Posted: 27 Oct 2013 08:26 AM PDT
Vencer Crisostomo ng Anakbayan, sa Million People March sa Ayala Avenue noong Oktubre 4. (Macky Macaspac)
Nagpahayag ng suporta ang mga grupo ng kabataan sa nakaplanong people’s initiative laban sa pork barrel system na unang inahayag ni dating Chief Justice Reynato Puno.“Hinog ang panahon para isakamay ng mga mamamayan ang pagsasagawa ng batas dahil sa kapalpakan ng Kongreso na magpasa ng batas na magbabasura sa pork barrel system,” ani Einstein Recedes, national convenor ng Youth Act Now, isang alyansa ng iba’t ibang grupo ng kabataan. Matatandaang nagpanukala ang dating punong mahistrado sa mga nagpasimuno ng Million People Marchna gamitin na na nila ang Republic Act 6735 o ang Initiative and Referendum Law upang magpasa ng panukala ng batas na ibasuta ang anumang porma ng pork barrel. Naniniwala si Puno na “nawalan na ng awtoridad ang mga mambabatas na maging tagapagbantay ng kaban ng bayan.” Kasabay nito, sinabi naman ni Recedes na patuloy pa rin ang mga kilos-protesta at iba pang pagkilos kahit pa umusad ang people’s initiative. “Isa lamang sa mga magagawa natin ang people’s initiative para labanan ang pagpapatuloy ng pork barrel system. Hindi ito dapat hadlang sa mga pagkilos sa lansangan,” pagtatapos niya. Katunayan, nanawagan ang militanteng grupo ng kabataan, Anakbayan, sa iba pang mga grupong pangkabataan na pagsikaping makamit ang isang people’s uprising o pag-aalsang bayan kontra sa pork barrel. “Dapat mapabagsak natin ang tiraniya ng mga baboy. Nananawagan tayo sa kabataang Pilipino at mga mamamayan: Lumikha ng kasaysayan at pagtrabahuan ang pagkilos ng mas marami pang mga mamamayan sa kalsada, sa paigtingin ng mga protesta at pagkakaisa para sa isang pag-aalsa. Mag-alsa tayo kontra korupsiyon,” sabi ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan. Sinabi ni Crisostomo na sa pagpapabagsak ng kasalukuyang “tiraniya,” isang konseho ng mga “marangal, kontra-pork na mga personahe at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor” ang maaaring buuin. Papalitan umano nito ang kasalukuyang gobyerno at paparusahan ang mga mandarambong ng bayan. “Nasusuklam na ang mga tao sa kasalukuyang pangkatin ng mga pulitikong maka-pork. Sawang sawa na tayo sa korupsiyon, kahirapan at mapang-aping pamumuno ng iilan. Kailangan natin ng magsimula uli,” sabi pa niya. Sang-ayon din umano Anakbayan sa paggulong ng isang people’s initiative, dahil di na talaga maaasahan ang Kongreso o Malakanyang na ibasura ang pork barrel. “Ang pag-apruba ng panbansang badyet para sa 2014 at ang patuloy na pagdedepensa ng mga mambabatas maging ng gobyernong Aquino ay malinaw na nagpapakita ng pagka-adik sa pork (barrel) ng mga mambabatas,” aniya. Upang maisakatuparan ang inisyatiba, kinakailangang makalikom ng 10 porsiyento o humigit-kumulang 10 milyong rehistradong botante, at tatlong porsiyentong rehistradong botante bawat lehislatibong distrito. Kapag naabot ang rekisitong ito, maglulunsad ang Commission on Elections (Comelec) ng publikong mga diskusyon ukol sa panukalang batas at isasailalim ito sa isang referendum. Naniniwala ang mga grupo ng kabataan na may sapat silang bilang na lagda mula sa sektor ng kabataan na makukuha bilang suporta sa inisyatiba. “Makikita kahit sa datos ng) National Statistics Office na nasa 25 milyon ngayon ang mga kabataang Pilipino na may edad na 18 hanggang 30. Nasa amin ang bilang. Kailangan lang ang ibayong tulak sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagmomobilisa ng kabataan para makiisa sa inisyatibang ito,” paliwanag ni Recedes. Katunayan, aniya, nagimula na ang mga grupo ng kabataan sa ilalim ng Youth Act Now sa kampanya. “Excited na kami na lumahok sa malaking demokratikong pagkilos na ito,” sabi pa ni Recedes. |
No comments:
Post a Comment