Posted: 07 Dec 2013 02:41 AM PST
Ito ay isang simpleng pag-alala para sa isang indibidwal na may malawak na impluwensiya bilang guro at peryodista.
Bilang estudyante ng Peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong huling bahagi ng dekada 80, aaminin kong hindi ako masyadong tumatambay sa Plaridel Hall. Pumupunta lang ako roon tuwing may klase o kung may kailangan akong gawin sa library. Hindi ko tuloy kilala ang lahat ng mga faculty sa Institute of Mass Communication (na naging College of Mass Communication o CMC noong Abril 1988). Kung tutuusin nga, hindi ko rin kilala lahat ng mga ka-batch ko. IMC noon, CMC ngayon. Ito ang institusyon at kolehiyong naging “tahanan” ko mula 1986 hanggang 1990. Tulad ng iba pang estudyante, alam kong magagaling lahat ng nagtuturo sa IMC at CMC. Noong panahong iyon, may paniniwala kaming hindi makapagtuturo sa UP ang mga walang karapatang makapaghubog ng isipan ng kabataan. At kung may pagkukulang man sa ibinabahagi nilang kaalaman, responsibilidad ng tunay na iskolar ng bayan na punuan ito sa pamamagitan ng ibayong pagbabasa at pakikisalamuha. Hindi man namin lubusang kilala, binibigyan namin sila ng kaukulang pagkilala. Kahit na nananatiling kritikal kami sa mga itinuturo ng mga guro, hindi pa rin nawawala ang aming respeto. Sa ganitong konteksto ko naaalala si Prop. Raul Rafael Ingles (1929-2013). Dalawampu’t apat na taon na ang nakaraan mula nang una ko siyang makilala: First Semester, Academic Year 1989-1990. Ika-apat na taon ko noon sa kolehiyo. Maliban sa mga kursong may kinalaman sa paggawa ng thesis proposal at thesis (na noo’y may course code na Communication 199 at Communication 199.1), isa na lang kurso sa Komunikasyon ang kailangan kong kunin: Communication (o Comm) 108 o Printing Techniques. Noong unang araw ng klase sa Comm 108, pumasok si Ingles – medyo may edad na, pormal ang kasuotan, deretso ang tindig, nakapomada ang buhok, nakasuot ng makapal na salamin. Matatas siyang magsalita sa wikang Ingles at bihirang bihira siyang magsalita sa wikang Filipino. Kung ano ang pormal niyang pananamit ay siya ring pormal na estilo niya sa pagtuturo – gamit ang chalk at blackboard, itinuro niya ang teorya sa likod ng produksiyon ng publikasyon. Nagdadala rin siya ng sample ng mga ginagamit sa paglilimbag ng isang publikasyon para lubusan naming maintindihan hindi lang ang mga konsepto kundi ang mismong aktwal na proseso. Kung hindi ka nagbabasa, hindi mo malalamang siya pala si Raul Rafael Ingles na isang makata’t peryodista. Aakalain mong ang tanging alam lang niya ay ang pag-iimprenta ng publikasyon. Hindi kasi siya ang tipong ipinagyayabang sa mga estudyante ang mga nagawa niya, pati na ang iba pa niyang aktibidad sa labas ng UP. Para sa kanya, mas mahalaga ang makapagturo ng kursong hinahawakan niya. Ang anumang ibinabahagi niya sa klase ay may kaugnayan lang sa paksa. Kung mayroong partikular na araw sa semestreng iyon na natatandaan ko, ito ay ang pagbisita namin sa UP Press na noo’y may mga makina pang ginagamit sa pag-iimprenta. Kahit na medyo alam ko na ang proseso ng pag-iimprenta noon bilang bahagi ng Philippine Collegian (opisyal na publikasyon ng mga estudyante ng UP Diliman), aaminin kong marami akong natutuhan mula sa kanyang aktwal na demonstrasyon kung paano nangyayari ang bawat bahagi ng paglilimbag. Ganoon siya kahusay na guro – kaya niyang pagsamahin ang teorya at praktika para mas maintindihan ng mga estudyante ang mga paksa. Sa labas ng klase, kapansin-pansin ang kanyang kabaitan. Nahihiya man ang karamihan noong makipag-usap sa kanya dahil sa kanyang pormal na hitsura, may mangilan-ngilan din namang naglalakas-loob. Tinanong ko siya noon kung ano ang grado ng kanyang makapal na salamin. Bago siya sumagot, tinanggal niya ang salamin niya para ipakita sa akin kung gaano ito kakapal. Sa aking pagkakaalala, binanggit niyang 1,500 ang grado ng salamin niya kaya hindi na siya makakakita kung hindi niya suot ito. At sa hindi pormal na pakikipag-usap sa kanya, doon ko napansin ang isang bagay: Sa loob at labas ng klasrum, kaya niyang makisalamuha kahit sa mga mas bata pa sa kanya. Natapos ang semestre at nakakuha ako ng mataas na marka sa Comm 108. At nang makapagtapos ako sa UP at makapagtrabaho sa iba’t ibang non-government organization (NGO) noong unang