Friday, September 20, 2013
Pinoy Weekly Online - ‘ Angkan ni P-Noy, nasa likod ng panunupil sa Luisita’
by Pher Pasion
Ilan sa tinaguriang “HLI 11″ na halos dalawang araw na ikinulong ng Tarlac-PNP sa utos diumano ng Tadeco at pamilyang Cojuangco. (Pher Pasion)`
Para malaman ang kalagayan ng “pamamahagi ng lupa” sa pamamagitan ng tambiyolo, pangangamkam ng lupa at militarisasyon sa Hacienda Luisita, nagtungo ang fact-finding team sa asyenda para mag-imbestiga.
Hindi nila inakala na sila man ang haharap sa mismong panunupil na kanilang iniimbestigahan.
Noong Setyembre 17, pangalawang araw ng fact-finding mission nang harangin ng mga miyembro ng Philippine National Police-Tarlac ang grupo nila Anakpawis Rep. Fernando Hicap. Katatapos lamang nilang makipagdialogo noon sa mga militar na nagtayo ng detatsment sa may Barangay Balete sa loob ng Hacienda Luisita.
Ayon kay Hicap, maayos silang nakipagdiyalogo sa mga pulis na humarang sa kanila. Nagpakilala pa umano sila bilang representante ng Anakpawis Party-list. Pero hindi ito kinilala ng mga pulis.
“Sinunggaban kaming parang mga kriminal na walang anu-ano, pinagdadampot kami,” ayon kay Hicap.
Sinabi pa ni Hicap na siya ang itinuturo at puntirya ng mga pulis para arestuhin. Labing isang ang hinuli sa kanila na hindi alam kung ano ang kanilang kasalanan o kasong nagawa.
“Tinatanong namin kung bakit kami inaresto pero walang sumasagot sa kanila (sa mga pulis),” sabi pa ni Hicap.
Pagdating sa presinto, dumating umano ang nagpakilala Provincial Director ng Philippine National Polce (PNP) at sinabing hindi na raw kasama si Hicap sa mga aarestuhin dahil “inimbitahan” lang daw siya na hindi naman tinanggap ni Hicap.
“Ganyan ba silang mag-imbita, sapilitan?” ayon kay Hicap.
Biglaan, marahas
(Kanan) Anakpawis Rep. Fernando Hicap. (Pher Pasion)
Ayon sa mga nahuli, hindi simpleng pag-aresto ang ginawa sa kanila kundi marahas.
“Nang mahuli ako pisikal kaming sinaktan. Sinikmuraan ako at binatukan. Si Karl Mae (isa din sa mga nahuli) sinampal sa mukha ng isang pulis. Yung mga iba, may mga pasa at sugat,” ayon kay Ronald Gustillo, taga-Karapatan at isa sa mga nahuli. Siya rin ang tumatayong paralegal staff ng FFM pero hindi ito kinilala ng mga pulis, aniya. Binantaan din umano sila na kapag pumalag sila hindi lang iyon ang kanilang aabutin.
Ayon sa mga naaresto, mahigit isang araw na silang hawak ng mga pulis at hindi pa rin nila alam ang kanilang mga kaso. Ni wala pa umanong balak ang mga pulis na ipa-mediko legal na eksamen sila kung hindi pa nila iginiit ang karapatang iyon sa kabila ng maraming nasaktan sa kanila.
“Kanino interes ang makikinabang sa pangkakahuli ng mga kasama natin sa Hacienda Luisita?” tanong ni Rafael Mariano ng Anakpawis at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Kasong malicious mischief at direct assault ang ikinaso sa kanila kinalaunan. Muntik umano silang kasuhan ng robbery dahil sa cellphone na nawala ng isang opisyal ng pulis, pero dahil alam nilang magiging mahina ang kaso, napilitan ang mga ito na iurong ito, ayon kay Jobert Pahilga, abogado ng mga hinuli.
Ipinagtataka naman ni Ericson Acosta, isa sa mga nahuli, kung sino talaga ang nasa likod ng Tarlac Development Corporation (Tadeco) para magawang pakilusin ang kapulisan maging ang hepe nito sa isang sumbong lamang at magawang mang-aresto.
Tadeco ang sinasabing umaangkin sa malaking bahagi ng Hacienda Luisita.
Ayon kay Acosta, may mga nang-aresto sa kanila na nakasibilyan at malaki ang kanyang hinala na mga security ito ng TADECO at hindi mga pulis.
“Nagmistulang parang private army ng mga Cojuangco-Aquino ang mga pulis at militar sa Hacienda Luisita,” ayon kay Acosta.
Tambiyolo: Marka ng panlilinlang
Ayon kay Danilo Ramos ng KMP, ang pamamahagi ng lupa sa pamamagitan ng tambiyolo ay isang porma ng panlilinlang sa mga mamamayan ng Hacienda Luisita. Katunayan ito nang patuloy na maniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino para mapanatili sa kanila ang lupa.
Naninindigan sila na ang pamamahagi ng libre sa lupain ng Hacienda Luisita para sa mga mamamayan nito ang dapat gawin imbes na idaan sa tambiyolo.
Ipinaliwanag ni Ramos, ang kasaysayan ng pagmamaniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino para mapanatili sa kanila ang lupa ng Hacienda mula 1957, sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Corazon Aquino, hanggang sa paraan ng tambiyolo.
“May pananakot na nagaganap sa pamamahagi sa pamamagitan ng tambiyolo. Kung makikita, maraming mga pulis at militar ang nakakalat at mayroong ding mobile bus jail na nakaantabay na nagsisilbing babala sa mga nais tumutol dito,” ayon kay Gustillo.
Nagagawa din umanong manakot ng mga militar sa mga barangay ng Hacienda Luisita na kung hindi sila lalahok sa tambiolo, wala silang makukuhang lupa, ayon kay Gustillo.
Nagtataka din si Pahilga kung bakit hindi isinama ng Department of Agrarian Reform ang lupang inaangkin ng Tadeco para ipamahagi.
Naniniwala ang grupo sa nagaganap sa Hacienda Luisita at ang nangyari sa kanila na walang sinseridad ang pamilya Cojuangco-Aquino na ipamahagi ang lupain ng Hacienda.
Pinalaya noong Huwebes (Setyembre 19) ng gabi ang tinaguriang HLI 11.
Nakatakda namang kasuhan ni Hicap ang PNP-Tarlac sa ginawa sa kanyang pag-aresto at kanyang mga kasamahan.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=26091
- See more at: http://pinoyweekly.org/new/2013/09/angkan-ni-p-noy-nasa-likod-ng-panunupil-sa-luisita/#sthash.4dMxqSq6.dpuf
No comments:
Post a Comment