Sunday, March 23, 2014

Ang panitik bilang tunay na sandata sa himagsikan

Posted by
Belarmino Dabalos Saguing
Rome, Italy 24032014

Halaw sa Pinoy Weekly kolum  ATTACKKK! ni Mark Angeles,  http://pinoyweekly.org/new/2014/03/mula-kay-andang/

Sa buwan ng kababaihan at ika-45 taon ng hukbo ng pulang himagsikan, narito ang isang matamis na bunga ng diwa ni  Ka Eduardo “Eddik” Soriano. Magandang talakayin ito dahil sa pagkakahuli kina Benito at Wilma Tiamson kasama ng anim pang iba sa Cebu. 

Si Ka Eddik ay nasa Camp Crame sa Maynila ngayon, nananatiling nakakulong gayong bilang consultant ng NDFP, ay matagal na dapat siyang nakalaya sa bisa ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ang pagturing kay Ka Eddik at sa iba pang mga bilanggong politikal ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao.

Bukod sa pagsulat ng mga polyeto, marami din tulang sinulat si ka Eddik at isa dito ang magandang tula tungkol sa mgsa kababaihang mandirigma ng Hukbong Bayan, na tulad sa karaniwan ng kanyang mga akda ay  isinulat sa isang mumurahing art paper



Para sa mga Kababaihang Pulang Mandirigma


Isang munting dalaga mula sa kanayunan
Pinukaw ng kaapihan, pinagulang ng kahirapan
Nakibaka para sa lupang sakahan, tanging pag-asang tangan
Nagpasyang sumanib sa Hukbong Bayan.


Isang babaeng manggagawa sa pabrika ng tela
Inapi’t pinangsamantalahan ng ganid na kapitalista
Nakipagkaisa sa uri ng magsasaka
Nagpasyang sumanib sa Hukbong Bayan.


Isang babaeng aktibistang mag-aaral sa pamantasan ng Estado nagmula
Namulat sa mga turo ng pambansang demokrasya
Pinatatag ng kanyang pag-integra sa masa
Nagpasyang sumanib sa Hukbo ng masa.


Isang magandang propesyunal na dilag mula sa sentrong syudad
Disgustado sa kawalan ng pantay na kabuhayan sa gitna ng prosperidad
Napukaw, naorganisa, namobilisa’t nakibaka
Nagpasyang sumanib sa Hukbo ng masa.


 Isang taimtim at laking-kumbentong dalaga
Bihasa sa teolohiya, natutong magmahal sa sangkatauhan
Nagagap ang radikal na pagbabagong kailangan ng lipunan
Nagpasyang sumanib sa Hukbong Bayan.


Isang batang ina mula sa komunidad sa kabundukan
Habang nag-iipon ng pagkain para sa pamilya maghapon
Ginahasa ng mga pasistang sundalong nag-ooperasyon
Nagpasyang tumulong at maghatid ng mga sulat para sa Hukbong Bayan.


Isang lola mula sa katutubong mamamayan
Kinuba ng bigat ng deka-dekadang pagtatrabaho’t pagpapasan
Nabiktima ng mga mangangamkam ng lupa’t pasistang bayaran
Nagpasyang patuluyin at pakainin sa kubo niya ang Hukbong Bayan.



Sila ang mga bumabangon na mga kababaihang mandirigma ng bayan!
Sila ang mga kababaihang pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!








No comments:

Post a Comment