Posted: 13 Aug 2013 11:01 PM PDT
Pilipinas, lalong magpapahamak sa dagdag na tropang Amerikano sa bansa, ayon kay Rep. Emmi de Jesus (Balikatan File Photo)
Hindi dagdag na tropang Amerikano kundi diplomasya sa Tsina ang kailangan para harapin ang nagtutunggaling claims sa West Philippine Sea.Ito ang inihayag ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus alinsunod ng pahayag ng mga departamento ng national defense at foreign affairsna dadagdagan ang bilang ng mga tropang Kano sa bansa dahil sa umano’y banta ng Tsina.
“Mas tamang solusyon sa ating conflict sa Tsina ang diplomasya sa pamamagitan ng paghahapag nito sa UN (United Nations), kaysa higit pang palakihin ang military arsenal na kakain lang ng malaking rekurso sa pambansang badyet na dapat ay nagugugol sa mga panlipunang serbisyo,” ani de Jesus.
Nababahala si de Jesus na sobra-sobra na ang pakikialam ng Estados Unidos sa mga internal na usapin ng bansa, at hindi binabantayan ng gobyerno ang ginagawa ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas.
Halos permanente na ang presensiya ng militar ng US dahil sa Visiting Forces Agreement. Ayon kay de Jesus, nagdudulot na ito ng prostitusyon ng kababaihan sa mga lugar na binabasehan ng mga tropang Amerikano.
Binatikos niya ang umano’y lumalalang “pagkatuta” ni Pangulong Aquino sa gobyerno ng Estados Unidos.
“Sa halip na tayo ay mapanatag ang loob, ang pagdami ng mga tropang Kano ay lalong gagatong sa alitan sa pagitan ng US at Tsina, at tayong mga Pilipino ang gagamiting pansalag. Tiyak na magiging lunsaran ang ating bansa ng giyera sa pagitan ng [dalawang] pwersa,” babala ni de Jesus.
Aniya pa, hindi para sa seguridad ng bansa ang presensiya ng US sa Pilipinas, kundi “para sa pagdepensa sa investments ng mga dayuhan at daluyan ng langis sa karagatan ng Timog Silangang Asya.”
*************
No comments:
Post a Comment