Posted: 14 Nov 2013 08:20 AM PST
Pagkatapos manalanta ng superbagyong “Yolanda,” napansin ko ang isang meme sa Facebook na nagsasabing “Shhh… Tumulong ka na lang.” Katabi ng teksto ang larawan ng gutay-gutay na bandila ng Pilipinas na nakatanaw sa isang pamilyar na eksena ng napinsala ng bagyo. Madaling isiping tuligsa ito sa mga nagyayabang o nagsasamantala ng kanilang pagtulong sa mga nasalanta. Sa karanasan, gayunman, pampapahiya at hindi malamyang “Shhh” ang inaabot ng mga pulitiko, halimbawa, na nagbabalandra ng pangalan at larawan sa pagtulong. Mas may batayang isiping tuligsa ito sa mga nagkokomento o namumuna sa iba’t ibang usapin kaugnay ng kalamidad – pangunahin, madalas, sa kapalpakan ng gobyerno, lalo na sa paghahatid ng tulong sa mga apektado.
Kung gagamitin laban sa mga nagyayabang sa pagtulong, humahalaw ito ng lakas sa Kristiyanong paniniwala sa tahimik na pagtulong na hindi nakikita ng kapwa-tao pero nakikita ng Panginoon. Pero kung gagamitin sa mga nagkokomento o tumutuligsa, humahalaw ito ng lakas sa lohika sa mga panahon ng emergency – personal o pulitikal, pero lalo na sa panahon ng gera – na ang turing sa mga nagsasalita pa, lalo na sa mga kumokontra, ay hindi nakakatulong o sagabal pa nga. Bagamat bago ang meme, hindi na bago ang sentimyentong ikinakalat nito. Sa kasagsagan at pagkatapos ng mga bagyo at iba pang disaster, pinapatahimik – kadalasan ng mga nagpapakilalang kampeon ng demokrasya – ang mga tumutuligsa: Tsaka na lang, o huwag na lang, daw magsalita. Duguan ang kamay ng ideolohiyang nasa likod ng meme na ito. Naliligo ito sa dugo ng mga biktima ng superbagyong Yolanda at iba pang disaster sa bansa. Isa ito sa mga responsable sa matinding pinsalang idinudulot ng mga disaster sa ating mga kababayan. Ang katahimikang ipinapataw nito sa mga tumutuligsa ay karugtong ng katahimikan ng sementeryong ipinapataw nito sa mga biktima ng disaster. Nagsisilbi ito sa mga nasa gobyerno at sa elite ng bansa, at maipagpapalagay na mulat nilang pinapalaganap. Noong sinabi ng Kalikasan: People’s Network for the Environment na walang leksyong natutunan ang gobyernong Aquino matapos ang maraming krisis-disaster, naipapaalala nito na laging pinapatahimik ang mga naghahanap ng mga leksyon sa mga disaster. Masdan ang tugon ng gobyernong Aquino sa Yolanda: sa esensya, ordinaryong tugon sa ekstraordinaryong Signal No. 4 na bagyo. Bago ang bagyo: Babala sa tindi at panawagan ng evacuation kasabay ng matikas na paggarantiya na nakahanda ang pamahalaan. Habang nagaganap: Kumpyansang pagsasabing magiging kaunti lang ang pinsala. Pagkatapos: Pagdalaw sa mga lugar na apektado at pagpapamidya ng pagtaya sa pinsala. Hindi sineryoso ng gobyernong Aquino ang sariling babala: Halatang inasahan nitong katulad ng mga naunang bagyo lang ang Yolanda. Inakala nitong lilipas din sa balita ang isyu tungkol sa pinsala. Napalampas ni Noynoy ang pagkakataong makabangon sa tatak na Pork Barrel King; lalo niyang ibinabaon ang sarili niya sa galit ng mga mamamayan. Nitong nakaraang mga taon, ilang beses nang nagsilbing panggising, pang-alerto, kung hindi man pang-alarma, ang mga disaster na hindi na tayo pwedeng magtiyaga sa bulok na sistema ng paggogobyerno sa bansa. Pero ang mga panggising na iyan ang laging nilulunod ng ideolohiya ng meme na “Shhh… Tumulong ka na lang.” Pinababalik nito ang mga kababayang namumulat sa agad na paghimbing, ikinakanal ang malasakit nila sa pagbibigay ng donasyon o pagtulong sa repacking ng mga ito, at ipinagpapalagay na magiging maayos ang lahat. Nagsisilbi itong unang linya ng depensa ng climate change, pagwasak sa kalikasan, kriminal na kapabayaan ng gobyerno, pagkurakot sa pondo sa disaster, at iba pang suliraning panlipunang tumatampok dahil sa mga disaster. Isa ang ideolohiyang ito sa masisisi kung bakit tumigas nang tumigas ang konsepto ng Estado na isinabuhay ng gobyernong Aquino sa harap ni Yolanda: tagapagbigay ng babala, tagapagsinungaling tungkol sa mga paghahanda, tagapag-utos sa mga lokal na pamahalaan. Tila neoliberal ito, pero mas masahol na pang-Third World. Sintomas na pork barrel ang tampok na isyu bago humambalos si Yolanda: Estado itong hindi makaangkop para maigting na maghanda sa pagdating ng bagyong ekstraordinaryo dahil nahutok sa tanging ginagawa, ang payamanin ang iilang elite sa panahong pre-kalamidad o ordinaryo. Maagap na impormasyon at evacuation, pagtatayo ng matatag na evacuation centers, nakaimbak na relief goods – ni wala ito sa hinagap ng gobyerno. Anu’t anuman, ipinapahiya ang meme ngayon ng nagpapahiya rin sa gobyernong Aquino: ang tindi ng pinsalang dulot ni Yolanda, partikular ang krisis humanitarian sa mga lugar na apektado; ang kawalan ng pagkain, tubig, gamot, gatas at kuryente sa mga ito. Sa ganitong kalagayan, lutang na lutang ang kapalpakan ng gobyernong Aquino na ihatid ang relief goods sa napakaraming nangangailangan. Marami ang tahimik na tumulong at nagbigay, bumuhos na rin ang donasyon mula sa ibang bansa, pero kasuklam-suklam na marami pa ring survivor ang hindi nakakatanggap ng relief goods. Lantad na salot ang “Shhh… Tumulong ka na lang” dahil ang kailangang tulong ay ang mag-ingay at kalampagin ang gobyernong Aquino na ihatid ang relief sa mga apektado. Shhh…. Tumulong ka na lang? Makibaka…. Relief now! 15 Nobyembre 2013 |
No comments:
Post a Comment