Una, naglabasan ang mga status sa Facebook na nagpupugay sa kabayanihan ng isang taong hindi pinangalanan. Nagkaroon na agad siya ng hinala, batay sa kung sinu-sino ang mga nag-post. Pagkatapos, bulungan na sa inbox – kung sino, paano ang bangkay, kailan ang parangal, pero hindi pa kung paanong napatay, naging martir ang kaibigan. Kumpirmado. Pero pumatak lang ang luha niya, biglaan, nang naging status na rin ang parangal kay Nini, kasapi ng New People’s Army na napatay sa kabundukan ng Luzon noong isang linggo. Umasa pa rin ba siyang hindi totoo ang balita? Totoo na ito.
Syempre, kilala niya si Nini, aktibong kasapi ng Anakbayan sa UP Integrated School, kasabayan ni Erica Salang, namatay ring NPA sa Kabikolan. Kung ang iba’y tawag-pansin ang laki at ingay, tawag-pansin ang pagiging payat at tahimik ni Nini. Mas makikilala niya ito sa pagdaan ng panahon: mahusay na organisador, masigasig na edukador, at kasamang laging handang makiramay at makinig. Mababalitaan niya na si Nini, tulad ng maraming kasabayan, kahit mas huli kumpara sa iba, ay nagpasya nang mag-NPA. Laging masaya ang ganoong balita, kahit may kaakibat na tanong: “At ikaw?” Naalala niya ang nobelang The Book of Daniel [1971] ni E. L. Doctorow. Batay ito sa kwento nina Julius at Ethel Rosenberg, Komunistang mag-asawang binitay ng US noong 1953 dahil nagnakaw umano ng sikreto sa paggawa ng bomba atomika para sa Unyong Sobyet. Sa pagmumuni ni Daniel, ang anak, naisip niyang natunton ng mga magulang niya ang Komunismo mula sa magkaibang landas: ang nanay niya, dahil personal na dumanas ng kahirapan; ang tatay niya, dahil naunawaan ang kalagayan ng mahihirap at ang Komunismo. May pagka-seksista ang iskema: pandama sa babae, kaisipan sa lalake. Anomalya si Nini at marami pang iba sa ganitong balangkas. Ang landas niya patungong NPA ay ang dalisay niyang puso. Si Nini ang tipo ng taong puno ng malasakit sa kapwa, kumbaga’y walang masamang tinapay sa iba, at walang pagkamakasarili sa harap ng kahirapan, sakripisyo at nitong huli nga’y kamatayan. Tampok sa gabi ng parangal sa kanya ang testimonya ng mga kabataang maralita na ang iba’y aminadong patungo noon sa pagiging adik, sugarol, at lasenggo. Salamat anila kay Nini na nagtyaga sa kanila – nakisama, nakipamuhay, nagmulat – naging mga aktibista sila at nagpapatuloy ngayon. Kung medyo babaguhin ang sabi ni Theodor W. Adorno, “Ang pagmamalasakit ay naroon lamang sa pinakamagaspang na panawagan: na wala nang magugutom [Minima Moralia, 1974].” Tulad ng marami pang iba, pinanghawakan ni Nini ang malasakit sa kapwa hanggang sa lohikal na kongklusyon nito, ang mag-ambag sa Kilusang ang layunin ay sapatan ang mga materyal na pangangailangan ng nakakarami at ng lahat. Kaya naman isinasakdal ng pagkamatay niya, ng mga tulad niya, ang mga naghahari sa lipunan: Pinaslang siya sa panahong kinakalinga ng gobyerno si Napoles at mga katulad. Kumander Nini. Kakatwa ang bansag na iyan para sa mga nakakilala sa kanya na palangiti, tahimik, hindi makabasag-pinggan kahit mas matigas pa sa bakal ang paninindigan. Pero hindi iyan dahil sa katungkulan niya sa NPA, bagamat maaari rin, kundi sa kanyang buhay na inspirasyon ng marami pasulong sa patuloy na paglaban. 11 Setyembre 2013 |
Tuesday, September 10, 2013
Pinoy Weekly - Kumander Nini
Kapirasong Kritika ni Teo S. Marasigan
No comments:
Post a Comment