Posted: 11 Dec 2013 06:44 AM PST
Binatikos ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE) ang pagsasarang ginawa ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Manila Seedling Bank kamakailan – ilang araw lamang matapos itong isyuhan ng cease and desist order (CDO).
Sinabi ni Leon Dulce, tagapag-ugnay ng Kalikasan-PNE, walang pakundangan ang ginawang pagsasara ng naturang lokal na pamahalaan sa Manila Seedling Bank at pagbabantang puputulan ito ng suplay ng tubig nang wala man lamang ibinigay na alternatibo para sa kabuhayan ng mga taong maaapektuhan. Naniniwala si Dulce na isa itong malinaw na pagtatangkang pabilisin ang pag-aalis ng mga ‘sagabal’ sa implementasyon ng planong Quezon City Central Business District (QCCBD), na naglalayong palayasin ang mga komunidad, mahahalagang institusyon at kahit ang mapunong lugar para sa pagtatayo ng malalaking establisimyento. Ang CDO ay inisyu laban sa Manila Seedling Bank Foundation Inc. (MSBFI) noong Disyembre 6, dahil umano sa hindi pagbabayad ng buwis na umabot sa P57.2 milyon mula 2001 hanggang 2011. Naniniwala naman ang MSBFI na may karapatan sila sa lugar dahil umuupa sila sa National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1670. “Kung may usapin sa buwis sa pagitan ng MSBFI at ng tamang awtoridad kung saan sila magbabayad, hindi ito sapat para ilagay sa panganib ang mga binhi, halaman at puno sa naturang lugar. Ang isyu ng buwis ay dapat na resolbahin nang hindi nakokompromiso ang serbisyong pangkalikasan na ibinibigay ng mga nag-aalaga ng mga halaman sa mahabang panahon,” ani Dulce. Iginiit ng mga nag-aalaga ng halaman na umuupa sa lugar na nagbabayad sila ng buwis at tutol sila sa paglilipat sa Quezon Memorial Circle dahil siksikan na sa nasabing lugar at hindi madaling puntahan ng mga mamimili. Sinabi pa ni Dulce na nanganganib ring mapaalis ang Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center at Philippine Children’s Medical Center, mga institusyong mahalaga para sa kalikasan at serbisyong pangkalusugan. “Ang kagustuhan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na maisulong ang QCCBD ang malinaw na motibo sa panganib na ito hindi lamang sa kalikasan kundi pati sa interes ng publiko. Nakikiisa kami sa panawagan sa pagbasura sa planong ito at pagbubuo at pagpapatupad ng planong pangkaunlaran na tunay na para sa kalikasan, pabahay, kalusugan at iba pang serbisyo publiko para sa mga mamamayan,” sabi pa ni Dulce. |
No comments:
Post a Comment