Monday, July 1, 2013

Pinoy Weekly Sa nalalapit na crackdown: Repatriation, ipinaglalaban ng Saudi OFWs

Pinoy Weekly

Posted: 01 Jul 2013 05:40 AM PDT

Mga Pilipino na namamalagi sa harap ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia. (Kontribusyon)Mga Pilipino na namamalagi sa harap ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh, Saudi Arabia. (Kontribusyon)


Patuloy ang pagkalampag ng mga Pilipino sa konsulado ng Pilipinas sa Jeddah at Riyadh, Saudi Arabia para igiit ang mabilis na pagpapauwi sa kanila bago ang Hulyo 4 na dedlayn bago ang crackdown ng gobyernong Saudi sa di-dokumentadong overseas Filipino workers (OFW).

Iniulat ng Migrante Internationalna alas-10 ng umaga ng Hunyo 30 sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA), may 80 OFW na naglunsad ng ikalawang bugso ng protesta sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), diplomatic quarters sa Riyadh. Bago iyon, mga nanay kasama ng kanilang mga anak ang nagsagawa ang nagkampo sa harap ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh.

Nitong Hulyo 1, nakatakdang “okupahin” ng mga OFW ang Konsulado ng Pilipinas.


Desperado na
Dugtong na ulat ng Migrante na nilisan na ng mga OFW ang kanilang mga tahanan at barracks at tumungo sa embahada dahil nagsasagawa na ng reyd ang mga pulis ng KSA bago pa man ang dedlayn na itinakda.
Bahagi rin ito ng kanilang hiling ng libre, agaran at maramihang pagpapauwi sa bansa bago pa man umabot angcrackdowns sa KSA.

Pero dagdag nila, nagsara na ng kanilang opisina ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas upang umano’y mapigilan ang “pag-ookupa” ng mga OFW.

Kinondena ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, ang pagpigil ng mga tanggapan ng Pilipinas sa mga OFW na pumasok sa kanilang mga opisina dalawang araw bago ipagpatuloy ang crackdowns.

“Hindi na nga nila nagawa ang kanilang tungkulin na mapauwi kaagad ang ating mga kababayan. Ngayon, hindi pa nila mabigyan ng proteksiyon at sanktuwaryo sa ating mga OFW. Pagsapit ng Hulyo 3, saan pupulutin ang ating mga OFW kung hindi nila patutuluyin sa ating embahada at konsulado doon?”
Sa datos na ibinigay ni Martinez, may 1,400 sa Jeddah na naghihintay na mapauwi, habang may 2,000 ang inaasahang magkakampo. Umabot sa 220 pa lang ang napauwi ng gobyerno ng Pilipinas mula Hunyo.
Maliit na bahagi ito sa may 12,000 undocumented na mga Pilipino sa KSA.


Walang emergency benefits
Tinuligsa ni Martinez ang kawalan ng preparasyon ng gobyernong Aquino sa isang krisis humanitarian ng mga di-dokumentadong OFWs sa KSA.

Sa Maynila, mahigit 30 na nakauwing OFWs ang nagkampo pa sa harap ng tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bago sila bigyan ng transportation allowance.

Nagkampo sila sa harap ng OWWA para igiit para rito upang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya sa Visayas at Mindanao.

Ang mga nakauwing OFW na mga taga-Luzon lamang ang naunang nakatanggap ng emergency transportation allowance.

Ayon kay Nestor Burayag, tagapangasiwa ng Repatriation and Assistance Division (RAD) ng OWWA, hindi nila mapagbibigyan ang mga OFW dahil aniya’y “puno na ang OWWA shelter.”

“30 pa lang iyon. Paano na kung bulto-bulto nang pauwi dito ang mga OFW bago mag-Hulyo 4 (Hulyo 3 in Saudi)? Saan nila balak patulugin ang mga OFW, sa Luneta, sa Roxas Boulevard? Kung hindi pa dahil sa paggiit ng mga OFW, hindi ibibigay ng gobyerno ang nararapat lang naman na para sa kanila,” tanong ni Martinez.


Paano ang paghahanda?
Gusto ng Migrante na malaman kung ano ang paghahanda ng pamahalaan ang ginagawa ngayon, kung mayroon man.

“May mga abogado na ba sila na nakahanda? Paano nila pangangasiwaan ang maramihang pagpunta ng ating mga kababayan sa mga opisina at embahada ng Pilipinas? Paano nila pinaghahandaan ang pag-ayuda sa inaasahang maraming OFW na uuwi sa mga susunod na mga araw?” mga tanong ni Martinez.

Sinabi rin niya na magsasagawa ang Migrante kasama ang iba pang mga OFW ng malaking protesta sa Mendiola sa Hulyo 4 para kondenahin ang pagpapabaya at kawalang-aksiyon ng gobyernong Aquino sa crackdowns.


###

No comments:

Post a Comment