Posted: 25 Jul 2013 10:51 PM PDT
May SONA rin ang showbiz.
At ito ay ang Showbiz of the Nation Address o SONA. Nagtataglay ito ng kasalukuyang mukha at hilatsa ng lokal na industriya ng aliw mula Aparri hanggang Jolo, mula silangan hanggang kanluran, mula hilaga hanggang timog, mula puso hanggang utak, mula Maynila hanggang kasuluk-sulukang lugar ng daigdig. Patuloy na namamayagpag ang malayang paggawa ng pelikula o ang tinatawag na independent filmmaking (pagsakay lang sa paggamit ng terminong ito a sinimulan ng media o kaya ay ng sinumang nagpasimuno sa media na tagawin ito ng ganito at ang naaalala naming nagsulong ng katagang ito mula rin sa impluwensiya ng Hollywood ay walang iba kundi ang premyadong manlilikhang si Lav Diaz) lalo na sa di-kumbensiyunal na pamamaraan ng paglikha nito. Ang di-kumbesyunal na paggawa ng pelikulang Pilipino ang sagot ng pagtutol ng mga alagad ng sining na bagot na bagot na sa sistema ng komersyal na paggiling ng mga produksyon na naghahabi ng mga pantasya at panandaliang-aliw para makalimot ang mga tagapanood o ang sambayanan sa mga tunay na problema ng bayan. Ang di-kumbensyunal samakatuwid—ayaw naming tawaging indie filmmaking dahil ang lahat ng paggawa ng pelikula ay nangangailangan ng puhunan at capital (kung gayon ay komes’yo rin)—na paggawa ng pelikula ay nagbubuhay ng naghihingalo nang industriya ng showbiz na isa sa mga nagbibigay-buhay sa lipunang Filipino sa pamamagitan ng pulitikal na ekonomiya—ang pagsingil ng buwis, halimbawa sa mga kumpanya ng pelikula at iba pang lagusan ng dibersyon. Kaya hayaang yumabong ang pagpapailanglang ng mga makabayan, makadiyos at makataong pelikula sa bansang ito tulad na lang ng mga lahok sa darating na Biyernes na magiging kasalukuyang 9th Cinemalaya Independent Film Festival sa Cultural Center of the Philippines. Iligtas nawa sa kamay ng sensura ang makabuluhang mga likhang-sining sa di-kumbensyunal na paggawa ng pelikula at higpitan ang pag-censor sa mga walang kawawaang pelikula kahit sa hanay ng mga di-kumbensyunal na mga uri nito. *** Nagbibigay ng mga kaukulang papuri at parangal ang mga di-kumbensyunal na pelikula sa mga patimpalak sa ibang bansa o sa mga international film festival kaya ipinagmamalaki ang mga ito ng gobyerno pero bakit hindi kaya sila maimbitahan man lang sa Malacanang para mabigyan ng pagkilala at tuloy ipakita sa bayan ang mga pelikulang pinagtagumpayan kahit na kapangitan ng Pilipinas ang sinasalamin ng mga ito. Bagay ito sa turismo ng bansa dahil mas gusting makita at mamalas ng mga turista ang mga likhang-sining na nagpapakita ng katotohanan sa isang lipunan na wala sa kanila tulad ng pagdarahop at kawalan ng hustisya. Hindi ibig sabihin nito ay makapagbibigay ng masamang impresyon ang ganitong mga obra kundi mas magiging intresante ang turista na masilayan ang magandang presentasyon ng kahirapan sa Mindanao sa “Thy Womb” ni Brillante Mendoza bilang direktor at ni Nora Aunor bilang bituin at ang kampanya ng pang-iengganyo sa mga bisita na dalawin ang lugar na ito dahil walang ganito, halimbawa sa Europa o sa Amerika. Ang seguridad sa pagtungo sa mga lugar na tulad nito ay papel ng pamahalaan para sa kaligtasan ng mga turista. Hinohosana sa ibang bansa ang mga di-kumbensyunal na pelikula at ang mga embahada natin sa iba’t ibang panig ng mundo ay makapagpapatunay na tunay na inirerespeto ng mga dayuhan an gating di-kumbensyunal na mga pelikula. Saksi ang ilang mga pambansang alagad ng sining sa iba’t ibang larangan tulad ng piyanistang si Reynaldo Reyes sa pag-angat ng mga reyalistikong panoorin o kaya ay tunog tulad ng pagpapakita ng kapangitan ng Pilipinas sa magandang pamamaraan kung kayat sinusubaybayan at tinatangkilik ng mga banyaga dahil anya’y bakit susuportahan at magiging intresado ang isang turista sa isang bagay na mayroon na sila tulad ng matataas, magagara at mga kongkretong gusali at establisimiyento o kaya naman ay magagandang tanawin na sagana na sa kanila?
