Posted: 21 Dec 2013 02:10 AM PST
Sa totoo lang, wala namang masama sa pagsasagawa ng propaganda. Sa katunayan, nakakatulong pa nga ito sa pagpapaliwanag sa publiko. Nagkakaproblema lang tayo kung ginagamit ng “bulag” na tagapagsalita ang propaganda bilang instrument ng panloloko. Naaalala ko ang sinabi sa akin noon ng isang dating senador na ngayon ay nagtuturo na sa isang unibersidad. Ayon sa kanya, bihira para sa isang tagapagsalita ng isang politiko o ahensiya ng gobyerno ang tumagal sa puwesto. Kailangan daw niya kasing tandaan lahat ng kanyang pahayag sa midya para tuloy-tuloy lang ang pagtatahi ng mga komento. Biro ng nasabing senador, nagkakaroon ng mas malaking problema ang tagapagsalita lalo na kung kailangan niyang magsinungaling sa publiko. At kahit na sabihing hindi pagsisinungaling ang gagawin ng isang tagapagsalita, posibleng magbibigay lang siya ng impormasyon sa paraang mayroon kang datos na pinapalaki at mayroon kang datos na hindi ibinabahagi. Hindi mo na kailangang maging eksperto sa komunikasyon at propaganda para mapansin ang tendensiyang mas binibigyang-pansin ng tagapagsalita ang positibo at pilit na itinatago ang negatibo. Pangunahing gawain kasi ng isang tagapagsalita ang mas popular na bersyon ng “katotohanan” sa pamantayan ng kanyang pinagtatrabahuan. Hindi interesado ang publiko sa pangkalahatan o ang midya sa partikular sa sariling opinyon ng tagapagsalita. Siya kasi ay nagsasalita para iparating ang mensahe ng tao o organisasyong sinusuportahan. Pero sa halip na obhetibong mensahe ang maipalaganap sa pamamagitan ng midya, nagiging posible ang subhetibong katangian ng pagpapaliwanag kung binibigyan ng tagapagsalita ng ibang bersyon ang “katotohanan.” Sa larangan ng public relations, ang tawag dito sa wikang Ingles ay “spin,” isang uri ng propaganda na nagbibigay ng interpretasyon sa isang isyu na may layuning maimpluwensiyahan ang opinyong pampubliko. Sa kontekstong ito, ang tagapagsalitang gumagamit ng spin ay tinatawag na “spin doctor.” Anong klaseng pagdodoktor ba ang ginagawa ng isang tagapagsalita? Suriin nang mabuti ang depenisyong ibinibigay ng Merriam-Webster website: “a person (such as a political aide) whose job involves trying to control the way something (such as an important event) is described to the public in order to influence what people think about it.” Kung obhetibong susuriin ang salitang “spin doctor,” katanggap-tanggap ang ginagawa ng isang tagapagsalita sa teorya pero nagiging karumal-dumal lang ito sa praktika. Sa pamamagitan kasi ng mapanlikhang paggamit ng mga salita, nagiging maganda ang pangit at nagmumukhang legal ang hindi naaayon sa batas. Mainam na halimbawa ang nangyari noong hatinggabi ng Nobyembre 30 sa Banyan Road gate ng Dasmariñas Village sa Makati City. Kahit bawal ang mag-exit sa nasabing subdibisyon sa pamamagitan ng gate na iyon, ipinagpilitan ng grupo nina Makati City Mayor Junjun Binay at Senador Nancy Binay na may “karapatan” silang hindi masaklaw ng polisiya ng pribadong subdibisyon. Sa halip na gamitin ang tamang exit, nanatili sila sa Banyan Road gate at may komprontasyong naganap sa pagitan ng grupo ni Mayor Binay at ng mga guwardiya. Naglabas ng mga baril ang mga diumanongbodyguard ni Mayor Binay at naghintay ng pagdating ng ilang tauhan ng Makati Police. Sa bandang huli, ang pulis na mismo ang nagtaas ng harang para makaraan ang convoy nina Binay. Dinala rin sa presinto ang ilang guwardiya ng subdibisyon. Napapailing na lang ako sa “spin” na ginawa sa isyung ito. Kung paniniwalaan ang pahayag ni Joey Salgado, media affairs head ng Office of the Vice-President at public information consultant ng Makati City, hindi raw totoo ang naging pahayag ni Mayor Binay sa mga guwardiya na “Kilala n’yo ba ako?” Sa halip, ang sinabi raw niya ay “Si Mayor Binay ako. Baka pwedeng makiraan lang.” Siyempre’y mapapaisip ka na lang: Bakit kailangan mo pang ipangalandakan ang katungkulan mo para makiusap sa isang tao? Natatawa na lang ako sa dagdag na pahayag ni Salgado. Napilitan daw maglabas ng mahahabang baril ang mga bodyguard ni Mayor Binay para depensahan ang kanilang “very important person” (VIP). Sinabi kasi ni Salgado na pinaliligiran na raw ng mga armadong guwardiya ang convoy ni Mayor Binay. Hay, naku! Kahit na sabihin nating armado rin ang mga guwardiya ng Dasmariñas Village, duda ako kung magkakaroon sila ng lakas ng loob na makipagputukan sa isang convoy ng mataas na opisyal ng gobyerno. Naiinis naman ako sa sinabi ni Salgado tungkol sa mga guwardiyang dinala sa presinto. Hindi raw sila arestado. Sila raw ay boluntaryong nagpunta. At batay sa pahayag ni Supt. Manuel Lucban, hepe ng Makati City Police, ang mga guwardiya raw ay dinala lang sa police headquarters para lang sa “verification purposes.” Ayon kay Salgado, hindi rin daw totoong inabot ng apat na oras ang mga guwardiya sa presinto dahil isang oras lang naman. Gaano man katagal sila sa presinto, hindi maikakailang sila ay “naimbitahan” kahit wala silang kasalanan at ginagampanan lamang ang gawain bilang guwardiya. Halatang-halata ang pagiging masamang “spin doctor” ni Salgado sa sinabi niyang katangian ni Mayor Binay. “Kung kayo kilala niyo si Mayor Binay, siya ay napakatahimik, humble na tao.” Kung totong siya ay tahimik at mapagkumbaba, siguro nama’y hindi malaking kawalan ang umalis sa Banyan Road gate at lumabas sa tamang exit, hindi ba? Sa totoo lang, mahirap ang trabaho ng mga tagapagsalitang katulad ni Salgado na pilit na pinoprotektahan ang malinaw na kakulangan ng amo. Kaya nga hindi ko alam kung ako ba ay mapapailing, matatawa, maiinis o maaawa na lang sa sitwasyon niya. Sa kanyang pagdepensa kay Mayor Binay, binibigyan niya ng masamang pangalan ang gawaing propaganda sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang “spin” na malinaw na pagsisinungaling. Kung may aral tayong dapat matutuhan sa insidente, ito ay ang limitasyon ng isang tagapagsalita, gaano man siya kahusay, para pagtakpan ang katotohanan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
No comments:
Post a Comment