Posted: 13 Dec 2013 07:57 PM PST
May dahilan para pansamantalang magsaya at magpahinga. Pasko na naman, hindi ba? Dito sa Pilipinas, ang Pasko ay okasyon para muling magsama-sama ang mga mahal sa buhay. Kahit na kapos sa pera, pinipilit pa ring magkaroon ng simpleng noche buenang puwedeng pagsaluhan ng mga kamag-anak at kaibigan. Mahal man o mura, hindi bale na basta’t may maibibigay ding aginaldo, lalo na sa mga bata. Wala naman sigurong nag-iilusyong makakakuha ng regalong bagong bahay at kotse, kahit mula sa mayayamang kamag-anak. Kahit na hindi masamang mangarap, mainam na ring panatilihing makatotohanan ito. At sa panahong maraming kinakaharap na trahedya ang ating bansa, mas mainam din sigurong gawing makabuluhan ang mga adhikain. Makatotohanan at makabuluhan. Sana’y ganito na lang ang ating mga pangarap. Kahit na mahirap maiwasan ang mga personal na pag-asam, posible namang labanan ang mga ito at magkaroon ng kaunting sakripisyo. Hindi lang ito simpleng “guilt trip” na pinagdaraanan ng “masuwerteng” mamamayan sa panahong may trahedyang kinakaharap ang kapwa niya. Gusto kong isiping nagmumula ang makatotohanan at makabuluhang pangarap sa mas malalim na pag-intindi sa kasalukuyang kalakaran ng ating lipunan. May politikal na dahilan, halimbawa, ang desisyon ng maraming grupo’t indibidwal na magbigay ng donasyon sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre, pati na ang mga biktima ng lindol noong Oktubre at ang mga sibilyang naipit sa giyera sa Zamboanga City noong Setyembre. At sa mga nabalitaan nating mga kompanyang nagkansela ng Christmas party o ginawang simple na lang ang pagdiriwang, halata ang pakikisimpatiya sa mga kapwa nating nawalan ng buhay, bahay at kabuhayan sa kung anumang dahilan. At sa usapin ng dahilan, ano ba ang tinutukoy mo – bagyo, lindol o giyera ba? Oo nga’t nangyari ang mga ito ngayong 2013, pero kailangan pa rin nating suriin ang konteksto. Gaano ba kahanda ang gobyerno para tumulong sa mga biktima? May mga opisyal bang nakinabang mula sa trahedya? Kapansin-pansin ba ang sinseridad ng mga nasa kapangyarihan sa pagtulong? O ginagamit lang ba nila ang okasyon para isisi sa mga katunggali ang nangyari? Habang isinusulat ito, patuloy pa rin ang pagtatalo ng ilang opisyal ng gobyerno kung sino ang may kasalanan lalo na sa dami ng mga namatay pagkatapos ng bagong Yolanda. Ayon sa Situational Report No. 69 (Disyembre 14) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 6,033 katao ang namatay at 27,468 ang nasugatan. Posibleng tumaas ang bilang ng namatay dahil mayroon pang 1,779 na nawawala. Nakakalula din ang pinsala sa imprastruktura at agrikultura dahil nagkakahalaga ito ng P35.5 bilyon. Ngayong Pasko, mainam na pagnilay-nilayan ang mga datos na ito. Mahalaga ang kagyat na tumulong sa mga nasalanta hindi lang ng bagyong Yolanda kundi ng iba pang trahedya. Pero kung may mas mahalaga pa sa pansamantalang pagtulong, ito ay ang tuloy-tuloy na pagsusuri sa nakaraan at kasalukuyan para mapagtibay ang politikal na paninindigan. Kung may malalim na pag-intindi sa pinagdaraanan ng nakararaming mamamayan, mapapansin ang susing papel ng pagkilos para buuin ang katanggap-tangap na kinabukasan. Mahirap tapusin ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng pagbati ng Maligayang Pasko. Wala naman kasing ligayang nadarama sa gitna ng maraming trahedya. Para maging mapagpalaya ang mensahe, mainam na batiin na lang natin ang isa’t isa ng isang Makatotohanan at Makabuluhang Pasko, at isama na rin natin ang isang Mapagpalayang Bagong Taon!
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
No comments:
Post a Comment