Posted: 27 Dec 2013 03:57 AM PST
Mayroon bang dapat ipagpasalamat sa 2013 na puno ng trahedya at iba pang problema? Oo naman, pero depende sa pasasalamat na gusto nating gawin. May pasasalamat kasing consuelo de bobo. Isang halimbawa ang sinabi ni Pangulong Noynoy Aquino matapos manalasa ang bagyong Yolanda noong Nobyembre 8. Kung matatandaan, isang kaibigan ng negosyante sa Tacloban City ang lumapit kay Aquino para ireklamo ang diumanong panunutok ng baril ng isang tinawag niyang “looter.” Ang sagot ni Aquino sa kanya, “But you did not die, right?” Sa halip na ayusin ang sitwasyon sa peace and order sa Tacloban, nagbigay ng nakapanlulumong mensahe si Aquino sa nagrereklamo: Pasalamat ka’t buhay ka pa! May pasasalamat ding sadyang napakabobo. Pasensiya na po’t wala na akong iba pang salitang maisip na mas malala pa sa bobo na ang ibig sabihin ay tunggak o “mahina ang ulo o nahihirapan o matagal umunawa (UP Diksiyonaryong Filipino [Binagong Edisyon, 2010], p. 1,288).” Sa talumpati ni Aquino noong Disyembre 22 sa pag-inspeksiyon sa pabahay para sa mga naapektuhan ng bagyong Pablo sa Compostela Valley, may mensahe siyang lubhang nakakagalit: “(A)lam n’yo sanay na tayo sa problema. Mula noong pagpasok ko sa trabahong ito…marami na talaga tayong problemang dinatnan. Kaya ‘pag ‘yong ating miyembro ng gabinete ang napapagod, sabi ko sa kanila, `Tatandaan ninyo ‘pag dumating ang panahong wala tayong problema, iyon naman ang problema.’…Dahil magiging boring na. Pero puwede rin namang ‘wag masyadong `interesting’ at `exciting.’” Sa gitna ng kolektibong pagkainis, malinaw ang mensahe niya: Pasalamat kayo’t hindi boring ang Pilipinas dahil sa mga problemang kinakaharap natin! Malinaw ang kabobohan sa sitwasyong ginagawang trivia lang ang ilang problemang pinagdaraanan ng bayan, lalo na ng ordinaryong mamamayan. Kung sabagay, ano nga ba ang konsepto ng problema ni Pangulong Aquino? Noong estudyante pa siya sa isang pribadong unibersidad, naging problema kaya niya ang mataas na matrikula at ang kawalan ng panggastos tuwing papasok sa klase? Naramdaman na kaya niya ang sakit ng sikmura dahil sa matinding gutom? Dahil nanggaling sa mayamang pamilya, duda ako kung naranasan niyang buhayin ang kanyang mga mahal sa buhay sa kakarampot na kita. Napag-uusapan na rin lang ang kayamanan ng Pangulo, wala tayong dapat ipagpasalamat sa dominanteng midya dahil sa katiting na coverage sa nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita sa Tarlac City na alam nating pag-aari ng pamilya ni Aquino. Kung hindi pa naaresto ang ilang nagpoprotesta kamakailan, hindi ito maibabalita. Wala itong pagkakaiba sa nangyari noong protesta sa Hacienda Luisita noong 2004. Kung hindi nangyari ang masaker noong Nobyembre 16, 2004 na ikinamatay ng 13 manggagawang bukid, hindi maibabalita sa dominanteng midya ang kaguluhan. Pero tulad noon, hanggang ngayon ay hindi malinaw sa publiko ang konteksto ng ipinaglalaban ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Mainam na pag-aralang mabuti ang naging pahayag ng grupong Karapatan noong Nobyembre 16: “Nine years after [the massacre], those responsible…have not spent one day in prison. Former Dept. Of Labor and Employment secretary Patricia Sto. Tomas is holding office at the Land Bank of the Philippines. Gen. Ricardo Visaya, head of the Philippine Army deployed in the Hacienda Luisita and a protege of Ret. Maj. Palparan is still sowing terror in the places where he is being deployed…Gen. Visaya’s recent stint of terror is the beheading of the village councilor Ely Oguis, justifying that the victim is an NPA tax collector. Then Senator BS Aquino, whose family’s interests reign in the hacienda, is now the President…The Supreme Court may have decided to distribute the vast lands of Luisita in 2012, but the Aquinos and Cojuangcos, Dept. of Agrarian Reform and Tarlac Development Corporation (TADECO) are using all possible kinds of deception, bribery, state violence to prevent the lands to be actually distributed to all farmworkers.” May kaugnayan sa matagal nang ipinaglalaban ang kinasasadlakan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Pero ang naibabalita lang sa kasalukuyan ay ang ginawang pagbuwag sa protesta at ang pag-arestong nangyari sa limang manggagawang bukid sa salang “trespassing, coercion, direct assault and physical injuries.” Bagama’t nakalaya rin matapos ibasura ng city prosecutor ang mga kaso, napabalitang magsasampa sila ng kaso laban sa mga pulis at sa mga Cojuangco. Malinaw ang mensahe ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita: Wala kaming dapat ipagpasalamat sa gobyerno! Lumaya ang lima hindi dahil sa kabaitan ng mga nasa kapangyarihan, kundi dahil sa sama-samang