Posted: 02 Feb 2014 07:44 AM PST
Nademolis na mga residente ng Sitio San Roque, nananatili sa center island ng Agham Road habang walang malilipatan. Ilang-Ilang Quijano
Binigyan na lamang ng lokal na gobyerno ng Quezon City ang mga maralitang residente ng Sitio San Roque ng hanggang Pebrero 5 para lisanin ang center island ng Agham Road kung saan pansamantalang naninirahan ang may 300 pamilya matapos ang marahas na demolisyon noong Enero 27.
Ayon sa mga ulat, puwersahang paalisin muli ang mga residente kapag hindi nila tinanggap ang umano’y alok na relokasyon ng gobyerno sa Bocaue, Bulacan.
Bago ang demolisyon, walang inalok na malilipatan o tulong ang lokal na gobyerno. Ngunit patuloy na naggiit at nakipagnegosasyon ang mga residente.
Sa listahan ng mga panawagan ng September 23 Movement, koalisyon ng iba’t ibang organisasyon ng mga residente ng San Roque, “dapat payagan ang mga dinemolis na muling itirik ang kanilang kabahayan sa loob ng San Roque para maiwasan ang dislokasyon sa trabaho at pag-aaral ng kabataan.”
Gayundin, nananawagan ang grupo ng hustisya para sa mga biktima ng marahas na demolisyon, pull-out ng nagbabantay pang mga pulis at demolition team, at danyos para sa nasirang mga ari-arian.
Mahigit 1,000 miyembro ng pulisya at SWAT ang lumusob sa San Roque at nagpaputok ng teargas, nambugbog at umaresto sa mga residenteng tumututol sa paggiba ng kanilang mga kabahayan para bigyang-daan ang proyektong komersiyal ng gobyernong Aquino at Ayala Land Inc.
“Nananawagan kami sa gobyerno na dinggin ang mga mamamayan, sa halip na pagsilbihan ang interes ng malalaking kapitalista gaya ng mga Ayala,” sabi ni Estrelita Bagasbas, tagapangulo ng September 23 Movement at Kadamay.
Sa kabila ng karahasan, sinabi ng Palasyo na “natapos nang mabuti” at “naging mapayapa” ang demolisyon sa North Triangle.
Walang mapupuntahan
Para sa marami sa mga dinemolis na residente, wala silang mapupuntahan.
Isa si Rene Culiado, 46, sa mga nananatili sa center island. “Walang lumalapit sa amin na nag-aalok ng relokasyon o tulong mula sa gobyerno. Kaya dito muna kami, wala naman kaming ibang mapupuntahan,” aniya sa isang panayam tatlong araw matapos ang demolisyon.
Nang mabalitaan ang balak na puwersahang demolisyon, pinauwi muna ni Rene ang kanyang asawa at limang-taong gulang na anak sa probinsya sa Masbate. “Alam ko naman na puro karahasan sa mga ‘iskuwater’ ang alam ng kapulisan,” aniya.
Hindi siya nagkamali. Kuwento niya, “Sila ang unang nanakit. Pero sa sobrang dami nila, sa huli hindi na kinaya ng tao. Kung ikaw ba naman gamitan ng teargas at palo. Talagang tatakbo ka. May laban ba ang tao sa mga baril?” aniya.
Itinuro niya ang dati niyang tahanan, na isang puno na lamang ang palatandaan. Puro ginibang semento na lamang ang paligid, na mahigpit na binabantayan ng mgaguwardiya ng Ayala.
Ayon kay Rene, na nagtatrabaho bilang security guard sa Fairview, mahihirapan ang kanyang pamilya na lumipat sa relokasyon sa Bulacan o Montalban, na malayo sa kabuhayan. “Yung gagastusin ko sa pamasahe eh pangkain na namin,” aniya.
Aniya, natutuwa siyang patuloy na iginiggit ng mga residente sa North Triangle ang kanilang mga karapatan, hindi lamang sa paninirahan kundi maging sa kabuhayan. “Kung saan ang nakararami, doon ako sasama,” sabi ni Rene.
Bagaman nademolis ang mga kabahayan na sakop ng 11 metro sa gilid ng Agham Road, nananatili pa rin ang mga residente sa kalakhang bahagi ng San Roque, na ilang taon nang nilalabanan ang demolisyon at proyektong QC Central Business District.
Suporta ng simbahan
Samantala, nagpahayag naman ng suporta at nagtungo sa dinemolis na komunidad ang iba’t ibang taong simbahan noong Enero 30.
Ayon kay Bishop Deogracias Iniquez, “Dapat tugunan ng gobyerno ang tungkulin nito na tulungan ang mga higit na nangangailangan. Nakikiisa ako sa inyo, sa hangarin na makita ang inyong sitwasyon, at tumulong na mailagay sa tama at maging makatarungan ang umiiral na kaayusan.”
Mga nagbabantay na miyembro ng demolition team, mga kabataang maralita ang karamihan. Ilang-Ilang Quijano
“Hindi kayo nag-iisa bagama’t napakarahas at napakalungkot ng nangyari. Sana patuloy tayong mapuno ng pag-asa. Hindi ito ang katapusan, dahil magbubukas ang isip ng ating mga mamamayan,” sabi ni Iniquez.
Nagpahayag din ng suporta ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), Church People-Urban Poor Solidarity, at Ecumenical Bishops Forum.
Kuwento ni Fr. Marlon Lacal ng AMRSP, maging siya ay tinutukan ng armalayt ng miyembro ng SWAT, nang suportahan niya ang mga maralita noong panahon ng demolisyon.
“Bakit ipinagtatanggol ng gobyernong Aquino ang pribadong interes kaysa sa mahihirap?” aniya.
Tinawag naman ni Bishop Elmer Bolocon na “walang puso” ang demolisyon, at itinulad ito sa Bagyong Yolanda dahil na salantang dulot nito sa mga apektadong pamilya.
|
No comments:
Post a Comment