Posted: 25 Oct 2013 12:32 PM PDT
LUNGSOD TABACO, Albay (Oktubre 25, 2013) – Sadyang mainam bumalik sa lugar na medyo tahimik at payapa. Kahit na ang pansamantalang pagbisita ay hindi “tunay na pamamahinga,” iba pa rin ang dulot sa katawan ng preskong hangin sa isang probinsiya.
Sa pamantayan ng katulad kong ipinanganak at lumaki sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila, mistulang paraiso ang Tabaco. Sa pangkalahatan, walang trapik, mura ang mga bilihin at magalang ang mga tao. Para sa katulad kong nagkukunwaring makata, kapansin-pansin ang talinhagang hatid ng kapayapaan sa isang lugar na kilala sa paggawa ng tabak. Kung susuriin nga naman ang kasaysayan ng lugar, lumalabas na ipinangalan ang Tabaco sa sandatang naging prominente noong panahon ng pag-aaklas laban sa mga Kastila, Hapon at Amerikano. Pero sa paglipas ng panahon, ang sandata ng armadong pakikibaka noon ay naging instrumento na sa pagsasaka ngayon. Ginagamit ang tabak, halimbawa, sa pag-alis ng damo, pagputol ng halaman at pag-ani ng bunga. Opo, mayroon pa ring kanayunan sa kalunsuran. Makikita ang mga industriya’t serbisyo sa mga lugar na malapit sa plaza. Kapansin-pansin naman ang mga agrikultural na lupain sa iba’t ibang baranggay ng Tabaco. Tila nasa “denial stage” ang pagiging siyudad ng lugar. Halimbawa, patuloy pa rin ang ilang residente, lalo na ang matatanda, sa paggamit ng terminong “munisipyo” sa dapat na tinatawag na ngayong “city hall.” Kung ako ang tatanungin, mainam na magpatuloy ang agrikultural na gawain sa Tabaco kahit na nangangahulugan ito ng pagpapatuloy ng “denial stage” bunga ng nagreresultang krisis sa identidad. Agrikultura ba o industriya? Hindi dapat mamili dahil puwede namang estratehiya sa pang-ekonomiyang pag-unlad ang kombinasyon ng dalawa. Sa katunayan, ito ang plano naming mag-asawa sa aming pagreretiro sa Tabaco – ang magtanim sa gitna ng kalunsuran. Masasabing “matagalang pakikibaka” ang pag-iipon ng pera para mabili ang lupang pagtatayuan ng bahay na gagamitin namin sa pagreretiro. Dalawampung taon pa bago kami umabot sa edad na 65, ang mandatory retirement age sa Pilipinas, pero mainam na pagplanuhan na ang bagay na ito ngayon pa lang. Noong bakasyon (Abril at Mayo) sa pamantasang pinagtuturuan ko, nagkaroon kami ng limitadong panahon para pangasiwaan ang permanenteng pagpapabakod sa aming lupa. At ngayon namang semestral break, ginamit naming mag-asawa ang oportunidad para tapusin na ang pag-aasikaso sa paglilipat ng mga titulo ng lupa sa aming pangalan. Matapos ang paulit-ulit na pagbiyahe nitong mga nakaraang buwan sa Legazpi at Tabaco para makipagtransaksyon sa Tabaco City Hall, Bureau of Internal Revenue (BIR) at Registry of Deeds (ROD) – bukod pa sa paminsan- minsang pakikipag-usap sa mga nagbenta ng lupa sa amin para sa iba pang dokumentong kinakailangan – naging matagumpay ang aming lakad ngayong buwan. Makukuha na kasi namin ang mga bagong titulo sa lupa sa susunod na buwan. Sa wakas, opisyal nang magiging amin ang lupang matagal naming pinag-ipunan! At kahit na sabihin mong mababaw ang aking kaligayahan, natutuwa pa rin akong tapos na ang aming paulit-ulit na pagbisita sa mga ahensiya ng gobyernong kung ano-ano ang hinihingi para lang mailipat sa pangalan naming mag-asawa ang mga titulo ng lupang binili namin. Bagama’t magalang ang nakaharap naming mga kawani ng city hall, BIR at ROD, sa tingin ko’y may malaking problema ang burukrasya sa sitwasyong nahihirapan ang mga katulad naming may limitado lang panahon para makipagtransaksyon sa gobyerno. Isipin mo na lang: Dahil hindi direktang tumatanggap ng bayad ang mismong BIR para sa capital gains tax at documentary stamp tax, kinailangan pa namin noong bumiyahe sa pinakamalapit na accreditedna bangko dala-dala ang medyo malaking pera. At kahit na puwedeng magbayad direkta sa Tabaco City Hall at ROD, cash lang ang kanilang tinatanggap at hindi puwede ang credit card transaction. Muli, kinailangan naming magdala ng medyo malaking pera papunta sa mga ahensiyang ito. Alam nating lahat na may problema ang mga sitwasyong ganito sa personal na seguridad. Pero kung may pribadong negosyong napayaman kaming mag-asawa, ito ay walang iba kundi ang mga nagpapa-photocopy ng mga dokumento. Sa bawat pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan, asahan mong kailangan ding magpakopya ng tatlo hanggang limang kopya. May kinalaman kaya ang limitadong badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan sa paghingi hindi lang ng orihinal na kopya ng mga dokumento kundi ng ilan pang kopya ng mga ito? Sa ngayon, ayaw ko munang suriin ito. Kung mayroon kasi kaming pinag-iisipa’t pinagpaplanuhang mabuti, ito ay ang pagreretiro naming mag-asawa. Pagreretiro ang dahilan ng aming matiyagang pag-iipon, pati na rin ang masinop na pagtitipid. Gusto kong isiping normal para sa isang nagkakaedad nang katulad ko ang mag-isip ng bagay na ito. Pero ideyal din para sa isang nakababatang magplano nang maaga. Ang problema lang sa kasalukuyang lipunan, malayo sa “normal” ang ating pinansyal na sitwasyon ng nakararami kaya ang mas iniisip ay ang kagyat na pangangailangan ng pamilya. Saan ba kukuha ng pambili ng pagkain mamaya? Ano ang mangyayari kung natapos na ang kontrata sa pinagtatrabahuan? Paano ba mabibigyan ng magandang kinabukasan ang mga mahal sa buhay? Sa ganitong konteksto nagiging politikal na pakikibaka ang personal na pinagdaraanan ng nakararami. At ito ang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa rin ang tunggalian sa lipunang ginagalawan. Ang tabak na kasalukuyang ginagamit sa indibidwal na gawaing pang-agrikultura ay muling magiging simbolo ng kolektibong pakikibaka. Umunlad man ang teknolohiya, iba pa rin ang simbolismong hatid ng tabak na ginamit noon sa paglaban. Sadyang may limitadong katahimikan at kapayapaan sa lipunang nagbibigay lang ng limitadong espasyo sa pag-unlad ng nakararami. May plano ka ba sa malapit na hinaharap? Isipin mo rin sana hindi lang ang personal na pagreretiro kundi ang politikal na pagbabago.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
No comments:
Post a Comment