pakikipaglaban ng kanilang karapatan. Sa aking palagay, may malaking kakulangan ang dominanteng midya sa pag-uulat ng mga nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita. Ayaw ko mang isiping may kaugnayan ito sa ilang malalaking trahedyang naganap mula Setyembre hanggang Disyembre (i.e., giyera sa Zamboanga, lindol sa Bohol at Cebu, storm surge sa Tacloban at iba pang lugar), hindi ko pa rin mapigilang magtaka kung bakit hindi sineseryoso ang pagbabalita sa isang isyung may direktang kinalaman sa mga pamilyang Cojuangco at Aquino. Sa larangan ng peryodismo, alam kong tinaguriang “dead beat” ang agrikultura dahil walang masyadong interes diumano ang nakararaming mamamayan dito (bagama’t malinaw namang ang tunay na dahilan ay hindi masyadong pinagkakakitaan ng mga may-ari ng midya ang larangan ng agrikultura kumpara sa industriya’t serbisyo). Pero kung ang isyu ay may kinalaman sa paglabag sa karapatang pantao at sa mismong utos ng Korte Suprema, dapat lang na tutukan ito kahit ng ilang organisasyong tinaguriang “yellow media” dahil sa pagkampi nito sa kasalukuyang administrasyon. Pero isipin natin: Ano ang mangyayari sa administrasyong Aquino kung bibigyan ng malaking espasyo o airtime ang isyu sa Hacienda Luisita sa gitna ng napakarami pang problemang kinakaharap ng bansa? Matatandaang noong naiulat ang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004, lalong bumagsak ang mga net satisfaction rating ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo – dumausdos ang mga ito sa -5 (Disyembre 2004), -12 (Marso 2005) at -33 (Mayo 2005). Kahit na sabihing may iba pang salik sa pagbaba ng popularidad ni Arroyo, iniiwasan ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalaganap ng iba pang isyung puwedeng makasira sa pamilya ni Aquino. At sa puntong ito, mainam na suriin ang inaasahang mensahe ng pasasalamat mula sa Malakanyang bunga ng napabalitang +49 na net satisfaction rating ni Aquino batay sasurvey ng Social Weather Stations (SWS) para sa Disyembre 2013. “We are grateful to our people for proving once more that they are on the side of true public service and are unswayed by mere politicking,” sabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Aquino. Kung gustong maging “tunay na matuwid” ang kasalukuyang administrasyon, kailangang pasalamatan din nito ang dominanteng midya sa hindi pagpapalaki ng isyung kinakaharap ng Hacienda Luisita, o kahit ang iba pang usaping may kinalaman sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at sa lalo pang lumalakas na kultura ng walang pakundangan (culture of impunity). Salamat kasi sa dominanteng midya, hindi gaanong nalalaman ng publiko ang marami pang kontrobersiya, lalo na ang maraming insidente ng pagdukot at pagpatay. Sa ganitong konteksto natin dapat tingnan ang net satisfaction rating ni Aquino. Huwag nating sisihin ang “kabobohan” ng maraming mamamayan. Natural lamang na may iba silang opinyon sa mga bagay-bagay dahil sa limitadong impormasyong inihahatid ng dominanteng midya. Dahil walang malalimang pagsasakonteksto sa mga balita, madaling napapaniwala ang maraming mamamayan sa retorika ng pag-unlad at ang diumanong “daang matuwid.” Pero sa kabila ng mga problemang kinaharap ngayong 2013, nagpapasalamat pa rin ako dahil unti-unti nang lumalabas ang tunay na kulay ng administrasyon. Sa mga pahayag na binibitiwan ni Aquino, mas nagiging kapansin-pansin ang kawalan ng simpatiya nito sa pinagdaraanan ng mga mamamayan. Sa kabila ng propaganda ng gobyerno, nagiging matingkad na ang kawalan ng pangmatagalang solusyon sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga mamamayan tulad ng kahirapan at kawalan ng hustisya. Sa paglipas ng panahon, asahan natin ang paglawak pa ng protesta para baguhin ang kasalukuyang sistema. At kung hindi magagawa ng kasalukuyang administrasyon ang pagbabagong hinahangad ng mga batayang sektor ng lipunan, malinaw na ang mga organisadong mamamayan na mismo ang kikilos para palitan ang mismong pamahalaan. Salamat sa pagmumulat, 2013!
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
Paunawa: Pansamantalang titigil sa pagsusulat ng kolum niyang “Konteksto” si Prop. Danilo A. Arao sa taong 2014. Bukod sa kanyang administratibong gawain sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman bilang kawaksing dekano (associate dean) ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, kailangan din niyang pagtuunan ng pansin ang sinusulat niyang disertasyon para sa programang doktoral ng Ilmenau University of Technology (Alemanya).
Para sa mga nais basahin ang mga kolum ni Prop. Arao, abangan ang paglalabas ng bago niyang libro sa unang bahagi ng 2014 na ililimbag ng PinoyMedia Center.
|
No comments:
Post a Comment