Posted: 27 Sep 2013 10:32 AM PDT
Mapangahas ang pelikulang “The Guerrilla is a Poet” ng magkapatid na Sari at Kiri Dalena dahil sa mismong paksa nito: ang buhay ni Jose Maria “Joma” Sison, ang unang tagapangulo ng muling tatag na Communist Party of the Philippines.
Tulad ng maraming maling paniniwala sa kasamaan umano ng komunismo, malimit ilarawan si Joma sa mainstream na midya bilang terorista at kaaway ng demokrasya. Ngunit sa pelikula ng mga Dalena, ipinakilala si Joma bilang makata at mangingibig ng salita—malayo sa imahe ng isang awtokratikong pinuno. Sa ating pakiwari, magkahiwalay na mundo ang panitikan at digmaan; malimit nating naiisip na ang digmaan ay marahas habang ang pagtula ay isang maselang proseso. Kung kaya nga ang imahe sa atin ng manunulat at intelektwal ay si Rizal, habang ang mapusok na si Bonifacio naman ang mandirigma (ngunit maging si Bonifacio ay makata rin). Sa pamamagitan ng panitikan at sining, mas naipapahayag ng indibidwal ang kaniyang nararamdaman at naiisip, at sa madaling salita, ang kaniyang pagkatao. Halaw sa tulang “The Guerrilla is Like a Poet” ni Sison ang pamagat ng pelikulang “The Guerrilla is a Poet.” Maliban sa paghahalintulad ng mga katangian ng gerilya sa isang makata, maaaring ipagpalagay ang gustong ipabatid ng pamagat: na ang mga rebelde, una sa lahat, ay tao, at ang pagsusulong ng rebolusyon ay paggigiit ng pagkatao. Akma sa pamagat ang naging estilo ng mga Dalena—ang lirisismo ng tula ay isinalin sa lenggwahe ng pelikula. Kapwa matalas ang kasiningan ng magkapatid na Dalena na makikita sa mahusay nilang paggamit ng mayaman na kulay at tanawin ng kanayunan. Sa kabila ng karahasan ng digmaan, may mga pinupuslit na mga butil ng kariktan ang kanilang kamera. Tulad ng tula ni Joma, ipinamalas sa atin ng mga Dalena maging ang mga “kaluskos ng mga dahon at pagkabali ng mga sanga” sa pagparoo’t parito ng mga pulang mandirigma. Sa pamamagitan ng docudrama na format, binuo ng mga Dalena ang kuwento ng “The Guerrilla…” gamit ang mga memorya ng tatlong pangunahing tauhan ng pelikula: ang kay Sison, sa kanyang kabiyak na si Julie de Lima, at ang kay Bernabe “Ka Dante/ Payat” Buscayno. Naging pokus ng pelikula ang naging papel ni Sison sa muling pagtatatag ng CPP at ang paglakas nito sa harap ng pagtindi ng panunupil ng rehimeng Marcos. Bagamat sentro ng naratibo ang kuwento ni Sison, malaking bahagi ng pelikula ang nilaan sa pagpapamalas sa buhay ng mga pulang mandirigma na kaila sa marami sa ating mga tagalungsod. Maliban kay Joma, tampok din sa pelikula ang ilang kasapi ng New People’s Army (NPA) na kinilala lamang sa kanilang mga pangalan sa pakikibaka—sina Teresa, Cely, Antero at marami pang iba. Bagamat hindi sila sing-tanyag ni Sison, binigyang mukha nila ang marami pang ibang magigiting na indibidwal na inialay ang kanilang buhay para sa adhikaing higit sa kanilang mga sarili. Ilan din sa mga hindi malilimutang tagpo sa pelikula ay ang mga eksena ng lambingan nina Joma at ng kabiyak na si Julie at gayundin ang ugnayan sa pagitan nina Sison at ng unang kumander ng NPA na si Ka Dante. Hindi lamang asawa