating batas. Di rin binayaran ng US ang pinsala sa kalikasan sa dating mga base nito sa Subic at Clark dahil wala daw silang obligasyon sa naunang Military Bases Agreement.

Sinasabing maaaring walang tiyak na haba ang bagong kasunduan. Maaaring ito’y walang taning tulad ng VFA.  May nagsasabi naman na maaaring mas maiksi sa 20 taon ang kasunduan subalit ang puntong ito’y sinesekreto sa atin.

Walang pakinabang ang mamamayan sa“access agreement”na ito lalo’t ito’y naglilingkod lamang sa agenda ng imperyalismong US. Hindi ito magreresulta sa“modernisasyon” ng AFP at pagkakaroon ng “minimum credible defense posture”.  Sa kabila ng mga pagsasanay militar at permanenteng presensya ng US sa bansa, nananatiling mga pinaglumaang mga sasakyan at gamit pandigma ang natatanggap ng Pilipinas mula sa US.  Isang halimbawa ang Hamilton Class Cutter na binili ng Pilipinas sa US na sa panahon pa ng Vietnam War ginamit ng Kano.  Binili ito sa halagangP423 milyon (mula sa Malampaya Fund), samantalang ang dry dock at maintenance cost nito ay umabot na ng P881 milyon o doble pa ng acquisition cost. Bukod sa luma na ang barko at mataas ang maintenance at fuel cost, tinanggal din ng US ang lahat ng mga hi-tech na kagamitan na dati ay bahagi ng barko bago iturn-over sa Pilipinas.

Ganito ang klase ng “military aid” ang napapala natin sa US kung kaya’t hindi uunlad ang ating kapasidad para sa external defense. Lalo lang tayong ginagawang pala-asa ng US sa kanila habang pinagkakakitaan pa sa sinasabing mga pinaglumaang kagamitan.

Hindi rin totoo na tutulong sa atin ang US at direktang makikilahok kung magkaroon ng digmaan o armadong labanan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Walang automatic retaliation provision sa Mutual Defense Treaty. Anumang paglahok ng US sa digmaan ay kailangan pang idaan sa Konggreso nito. Gayunpaman masyadong malaki ang pang-ekonomiyang interes ng US sa Tsina (kasama na ang  $1.28 trilyong utang ng US sa Tsina) para sumubo ito sa direktang armadong komprontasyon sa huli.

At kapag ang US ang nasangkot sa anumang digmaan, tiyak na makakaladkad naman tayo dahil sa Pilipinas naka-istasyon ang mga tropa at kagamitang militar ng US. Ganito ang nangyari sa mga digmaan ng US sa Korea, Vietnam at unang Gulf War noong 1990.

Ang “access agreement” ay katumbas ng de facto na pagbabase sa teritoryo ng Pilipinas. Ito ay pagbabalik ng mas maraming salot na tropang Kano sa bansa dala ang samu’t saring problema kaugnay ng paglabag sa soberanya, pagkawasak ng kalikasan, prostitusyon at iba’t ibang krimen,  at paglabag sa karapatang pantao.

Patitindihin din ng US “pivot” ang panghihimasok ng US sa internal na usapin ng bansa. Ang dagdag na $50 milyon na US military assistance ay gagamitin para suhayan ang pasistang counter-insurgency program na Oplan Bayanihan. Ang mga drones na pinalilipad ng US sa bansa ay bahagi  ng counter-insurgency operations. Ang Joint Special Operations Task Force ng US sa Mindanao ay kalahok  sa mga counter-insurgency operations dito.

Imperyalismo at ang papet na rehimen

Mahaba ang rekord ng imperyalismo sa pagtataguyod ng mga kurap na diktadura di lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang mga kolonya’t malakolonya sa mundo.  Ang pasistang diktadurang Marcos at ang pasistang rehimeng Arroyo ay parehong sinuportahan ng imperyalismong US.

Ang ayudang militar, pampulitika’t pang-ekonomya mula sa US ay para isulong ang interes ng imperyalismo, suhayan ang mga papet na rehimen at mga naghaharing-uri sa bansa,at para supilin at linlangin ang mamamayang Pilipino.  Gagamitin ni Aquino ang pagbisita ni Obama para makuha ang panibagong basbas mula sa Among imperyalista, habang pagtatakpan naman ang lumalalang krisis ng naghaharing sistema. Ibibida nila ang di umano’y ispesyal na relasyon sa pagitan ng dalawang bansa. Kapalit ng di umano’y ayudang US, susuportahan ni Aquino ang imperyalistang agenda ng kanyang amo sa Asya at sa mundo. Magpapahayag ng suporta si Aquino sa US “pivot” at sa neo-liberal na imposisyon sa ekonomiya.

Ang imperyalistang paghahari sa bansa ang dahilan ng pagkabansot at pagdarahop ng Pilipinas sa mahabang panahon kung kaya’t dumaranas ang lipunang Pilipino ng permanente at palagiang krisis. Tanging ang pagpapabagsak sa imperyalistang paghahari sa bansa ang magbibigay daan sa tunay na pag-unlad, at ganap na kalayaan.

Hindi solusyon ang pagkapit sa saya ni Uncle Sam para itaguyod ang pambansang interes ng bansa. Hangad natin ang ganap na paglaya mula sa kuko ng imperyalismo. Hangad natin ang tunay na pag-unlad at hustisyang panlipunan, kasama ang isang nagsasariling patakarang panlabas.

Labanan ang imperyalistang gera, base at pandarambong!

Palayasin ang mga tropang Kano! Tutulan ang bagong kasunduang militar para sa access at base!

Ibasura ang Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement!

Labanan ang pakanang Charter change! PH not for sale!

Ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya!

No comments:

Post a Comment