Posted: 13 Dec 2013 04:13 AM PST
Isang timely at thrilling na regalo ang ibinigay sa akin ni Ronalyn Olea noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao—ang koleksyon ng mga tula ni Randy Vegas, isang bard brader (fellow guilder) namin sa College Editors Guild of the Philippines.
Kung lagi kong ibinibidang si Prof. Rogelio Ordoñez ang “Pablo Neruda ng Pilipinas”, si Len Olea naman ang ating Eduardo Galeano! Walang duda!
* * *
Pinamagatang Antolohiya: Makabayang Lingkod at iba pang mga tula ang koleksyon ni Vegas. Katambal ni Raul Camposano, si Vegas ang other half ng grupo ng mga bilanggong politikal na tinaguriang COURAGE 2.Mga organisador ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) ang dalawa—sa partikular, ng mga kawani ng MMDA—bago i-abduct ng mga militar noong Disyembre 3, 2012. Kasalukuyan silang ilegal na nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Daet, Camarines Norte.
* * *
Habang pinapasadahan ko ang mga tula ni Vegas, hindi ko maiwasang maalala ang mga tula ng yumaong si Bayani Abadilla sa kanyang koleksyong Sigliwa Kamao.Binasa ko sa Delubyo event sa Conspiracy Bar noong Martes ng gabi ang tula niyang “Para Kanino Ka Bumabangon (Pasintabi sa Nescafe)”. Unang kopla pa lang ng tula ay parang compass nang nagbibigay ng tiyak na direksyon:
“para sa sarili / upang humakbang pasulong”
* * *
Sapol na sapol ni Vegas ang paniniwala kong ang pagsulat ng tula ay hindi kasimbilis ng pagtitimpla ng kape—in an instant.Aniya, sa kanyang Paunang Salita, “Sadyang ang pangangailangang mailathala ang isang antolohiya ay marapat lamang na nakatuntong sa isang hinog na panahon. Hindi ito suhetibong itinatakda batay lamang sa ating personal na kagustuhan. Hindi rin ito minamadali o kaya’y hinihinog sa pilit.” Hindi biro ang dalawampu’t tatlong taong ginugol niya sa pag-iipon ng karanasan, pag-aaral sa piling ng mga kawani, kabataan at mamamayan—“nakipagdiwang sa matatagumpay na laban, lumuha, nalungkot at kasamang bumabangon kapiling nila.” Isang smörgåsbord ng danas sa piling ng sambayanan. Pag-a-underscore nga ni Kerima Lorena Tariman sa kuwento niyang “Fellow” (kasama sa antolohiyangkathang-isip: Mga Kuwentong Fantastiko), hindi national workshop ang tiket para maging isang ganap na makata.
* * *
Paliwanag pa ni Vegas, “Nauuna lagi ang mga materyal na karanasan subalit dapat na may malinaw na pagtanaw ang pinaghuhugutan ko ng maraming ideya na naghuhubog din ng malalim-lalim ko na ring pang-unawa sa mga bagay at kasaysayan. Ang mga ito ang isinatitik ko sa anyo at porma ng mga tula.”Historical at dialectical materialism in… your… face! Asteg ‘no?
* * *
Pero kung nag-aalala kang baka G&D (“grim and determined”) ang mga tula ni Vegas, maghunos-dili ka. May tula siyang pinamagatang “Ang Pagsasamantala Ayon sa Pagkain ng Choc-nut”!!!Makabayang makata ng choc-nut!! May sigla ng kabataan ang poetics niya. Pitong canto ang tulang nagsimula sa:
“pinagmamasdan ko / ang pabalat
matapos mong sunugin / ang iyong balat upang likhain ang paborito kong / panghimagas matapos ang / bawat pagkain ay aking hahanapin ang nakasanayan / kong choc-nut” |
No comments:
Post a Comment