at tagasuporta ni Joma ang naging papel ni Julie sa rebolusyon. Katuwang, kaagapay at katabi sa pakikibaka ni Joma si Julie. Malayo ito sa pagsasalarawan ng pelikula kay Cory Aquino na tagahatid lamang ng kape sa mga bisita ng asawang si Ninoy Aquino, ang lider ng oposisyon noong rehimeng Marcos. Maliban kay Julie, palaban at matapang rin ang pagsasalarawan sa mga babaeng kasapi ng hukbo tulad ni Teresa. Malaki rin ang naging papel ni Ka Dante sa buhay ni Joma bilang pinuno ng NPA. Pinagbuklod ang buhay ng dalawa ng rebolusyonaryong kilusan bagamat malaki ang agwat ng pinagmulan nilang uri. Anak ng hasyendero si Joma, samantalang mula sa pamilya ng mga magsasaka si Dante. Nang tuluyan nang sumanib sa rebolusyon si Joma, tinalikuran niya ang maalwang buhay ng kaniyang pamilya at sinuong ang mapanganib na pamumuhay sa kilusangunderground. Buong giliw siyang tinanggap ni Ka Dante sa kanilang base upang itatag ang NPA at ilatag ang pundasyon ng digmang bayan sa kanayunan. Sa proseso ng pagpapalakas sa hukbo at sa partido, napagtibay nila ang kanilang personal na relasyon. Ayon mismo kay Ka Dante, kapatid na ang turing niya kay Joma. Sa mga eksena ng kanilang mga huntahan, hindi lamang ang lalim ng personal na relasyon ang ipinababatid ng pagsasadula. Sa mga eksenang ito, kinakatawan ni Joma ang partido, habang ang hukbo naman ang kay Ka Dante—ang pagkakalapit ng dalawa ay nagpapakahulugan ng mahigpit na pagkakahugpong ng partido at ng hukbo. Hindi mabubuhay ang partido kung wala ang hukbo, at walang patutunguhan ang hukbo sa kadawagan ng kanayunan kung wala ang giya ng partido. Ang kalakasan ng pelikula ay ang pagsasanib ng sining at ang yaman ng materyal. Bagamat may ilang pelikula na rin ang tumalakay sa buhay ng mga tinaguriang rebelde ng pamahalaan (kalakhan ay mga pelikulang aksyon noong dekada 80 at 90), bibihira ang nagpatampok sa pagiging makatao ng rebolusyong kanilang isinusulong. Pinapasubalian rin ng malikhaing pagkakagawa sa “The Guerrilla…” ang malaon nang istiryutipo ng mga likhang pang-agit-prop (propaganda ahitasyon) na hubad sa kasiningan at nagpupuyos sa galit. Kung tutuusin, off-limits sa mainstream na midya ang pagtalakay sa mga paksang itinuturing subersibo at banta sa kasalukuyang sistemang panlipunan. Ang paggawa ng magkapatid nafilmmaker sa “The Guerrilla is a Poet,” ay isang pagsalunga sa agos. Ang kanilang katapangan na gawin ang pelikulang ito ay parangal na mismo sa kagitingan ng mga indibidwal na kanilang binigyang mukha sa pinilakang tabing. Ipinamalas sa pelikula ang kadakilaan, giting at tapang hindi lamang ni Joma, kundi ng lahat ng kabahagi ng rebolusyonaryong kilusan sa mahabang kasaysayan nito. Ang gerilya at ang makata sa tula ni Joma ay hindi lamang siya, kundi ang bawat isa sa libu-libong patuloy na nagsusulong ng adhikang kaniyang nasimulan. * Rebyu ng pelikulang The Guerrilla is a Poet (direksyon: Sari at Kiri Dalena; dulang pampelikula: Keith Sicat, Kiri Dalena, Ericson Acosta at Kerima Tariman). Itinanghal ang The Guerrilla is a Poet sa kauna-unahang CineFilipino Film Festival. |
No comments:
Post a Comment