Posted: 05 Dec 2013 06:36 AM PST
Kalat-kalat na mga kahoy, nagtumbahang mga poste, wasak na mga bahay at establisimyento, naipong mga kalat sa tabi ng kalsada, mga punong halos walang dahon, naburang komunidad, mga patay na nakahilera sa kalsada (at pinaniniwalanag marami pa ang nasa ilalim ng mga debris na hindi pa nagagalaw), mga nakaligtas sa hagupit ng bagyo na inililigtas muli ang mga sarili laban sa gutom, mga sugat na hindi pa nagagamot, at walang mapagpapahingahang tirahan.
Ganito halos ang hitsura ng mga lugar na nasalanta ng Bagyong Yolanda nang puntahan ng Pinoy Weekly walong araw matapos ang isa sa pinakamalubhang trahedya sa kasaysayan ng bansa. Ngayon, halos isang buwan matapos ang bagyo, marami pa ring mga ulat na halos ganoon pa rin ang kalagayan sa mga bahagi ng Kabisayaan na labis na napinsala. Nanalasa sa bansa noong Nobyembre 8 ang Bagyong Yolanda (international name: Haiyan), naitalang isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan na tumama sa lupa o nag-landfall. Habang sinusulat ito, nakapagtala na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 5,670 na bilang ng mga namatay, nasa 1,761 ang nawawala at 26,233 ang nasaktan. Umaabot sa P 34.3 bilyon ang halaga nang nasira. Inaasahan pang tumaas ang mga bilang na ito. Sa laki at di-mailarawang pinsalang iniwan ni Yolanda, nakakuha ito ng atensiyon at kinakailangang tulong mula sa iba’t ibang bansa. Pero sa kabila ng maraming tulong na dumarating mula sa iba’t ibang sektor (pribadong korporasyon, simbahan, midya, NGOs,international groups, at iba pa) humihingi pa rin ang maraming biktima ng tulong mula sa gobyerno, na kinakitaan ng kapalpakan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima. Sa mga lugar na napuntahan ng Pinoy Weekly mula Nobyembre 14 hanggang Nobyembre 19, karamihan sa mga nasalanta, kakaunti o di kaya ay walang tulong na nakuha mula sa gobyerno simula noong bumagyo. Mabagal na tugon ng gobyerno, lalong nagpahirap sa nasalanta Matapos ng bagyo, inasahan ng mga nasalanta ang serbisyo mula sa gobyerno bilang may pangunahing tungkulin na ibigay ito sa kanila. Pero matapos ang mahigit isang linggong paghihintay, ang mailigtas naman sa gutom, uhaw, sakit at kawalan ng matitirhan ang bagong bagyong kanilang hinarap nang mag-isa. Karamihan sa mga nakapanayam ng Pinoy Weekly mula Ormoc, Tacloban, Palo, Tanauan at Dulag sa Leyte ay wala o minimal na tulong pa lamang ang natatanggap noon mula sa gobyerno o sa pribadong sektor. “Hanggang ngayon wala pa kaming natatanggap na tulong kahit kanino. Nawasak ang buong bahay namin at walang natira. Kung ano ang suot namin, yun lamang ang natira sa amin,” ayon kay Eugenia Taliwala, 61, mula sa Brgy. Dayagan, Ormoc City. Kasami ni Eugenia ang kanyang apo na si Roselyn, 8, na naglalakad-lakad sa Ormoc para makakuha ng tulong. Ganito ang ginagawa ng halos mga biktima ng bagyo, lumalapit kung kani-kanino. Sa bayan ng Tanauan, nasa 100% ang naging pinsala ng bagyo, ayon kay Peny Tecson, asawa ng mayor ng Tanauan na nakapanayam ng Pinoy Weekly. Aniya, bagsak ang kanilang ekonomiya dahil walang natira. Ang pera, walang halaga sa kanila. “Basic needs, pagkain. ‘Yun ang pinaka-importante. Slowly nare-receive namin ngayon. Pinaka-kailangan namin ay potable water dahil nagsisimula na yung cases ng diarrhea,” ayon kay Tecson. Aniya, aabutin ng mahigit dalawang buwan ang pangangailangan ng relief goods para sa mga residente ng Tanauan. Ganito rin ang naranasan ng mga residente sa bayan ng Palo. “Kahit na marami ang alam naming tumutulong, hanggang ngayon ay wala pang nakakarating sa amin. Kahit ang pamilya namin di pa alam kung ano sitwasyon namin kasi walang kuryente para makapag-charge ng cellphone, walang signal,” ayon kay Emily