Posted: 21 Oct 2013 12:33 PM PDT
Bukod sa pamumulitika ng isang pseudo-progresibong grupo sa pamantasan, higit na kapansin-pansin din ang papel ng administrasyon ng UP Manila sa gawa-gawang mga alegasyon na batayan ng isinumiteng resolusyon para sa pagpapatalsik sa University Student Council (USC) Chairperson ng UP Manila na si Mariz Zubiri.
Kung susuriin ang resolusyon, malaking bahagi sa mga alegasyon ay may kinalaman, direkta man o hindi, sa pakikitungo sa administrasyon, pagpapalagay nito’t mga reklamo, at mga kasalungat nitong pakahulugan sa papel ng mga lider-estudyante sa pamantasan at lipunan. Halimbawa, isa sa mga paratang ay hindi na karapat-dapat na maglingkod si Mariz bilang USC Chair dahil daw sa pagsigaw niya sa isang kawani ng Office of Student Affairs (OSA) matapos hindi payagang makapasok sa isang pulong na pag-uusapan ang polisiya tungkol sa freshies. Sumulat ang kawaning nasigawan. Diumano, sobra ang galit nito at nagbanta pang magdemanda, at nirerekomenda na bigyang aksyon pandisiplina si Mariz ng USC. Bakit kaya hindi na lang ito ikaso sa Student Discplinary Tribunal (SDT) kung talagang habol ang pagdedemanda? Dahil hindi lamang si Mariz ang nais nilang masira sa circus na ito, kundi maging ang tipo ng progresibong pamumuno na pinaninindigan ni Mariz bilang USC Chair. Tunay na maka-kabataan at maka-mamamayan siya, hindi pala-kompromiso at palaban, at makabayan. Ano pa nga ba’t banta ang isang maka-estudyanteng lider na gaya ni Mariz sa mga anti-estudyante polisiyang isinusulong ng administrasyon? Pati ba naman pagsasabi ng mga salitang “kaya namamatayan ang administrasyon ninyo!” sa isang pulong kasama ang OSA ay gagamitin laban sa kanya? Hindi ba’t totoo naman na ang mga polisiya ng administrasyon na “no late payment,” “STFAP,” at mataas na tuition ang pumatay sa kapwa nating iskolar ng bayan? At hindi ba’t pangunahin na responsibilidad ni Mariz bilang lider ay iparating ang mga hinaing nating mga iskolar ng bayan? Pero hindi naman na bago ang tala at kuwento ng panghihimasok ng administrasyon sa mga gawaing estudyante at pagtatangka nitong siraan ang mga progresibong lider sa komunidad ng UP. Maraming beses sa kasaysayan at sa hanggang ngayon ay nagpapatuloy, hindi lamang sa UP kundi sa iba rin, ang represyon ng mga administrasyon na bunga ng komersiyalisado at pasistang uri ng edukasyon sa bansa. Sa UP, ilang beses bang tinangka ng administrasyon na patalsikin ang mga Student Regent (SR) na naninindigan para sa mga iskolar ng bayan laban sa pagtaas ng matrikula, komersalisasyon sa pamantasan, at maging ang kawalan ng sapat na badyet ng UP. Nakalimutan na ba natin kung papaanong sa lahat ng pagkakataon na meron ito ay pinapahina nito ang mga konseho sa pamamagitan ng di paglalabas ng pondo o pagharang sa mga proyekto nito? Hindi lang naman ang mga progresibo at konseho ang biktima ng represyon ng administrasyon kundi maging ang mga publikasyon, mga mamamahayag sa pamantasan, at iba pang mga organisasyon. Hadlang kung ituring ng administrasyon ang mga maka-estudyanteng lider at organisasyon. Hindi naman nakakagulat dahil napatunayan naman na ito ang mga unang makakabangga ng administrasyon sa panahon na hindi nito kikilalanin ang interes at karapatan ng mga mag-aaral. Malinaw ang naging mga paninindigan ni Mariz bilang lider — pagpapabasura sa anti-estudyanteng polisiya ng STFAP, paggiit sa mas mataas na badyet mula sa administrasyong Aquino, pagtigil sa pagpapaupa at pagbenta ng lupa ng UP sa mga pribadong kompanya, pagsasatigil ng pribadongaccreditation ng UP Manila, maging ang pagpapabasura ng pork barrel ng Kongreso at ni Aquino, at marami pang iba. Ito ang gustong iwasan ng administrasyon — ang isang lider na malinaw ang mga paninindigan sa pagtitindig sa UP bilang pamantasan ng bayan. Kaiba at kasalungat ang pakahulugan ng administrasyon sa responsibilidad ng konseho, na madalas ay sang-ayon ang mga pseudo-progresibong grupo. Tinuring nila na ekstensiyon ito ng administrasyon sa mga mag-aaral at may pangunahing papel lamang nito na magsilbing tulay sa pagitan ng dalawa. Mula sa pagpapasa ng mga impormasyon ukol sa enrollment o suspension ng mga klase hanggang sa pagpapadalo sa mga proyekto nito — ganito lamang ang nakikitang bahagi ng administrasyon ng mga paaralan sa papel ng isang konseho. Kaya hindi nakakapagtaka na pati ang hindi pagpapapunta ni Mariz ng mga dadalo sa isang proyekto ng administrasyon ay ginagamit na dahilan sa pagpapatalsik sa kanya. Para sa mga progresibo, hindi ito ang pangunahing tungkulin ng konseho, kung hindi ang maging boses, kinatawan, at pangunahan ang laban ng mga mag-aaral. Kahit mismo sa mga usaping polisiya, hindi nakikita ng administrasyon ang bahagi ng mga konseho sa mismong pagbubuo nito at ng mga desisyon bilang kinatawan ng mga mag-aaral. Kung sa administrasyon ang konsultasyon ay pagbibigay –alam sa konseho ng mga bagong polisiya o halosinformation dissemination lamang, na minsan pa nga’y kasangkapan pa o rubberstamp student council ang dating, pakikipagtalakayan at pagiging bahagi ng pagbuo desisyon ang turing ng mga progresibong lider sa konsultasyon ng administrasyon hinggil sa mga polisiyang may kinalaman sa mga mag-aaral. Kaya’t nakakalungkot, kung hindi man nakakagalit, na kasangkapan ang pseudo-progresibong grupo na ito ng administrasyon sa represyon laban sa mga progresibong lider ng pamantasan. Walang ibang interes ang pinagsisilbihan ng pagpapatalsik na ito kundi pansariling interes lamang ng mga bahagi ng pseudo-progresibong grupo at ang administrasyon na nagsusulong ng anti-estudyanteng mga polisiya. Sa gitna ng lumalalang krisis sa bansa- sunod-sunod na pagsisiwalat sa mga isyu ng pagnanakaw ng mga nasa pamahalaan sa kaban ng bayan, gahiganteng pinsala ng lindol sa kabisayaan, at ang patuloy na kahirapan ng maraming Pilipino- walang puwang ang pamumulitika at pagiging kasangkapan ng represyon ng administrasyon para sa mga inihalal na mga lider ng mga mag-aaral para pangunhan ang laban ng kabataan at mga mamamayan. Iisa pa din ang maningning na payo’t panawagan- konseho ng mga iskolar ng bayan, paglingkuran ang sambayanan! |
No comments:
Post a Comment