Posted: 24 Nov 2013 05:24 AM PST
Nalalapit na ang pagdiriwang sa ika-150 kaarawan ng dakilang bayaning si Gat Andres Bonifacio, isang rebolusyonaryong lumaban sa kolonyalistang Espanya sa pamamagitan ng armadong paghihimagsik.
Manining ang buhay at pakikibaka ni Andres Bonifacio. Ipinanganak siya sa Recto (dating Azcarraga), Tondo, Manila ng mag-asawang Santiago Bonifacio (sastre o mananahi) at Catalina de Castro (magrorolyo ng tabako). Panganay sa limang magkakapatid (Ciriaco, Procopio, Espiridiona, Troadia at Maxima) si Gat Andres. Napilitang huminto siya sa pag-aaral nang nasa ikatlong taon sa hasykul, ayon kay Pio Valenzuela na kasama niya sa pagtatatag ng Katipunan, dahil magkasunod na namatay ang kanilang mga magulang noong 1881. Dahil sa maagang pagkaulila, tulung-tulong silang magkakapatid sa paggawa ng mga baston na may dibuho at inilalako sa Intramuros at mga karatig-pook. Sa tala ng mga historyador, bagamat hindi nakapagpatuloy ng pag-aaral si Andres, nagsikap siyang mag-aral. Patunay dito ang natuklasang lihim na aklatan niya sa bodega ng Fressel & Company, kompanyang kanyang pinasukan bilang bodegero. Kasama sa mga aklat ang sulatin nina Judio Errante, gayundin ang Ruinas de Palmira, Bibliya, Vida de los Presidentes de los Estados Unidos, Derecho Internacional, Codigo Civil, at Codigo Penal. Binasa niya pati ang Les Miserables ni Victor Hugo. At siyempre, ang dalawang nobela ni Jose Rizal aang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Kaanib din si Andres sa Samahang Dramatista at kasama sa pagtatayo ng Teatro Porvenir o Teatro ng kinabukasan. Gumanap siyang aktor sa mga dulang moro-moro kasama ang iba pang rebolusyonaryo tulad nina Macario Sakay at Guillermo Masangkay. Sa pagganap niya sa iba’t ibang katauhan sa entablado, nahasa ang husay ni Andres sa pananalita. Isa rin si Andres na mapagmahal na asawa, ayon sa mga historyador. Hindi niya iniwan ang una niyang asawa na si Monica na namatay dahil sa ketong. Samantalang ang pangalawa niyang asawa na si Gregoria de Jesus (Oryang at Lakambini) ang naging katuwang at kasama sa pakikibaka. Rebolusyonaryong manggagawa Sa kasalukuyan, may mga bagong historyador na nagsasabing di raw nagmula sa uring manggagawa si Andres. Mataas daw ang kinikita niya (12 piso hanggang hanggang 20) sa karaniwang manggagawa noon. Hindi mapapasubalian na galing sa uring manggagawa si Andres. Unang nagtrabaho sa Fleming & Company bilang utusan si Andres at kalaunan naging clerk, mensahero at ahente ng mga produkto tulad alkitran, yantok at iba pa. Kalaunan, lumipat siya sa Fressel & Co. at naging bodegero (warehouse keeper). Maliban dito, tuloy pa rin ang kanyang paglalako ng baston para matustusan ang pangangailangan nilang magkakapatid, dahil kapus ang kita niya bilang bodegero. Gayundin, gumawa siya ng mga pantatak sa mga damit at karatulang palatastas para sa mga kompanyang komersiyal dahil mahusay siya sa calligraphy at penmanship. Kasama si Andres sa nagtatag ng Kataastasang Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o Katipunan) noong Hulyo 7, 1892. Kasama niya sina Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Valentin Diaz, Ildefonso Laurel at Deodato Arrelana. Hindi si Andres ang unang Supremo ng Katipunan (Deodato Arellano ang una at ikalawa si Roman Basa). Pero sa panahon na naging Supremo si Andres noong 1895, bumilis ang pagrekluta at lumawak ang