bahagi ng dekada 90, tuluyan na akong nawalan ng komunikasyon sa kolehiyong naging “tahanan” ko. Kahit na naging part-time na guro ako sa UP CMC noong huling bahagi ng dekada 90, bihira pa rin akong sumali sa mga aktibidad ng kolehiyo dahil madalas na tuwing Sabado lang naman ang mga klase ko. Nang maging bahagi ako ng regular na faculty ng UP CMC noong 2001, aaminin kong noon ko lang nalaman na si Ingles pala ay nagretiro na at naging professor emeritus noon pang 1990. Ang Comm 108 pala namin ay isa sa mga huling klaseng hinawakan niya bago ang kanyang pagreretiro. At dahil bagong pasok ako sa UP CMC, wala akong sariling opisina dahil limitado ang pasilidad ng Departamento ng Peryodismo. Pero wala akong naging problema sa sitwasyong ito dahil ang naging kasama ko sa opisina ay si Ingles na noo’y 11 taon nang retirado. Kadalasan, solo ko ang opisina pero komportable rin naman akong nagtatrabaho tuwing dumaraan siya para tingnan ang kanyang mga gamit at tahimik na magsulat. Masasabing bahagi pa rin siya ng UP CMC hindi lang sa kanyang pagiging kauna-unahang professor emeritus kundi sa pagbibigay niya ng payo sa ilang polisiyang may kinalaman sa mahahalagang proyekto. Hindi ko na babanggitin ang lahat ng detalye, pero tandang-tanda ko ang suportang ibinigay niya sa paglalabas ng kauna-unahang refereed journal ng UP CMC, ang Plaridel: A Journal of Philippine Communication, Media and Society. Sa katunayan, nagsalita pa siya noong Pebrero 2004 sa paglulunsad ng unang isyu para purihin ang kolehiyo sa inisyatibang ito. Tulad ng kanyang paraan ng pagtuturo sa amin noong 1989, naging mapagkumbaba siya sa pagkukuwento ng kanyang kapanahunan, lalo na ang kanyang 20 taong pagtuturo sa UP CMC. Sa sumunod na taon (2005), inilabas ni Ingles ang CD ng mga tula niya bilang kontribusyon sa nalalapit na selebrasyon ng ika-100 taon ng UP sa 2008. Ang mga tula niyang binasa ng ilang pangunahing personalidad sa midya ay nakasulat sa wikang Ingles, Pranses, Filipino at Kastila. Bukod sa CD, may ginawa ring libro si Ingles noong 2008 na may titulong 1908 The Way It Really Was: Historical Journal for the U.P. Centennial, 1908-2008. Matiyaga niyang sinuri ang mga laman ng diyaryo mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 1908 at ginawan niya ng maikling pagsusuma ang mahahalagang pangyayari sa loob ng 366 na araw (leap year kasi ang 1908). Tandang tanda ko ang paglulunsad ng librong ito. Dinaluhan ito ng ilang pangunahing personalidad sa literatura, pati na ang ilang natitirang miyembro ng Ravens, isang grupo ng mga manunulat na kabilang si Ingles. Hiniling niya ako noong magbigay ng ilang pananalita. Bagama’t malaking karangalan ito, siyempre’y nariyan din ang kaba kahit na hindi ko ipinahalata. Sa bandang huli, nagpasalamat siya sa akin sa pamamagitan ng pagbibigay ng personal na mensaheng nakasulat sa libreng kopya ng librong ibinigay niya sa akin: “With deep appreciation of your spontaneous support in the pre-launching of this book in February 2008, and expecting from you a far more distinguished career in the journalism faculty of the College of Mass Communication.” Tunay na mananatiling inspirasyon ang mga katulad ni Ingles sa mga susunod na henerasyon ng mga guro, pati na sa mga peryodistang nais magtaguyod ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo. Bagama’t panahon na para sa kanyang pamamahinga, makakaasa siya sa pagpapatuloy ng mga sumunod sa kanya. Sa kanyang pagkamatay noong umaga ng Disyembre 5, mainam na balikan ang isang tulang sinulat niya na may pamagat na “Dressing up for a funeral.” Bagama’t mas natatandaan ng mga nakakakilala sa kanya ang pormal na tindig at hitsura, higit na mas mahalagang tandaan at isapuso ang mga aral na ibinahagi niya: Hence funerals need not be a formal event; After all is said and done, what do remain Are memories of merriment, carousels and Escapades; joys and tribulations shared; Youthful desires, hopelessness, dreams unfulfilled And now, finally: “Adios, au revoir, sayonara, paalam.” Surely neither he nor I should mind The color, cut and adornment of what is worn; For when I go to commute with him in his last repose, It is the heart’s habiliment that will matter most. Paalam na po, Propesor Ingles.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
No comments:
Post a Comment