Posted: 08 Nov 2013 04:31 PM PST
Buti naman at hindi pa sinasabi ni Pangulong Noynoy Aquino na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang may kasalanan sa pagdating ng bagyong Yolanda (Haiyan) ngayong linggo. Kung sabagay, duda ako kung may mapagbubuntunan siya ng sisi sa pagtahak ng bagyong wala naman sa kontrol ninuman.
Pero tandaan nating iba ang bagyo’t kalikasan sa trahedyang iniiwan nito. Kailangang maging maingat sa paggamit ng mga katagang “hagupit ng bagyo” o “pananalasa ng kalikasan” sa paglalarawan ng pagbaha at pagkasira sa mga bahay at ikinabubuhay ng maraming mamamayan. At kung sakaling magkaroon ng pagkamatay ng ilang kababayan, huwag sanang palabasing kalikasan ang may kasalanan. Ipinanganak at lumaki tayo sa isang bansang binibisita ng mga bagyo taon-taon. Kung sa tingin mo’y parati tayong “sinasalanta” ng mga ito, kailangang tandaang nagreresulta ang anumang trahedyang kinakaharap ng karamihan sa mga bagay na subhetibo at obhetibo. Pangunahing salik ang kapabayaan ng ilang nasa kapangyarihan at ang pagpapatuloy ng panlipunang sistemang pinapakinabangan lang ng iilan. May subhetibong katangian ang kapabayaan ng ilang opisyal sa gobyerno dahil may kinalaman ito sa kanilang kapasidad na mamuno, pati na ang sinseridad sa pagtugon sa pangangailangan ng mga naghihirap na mamamayan. Sa obhetibong antas naman, nasa bentahe ng iilan ang pagkakaroon ng panlipunang sistemang direkta nilang pinapakinabangan. Kahit na hindi ito akma sa karamihan, pinapanatili ng mga nasa kapangyarihan ang estrukturang nagpapayaman sa iilan kahit na nagpapahirap ito sa karamihan. Ang ganitong argumento ay hindi po walang-lamang retorika ng isang walang-magawang aktibista. Kung susuriin nang malaliman, maiuugnay ang subhetibo at obhetibo sa trahedya at bagyo. Sa konteksto ng tinaguriang “disaster risk reduction and management” (DRRM), kapansin-pansin ang pagsasamantalang ginagawa ng ilang nasa kapangyarihan para makakuha ng publisidad bunga ng mapagkunwaring pagtulong. Dahil sa kanila, nagkaroon na ng politikal na kahulugan ang salitang “epal.” Ang pagiging epal (o mapapel) kasi ay makakapagpaliwanag, halimbawa, sa pagpapakuha ng larawan o bidyo sa pamimigay ng relief goods at paglalagay ng pangalan sa bawat bagay na ipinamimigay sa mga biktima ng trahedya. Sino ba sa atin ang hindi magagalit sa sitwasyong natatagalan ang pamimigay ng kinakailangang tulong dahil hindi pa dumarating ang politiko? Sino ba sa atin ang hindi mapapakamot ang ulo sa bangayan ng ilang nasa kapangyarihan kung sino sa kanila ang dapat mamigay ng relief goods? May direktang kaugnayan ang “panliligaw” ng ilang politiko sa layunin nilang manatili sa kapangyarihan. Kaya nga hindi nakakagulat na ang mga may planong tumakbo sa darating na eleksiyon sa 2016 ay parating “nagpaparamdam” para ipakitang may ginagawa sila. Para sa mga nag-aambisyong maging susunod na Pangulo ng Pilipinas, nangangahulugan ito ng pagpunta sa mga lugar ng trahedya para diumano pamunuan ang pagtulong sa mga mamamayan. Wala namang problema sa pagkalinga sa mga biktima. Pero hindi maiiwasan ang kolektibong pagdududa lalo na’t bitbit ng ilang politiko ang midya. Nagmumukha namang “makapangyarihan” at “guwapo” si Pangulong Aquino kung magdedeklara siya ng state of emergency at ipagkakalat ang desisyon ng agarang paglabas ng kinakailangang pondo para sa mga apektadong lugar. Posible pa ngang gamitin ni Aquino ang pagkakataon para sabihing kinakailangan ang kanyang discretionary powers para matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng mga biktima ng trahedya. Sa kontekstong ito, kapansin-pansin ang oportunismo para pabanguhin ang hindi katanggap-tanggap na Development Acceleration Program (DAP), isang mekanismong bahagi diumano ng tinatawag na presidential pork barrel. Sa halip na ilaan ang kinakailangang pondo sa mga ahensiyang direktang nangangasiwa sa relief and rehabilitation, pati na rin sa mga lokal na pamahalaan, nais gamitin mismo ni Pangulong Aquino ang kaban ng bayan para makamit ang politikal na adyenda ng mga kaalyado niya. Nagdesisyon man si Aquino na buwagin na ang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel ng kongreso, may mekanismo pa rin sa mga miyembro ng Senado at House of Representatives para magrekomenda ng mga nais nilang proyekto. Kung susuriin ang pahayag ni Aquino, hindi raw siya dapat pag-initan dahil hindi naman daw siya inaakusahang nagnanakaw ng pondo ng bayan. Pero kung susuriin ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa Pilipinas, hindi ba’t isang porma ng pagnanakaw ang nangyayaring pagpapahirap sa mga dati nang mahirap? Hindi kakaiba ang ginagawang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pagkakait ng karapatang dapat nasa karamihan! Kung tutuusin, simple lang naman ang pangarap ng maraming mamamayan – ang magkaroon ng mga batayang karapatan sa edukasyon, trabaho, pabahay at iba pang makapagbibigay ng ginhawa sa buhay. Dahil sa walang malinaw na programa para sa kaligtasan ng mga ordinaryong mamamayan, nagkakaroon ng maraming biktima sa gitna ng malakas na bagyo. Pero ang trahedya ay higit pa sa natural na kalamidad dahil matindi rin ang epekto ng kasalukuyang kalakaran ng lipunan. At para tuluyang mawala ang malupit na trahedya, kinakailangang baguhin ang mapanupil na sistema. Muli, ang ganitong klase ng argumento ay hindi walang-lamang retorika ng isang walang-magawang aktibista. Sapat nang ebidensiya ang kasaysayan ng Pilipinas para malaman ang dahilan kung bakit patuloy ang kultura ng protesta sa ating bayang patuloy na pinagkakaitan ang karamihan. Kahit kailan, hindi puwedeng sabihing ang bagyo ay masama at ang panahon ay masungit. At lalong hindi puwedeng iugat sa simpleng kasamaan o kasungitan ng ilang opisyal ng gobyerno ang pangkalahatang pagkukulang sa pagtulong sa mamamayan. Sa gitna ng malakas na hangin at matinding ulan, panahon na para isulong ang panlipunang sigwa. Ito ang nararapat na kolektibong tugon sa trahedya ng pamamahala.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com
|
No comments:
Post a Comment