Divino, 36, ng Brgy. San Joaquin. Sa bayan naman ng Dulag, halos tatlong beses pa lamang silang nakatanggap ng relief goods mula noong bumagyo, nang mapuntahan ng Pinoy Weekly. “Nagtatanong yung ibang tao, kasi parang diskontento sila. May nababalitaan kami sa Maynila marami naman daw tumutulong dito… may internasyunal na tumutulong, pero di nakarating dito. Bakit ganito pa rin ang natatanggap namin? Kaya gusto lang namin malaman kung ano talaga?” ayon kay Rex Mahinay, isang opisyal ng barangay sa Dulag. Hindi pabor ang mga residente sa ginagawang pagbagsak lamang ng mga helicopter sa kanilang lugar ng mga relief goods dahil lalo lamang nagkakagulo at nagkakanya-kanya ang mga tao. Kapag bumagsak pa umano ang mga ito sa putikan, hindi na halos mapakinabangan lalo na ang bigas, ayon kay Bernardita Lacbayo, Municipal Population Officer ng Dulag. Maging ang mga nasa mismong Tacloban City, minimal din ang natatanggap na tulong sa gobyerno lalo na noong unang mga araw matapos ang bagyo. “Hindi ko na alam kung aasahan pa namin ang tulong ng gobyerno. Taun-taon sa mga bagyong nagdaan, wala namang ibinibigay na tulong sa amin,” ayon kay Alfredo Camonggay Jr., 49, magsasaka sa Brgy. 99 Diit, Tacloban City. Ang mga puno ng niyog na pinagkukunan niya ng kabuhayan ay nasira na ng bagyo. Ayon naman kay Noel Cabada, 55, opisyal sa Brgy. 31, Tacloban City at ngayon ay nasa Martinez compound na nasisilbingevacuation center para sa may 35 pamilya, ang mga recognized na evacuation center lamang umano ang binibigyan ng relief goods. Dagdag ni Cabada, umaalis ang iba sa Tacloban dahil sa mahirap talaga ang sitwasyon. Pero para sa mga walang pera at walang mapuntahan, wala silang ibang pagpipilian kundi ang manatili at maghintay ng tulong. “Kahit na may pera ka, kung halimbawa pupunta ka naman sa Maynila na malaki din ang gastos at wala kang katiyakan na pupuntahan, mahirap din. Kaya yung iba, talagang dito na lang nananatili,” ayon kay Cabada. Relief goods, pahirapan at nawawala Ayon naman kay Fr. Cruzito Manding CSSR, sinasabihan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga residente na nasa evacuation center na bumalik sa kanilang mga bahay para ma-decongest ang mga ito. Pero ang problema, wala na silang bahay. “Hindi kami namamahagi ng tulong dito sa simbahan dahil dudumugin kami ng mga tao. Sa mga barangay kami namimigay. Ang problema, gasolina at transportasyon dahil marami namang mabubuting tao na gustong tumulong. Dapat nagbibigay man lang ang gobyerno ng libreng transportasyon para sa mga tumutulong,” ayon kay Fr. Manding.
Sister Theody habang hawak ang resibo na di niya pinirmahan dahil kulang umano ang relief goods. (Pher Pasion)
Ganito rin ang naging daing ni Sis. Theody Bilocura, OSB ng makapanayam ng Pinoy Weekly sa Ormoc. Aniya, may nangongolekta pa umano ng butaw para sa mga relief goods na dumarating sa pier sa Ormoc. Mahirap din umano kunin ang relief goods dahil dumadaan pa ang mga ito sa Energy Development Corp (EDC).“Nagbayad ako ng halos P2,000 para sa mga resibo. Apat na resibo yun. Kahit yung mga pamilyang may dalang relief para sa mga kapamilya nila, hirap makakuha,” ayon kay Sister Theody. Dagdag ni Sis. Theody, kulang umano ang unang natanggap nila na relief goods. Sa isang pagkakataon, 21 na kahon dapat ang matatanggap nila pero 13 lamang ang nakarating. Nang makausap nila ang sundalo, dinala daw ito sa malayong barangay ng Tongonan, Ormoc. “Sabi nung sundalong nakausap ko, tinago lang daw nila para ibigay sa amin. Pero paano ibibigay sa amin kung dadalhin doon sa bundok? Tapos nakita namin, nakabukas na ‘yung mga relief goods. Kinuha lang daw nila yung tubig dahil nauhaw sila,” ayon kay Sister Theody, nang kanilang puntahan ang mga nawawalang