kasapian ng Katipunan sa buong bansa. Kasama ni Andres si Emilio Jacinto na sumulat sa Kartilya ng Katipunan. Mahusay na pinamunuan ni Andres Bonifacio ang rebolusyon ng Katipunan. Pero naputol ito nang akusahan siyang taksil matapos ang Tejeros Convention. Sa eleksiyon, natalo si Bonifacio ni Emilio Aguinaldo bilang pangulo, ngunit nahalal naman si Andres bilang direktor ng interyor. Tinutulan ni Daniel Tirona ang pagkakahalal ni Andres at hiniya pa sa kumbensiyon na walang pinag-aralan, dapat daw na isang abogado ang tumangan sa nasabing puwesto. Sa tala ng ilang historyador, may naganap na pandaraya sa naganap na eleksiyon kaya nanalo si Aguinaldo kahit ito’y wala sa kapulungan. Dahil sa kaguluhan sa kumbensiyon, ipinawalng bisa ni Andres Bonifacio ang eleksiyon at umalis sa bulwagan. Ilang araw matapos ang kaguluhan sa Tejeros Convention, ayon sa mga historyador kinubkob ng mga tauhan ni Aguinaldo sina Andres Bonifacio sa Limbon, Indang, Cavite, habang nagpapahinga at naghihintay ng suplay para makabalik sa Montalban, Rizal. Dito nahuli si Andres at kapatid niyang si Procopio na pawang sugatan matapos silang pagtatagain at barilin, agad din na napatay ang isa niyang kapatid na si Ciriaco. Nilitis at pinarusahan ng kamatayan sina Andres at Procopio. Sa bundok ng Magpatong/Buntis, isinagawa ang hatol na kamatayan sa magkapatid. Unang pinatay si Procopio at isinunod si Andres na matapos mapatay, pinagputol-putol ang katawan at inilibing ng mababaw sa tabi ng isang ilog. May pagdiriwang nga ba? Sa ika-30 ng Nobyembre ang dakilang kapanganakan ni Andres Bonifacio. Pero tulad ng nakasaad sa kasaysayan, lubhang minamaliit ang kontribusyon niya sa paglaban sa mga mananakop at sa kalayaan ng bayan. Hindi tulad ng ibang bayani na bongga ang selebrasyon, walang maririnig o makikitang paghahanda sa araw na ito. Karamihan sa mga marker o monumento ni Andres Bonifacio ang napapabayaan na, gayundin ang mga mensahe sa mga markerna nagsasabing taksil siya sa bayan. Maliban dito, may mga bagong pananaliksik na kumukuwestiyon sa pagkatao niya. Sinasabi sa bagong saliksik na hindi itak kundi rebolber ang paboritong sandata ng Supremo. Pero hindi naman nila sinasabi na anumang sandata ang ginamit niya, ang mahalaga, na tanging armadong paglaban ang magpapalaya sa bayan na kanyang pinasimulan hindi sa reporma. Kahit sa kasuutan, hindi daw camiso de chino ang paborito niya kundi Amerikana. Sa panahong iyon, namamayagpag ang mga Espanyol at imposibleng Amerikana ang usong kasuotan noon. Pero ayon sa mga historyador ang tanging larawan na natira ni Andres Bonifacio, ang larawan nila ng kanyang asawang si Oryang noong sila’y ikasal, na isang pormal na pagtitipon. Karamihan daw sa kanyang personal na gamit ang sinira o sinunog ng mga galit sa kanya. Hindi ba’t sa lumang dalawang pisong papel lang inilagay ang larawan ni Andres Bonifacio na nawala na sa sirkulasyon? Ilan lamang ito sa mga paglabusaw sa imahe ni Andres Bonifacio, marahil dahil sa kanyang paninidigang kailangang palayain ang bayan mula sa pananakop ng mga dayuhang bansa. (Mga larawan kuha ni Boy Bagwis at Macky Macaspac)
Ang larawan ng bahay na pinagdausan ng Tejeros Convention at ang aktuwal na lugar na dating kinatatayuan nito.
Para sa mga nais bumisita at aralin ang buhay at pakikibaka ni Andres Bonifacio, maaring makipag-ugnayan sa Bonifacio 150 Committee |
No comments:
Post a Comment