***
Kay raming mga double at kontrabidang walang trabaho ngayon. Doon sila nagkukumpulan sa may Tropical Hut sa may kanto ng Panay Avenue at Scout Fuentebella malapit sa may National Book Store sa Quezon Avenue at naghihintay ng grasya, ng call slip, ng tawag ng produksyon makasama lang sa kumbensyunal at di-kumbensyunal na paggawa ng pelikula. Nagdidildil na lang ng asin ang karamihan sa kanila, nakatira na lang sa mga intresuwelo, nangungupahan sa mga mumurahing kuwarto o apartment pero di pa rin makabayad sa oras dahil sa kakapusan ng suweldo. Maaaring sasabihin ng iba na sila ay nagkakaroon ng trabaho sa mga produksyon o soap opera o sitcom o talk show ng mga istasyon ng telebisyon pero ilan lang ‘yon sa kanila—malaki pa ang kaltas sa porsyento ng talent fee o nakasadlak sa dusa ng paghihintay nang matagal sa set dahil sa kawalang propesyunalismo ng mga sikat. Mapapalad silang mga ekstra sa ABS-CBN o GMA Network o TV5 o UNTV o Star Cinema o Regal Films o Viva Entertainment pero higit sa lahat, pareho rin ang sistema ng kalakaran kaugnay sa mga ekstra panahon pa ni Mahomakaya maituturing bang mapapalad rin sila? Naghihintay ang karamihan sa mga artistang disiplinado at propesyunal na magkaroon na ng eksaminasyon o lisensiya ang mga artista na igagawad ng Professional Regulation Commission. Kailan nga kaya ito? Patuloy ang kahirapan sa showbiz sa hanay ng maliliit o sa mga hindi nakikisawsaw sa kapangyarihan ng iilan sa industriya?
***
Sa hanay ng peryodismong pampelikula, ang buhay naming mga manunulat o peryodista ay sampu-sampera na ngayon. Bukod sa karamihan na ng mga movie reporter, wala na halos bayad ang pagsusulat sa mga tabloid o iba pang babasahin. Ito ang nakakalungkot at nakakasindak na katotohanan ng showbiz. Maaaring nakikitang nabubuhay sa kasaganaan ang mga peryodistang pampelikula tulad nina Boy Abunda, Mario Dumaual, Lhar Santiago, Aubrey Carampel, Laila Chikadora, Ginger Conejero, Gretchen Fullido, Grace Lee, Lolit Solis, Ricky Lo, Shalala, Luan Dee, Nelson Canlas, Marie Lozano, Cristy Fermin, Alfie Lorenzo, Ethel Ramos, Ogie Diaz, Jobert Sucaldito at marami pang iba sa broadcast, ibang kuwento naman ang kasaysayan ng mga ito. Wala na ngang security of tenure ang mga peryodistang pampelikulang walang regular na empleyo maliban sa pagsusulat ng kolum o artikulo sa mga diyaryo o magasin, maliliit pa ang talent fee kung may nakukuha pa ngang maliit na kita. May mga peryodistang pampelikula naman sa tinatawag na online o social media pero iba ring kuwento ang sa kanila na uubos din ng maraming pahina ng istorya o espayo ng mga ekposisyon, paglalatag ng mga datos, argumentasyon at resolusyon sa katuusan. Kaya ang pagsusulat ng may kaukulang pabuya ang higit na namamayani sa mga panahong ito kaya may utang na loob nang kaakibat at ang kalayaan sa peryodismo ay namimiligro. ### |
No comments:
Post a Comment