relief goods. Sa pangalawang pagdating ng relief goods, hindi na pinirmahan ni Sister Theody ang resibo na ibinigay sa kanya dahil maydiscrepancy na naman umano sa resibo. Dalawang generator sets ang kasama umano sa mga nawawala. “Maraming mga tao at NGOs na gustong tumulong pero pinatatagal nila ang proseso,” ayon kay Sister Theody. Aminado rin si Fr. Manding na panandalian at pantawid gutom lamang ang relief goods na ipinamimigay. Mas kailangan pa rin ang pangmatagalang solusyon sa mga nasalanta. Gobyerno, hindi naging handa Sa pangkalahatang obserbasyon ni Nestor Lebico, Sr, pangkalahatang-kalihim ng Samahan ng mga Maliliit na Magsasaka – Silangang Bisayas (Sagupa-SB), hindi naging handa ang gobyerno sa pagdating ng bagyo. May kapabayaan din ito sa mabagal na pamimigay ng relief goods, pagsasaayos ng mga kalat sa kalsada, at maging sa pagkuha at pagbilang sa mga bangkay. Marami pa rin ang hindi narerekober na bangkay, na natatabunan pa rin ng mga debris. Nangangamoy na ang mga ito. Sa pag-iikot ng Pinoy Weekly, makikita pa rin ang mga bangkay sa tabi ng kalsada, na hindi pa rin nakukuha halos dalawang linggo pagkatapos ng bagyo. Nangangamba ang mga residente sa mga sakit na maaaring makuha sa maruming paligid, lalo na ng mga bata. (Basahin ang kaugnay na artikulo)
Nasa tabing kalsada pa rin ang mga patay sa Tacloban City halos dalawang linggo matapos ang bagyo. (Pher Pasion)
“Nangangailangan ng mabilis na aksiyon ang gobyerno para matugunan ang mga pangangailangan ng tao. Dapat maging seryoso ito,” ayon kay Lebico.Aniya, nagpupunta nga sina Pres. Noynoy Aquino at maging si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas sa Hilagang Bisaya pagkaraan ng bagyo, pero wala namang signipikanteng nagawa. Ikinababahala din ni Lebico ang pagdating ng tropang Amerikano. “Tiyak na gagamitin nila ang sitwasyon para mabigyan ng hustiya ang kanilang pagpasok sa bansa, at isulong ang sarili nilang interes sa Timog-Silangang Asya,” pangamba ni Lebico. Makikita ang napakaraming bilang ng mga tropang Amerikano sa paliparan ng Tacloban noong panahong iyon. Matagalang pagbangon Dahil sa tindi nang naging epekto ng Bagyong Yolanda, hindi alam ng mga naapektuhan kung paano babangon. Bagama’t tila naging pantay-pantay ang bawat isa sa sinapit sa trahedya, panandalian lamang ito. “Yung mga may-kaya o nakakaangat sa buhay, maaaring mas mabilis ang kanilang pagbangon. Pero sa mga mahihirap na mamamayan, lalo na ‘yung sa mga urban poor at magsasaka na wala pa ring sariling lupang sinasaka, mas magiging mahirap para sa kanila,” ayon kay Lebico. Para naman kay Tecson, buo pa rin ang kanyang pag-asa na makakabangon sila. Pero kakailanganin umano nila ng tulong mula sa labas. “Ang pinakaapektado talaga yung mga nandito sa bayan, ‘yung mga hindi sanay sa one meal a day. Yung iba na sanay sa one meal a day ang problema nila yung tirahan. Pero dito sa bayan wala, wala lahat… Matagal-tagal pa ito,” ayon kay Tecson. Naniniwala din si Fr. Manding na kailangan ang pakikipagtulungan, dahil matatagalan bago maging normal uli ang sitwasyon sa mga nasalantang lugar sa Kabisayaan. “Kailangan nating ipakita ang compassion and charity para sa mga kababayan natin. Kailangan din ng hustisya para sa mga nasalanta,” aniya. Alam ng mga nasalanta na ang susunod na mga araw ay hindi na magiging tulad ng dati, matapos tangayin ng bagyo ang kanilang mga mahal sa buhay, at halos lahat ng kanilang ari-arian. Bagama’t tiyak na makakabangon, hindi nila alam kung paano. Ang alam lang nila, sa ngayon, lalong pinalalala ng gobyerno ang sitwasyon, sa kapabayaan nito sa kanila bilang mga mamamayang Pilipino. Iba pang mga larawan sa Tacloban City, Ormoc, Palo, Tanauan at Dulag sa Leyte: |
No comments:
Post a Comment