Monday, November 18, 2013
Jose Corazon de Jesus | HINAGAD NI BONIFACIO
HINAGAD NI BONIFACIO
ni Jose Corazon de Jesus
Isang gabing hatinggabi na malamig at malungkot
sa nayon ng Balintawak ang bantayog ay kumilos;
bumaba sa kinalagyan, lumibot sa mga pook,
na hawak di’t nasa kamay ang Watawat at ang Gulok.
Dinalaw ang mga pook na sumaksi nang nagdaan
sa madugong pangyayari, sa madugong paglalaban.
“Nahan kayo? Nahan kayo kabataan nitong bayan?
Nahan kayo mga lilong pulitikong salanggapang?”
“Ako kaya naging sawi’y sa pagtuklas ng paglaya,
naputol ang hininga ko sa parang ng dugo’t luha;
kayong aking nangaiwan sa mithiing ating nasa,
nahan kayo’t di magbangon sa hihigang mapayapa.”
Lumawig ang hatinggabi at dumating ang umaga,
ang araw ay ngumiti ring tila bagong kakilala;
at sa dakong Intramuros nitong s’yudad de Manila
ay nakita ang maraming pulitikong naghuhunta.
“Ano, ating tanggapin na ang Bill Fairfeld na may taning?”
Mayr’ong sumagot ng “hindi,” may sumagot na “tanggapin.”
Anupa’t ang bawat isa’y di malaman ang layunin,
kung tanggapin o kung hindi iyang lintik na bagong bill.
At ang mga nagtatalong pulitiko ay nagitla
nang si Andres Bonifacio ay lumipat sa kanila:
“Alinlangan pa ba kayo sa Paglayang kinukuha?
Ano’t kayo ay papayag, nasaan ang inmediata?”
“Kaming mga nakilaban sa ngalan ng kalayaan
ay namatay at nabaon sa paglayang madalian.
Hindi namin hinihingi ang taningan at takdaan,
ito’y ating Kalayaa’t katuwiran ang ibigay.”
“Mangahiya kayo niyang naturingang mga lider,
ang damdamin nitong baya’y di pa pala nalilining.
Ano’t inyong itatanong ay sinabi na nga namin,
ang paglayang nais namin ay ngayon din at ngayon din?”
“Kung di ninyo makukuha at kayo ay natatakot,
sa duwag na mga tao’y walang layang maaabot.
Mabuti pa’y ako na nga ang sa inyo ay umumog
upang kayong diwang taksil sa bayan ko ay maubos.”
At ang mga pulitikong medyo hindi medyo oo
sa pagtanggap ng Bill Fairfeld, hinagad ni Bonifacio.
Nang mahuli’t malapat na ang taksil na pulitiko,
ang estatwa’y nanauling batong nasa monumento.
No comments:
Post a Comment