Pinoy Weekly |
Posted: 10 Jul 2013 03:57 AM PDT
Nagpiket ang mga kawani ng gobyerno sa harap ng tanggapan ng Government Service Insurance System (GSIS) matapos mabalitaang “nagsugal” ang naturang pampublikong ahensiya ng P800-Milyon sa isang casino resort.
“Isusubo na lang ng mga anak at ipangpapagamot namin, ipansusugal pa!” reaksiyon ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) hinggil sa pamumuhunan ng GSIS sa Leisure & Resorts World Corp. (LRWC). Iniulat sa midya na tumanggap ang LRWC ng naturang halaga mula sa GSIS para po9ndohan ang Belle Grande Integrated Resort and Casino, isang casino resort sa Manila na kasosyo rin ang kompanyang Belle Corp and Melco Philippines, na pag-aari ng bilyonaryong si Henry Sy. Isa ito sa mga kasino na itatayo umano sa “Entertainment City” sa Manila na pinangungunahan ng Philippine Amusement and Gaming Corp (Pagcor). Sa parehong lugar matatagpuan ang Solaire Resorts, ni Enrique Razon, Travellers International Hotel Group ni Andrew Tan at Universal Entertainment Group ni Kazuo Okada, isang bilyonaryong Hapon na dati nang naakusahan ng panunuhol. Sinabi pa ni Gaite na sa halip na gamitin ng GSIS ang naturang halaga para bigyang serbisyo ang mga miyembro nito at mga pensioner, ginamit pa ito para magkamal ng kita ang ahensiya. “Pinatutunayan lamang nito na walang pinag-iba ang administrasyong ito (Aquino) sa nakaraang mga administrasyon na itinuring na gatasan ang aming pension fund. Mula sa aming mga bulsa diretso sa mga kroni,” sabi pa ni Gaite. Mga opisyal ng GSIS ang ilan sa may pinakamalaking natatanggap na sahod at bonus sa lahat ng opisyal ng gobyerno. Ayon sa Commission on Audit, tumanggap ang general manager ng GSIS na si Robert Vergara ng P16.36-M bilang kompensasyon noong 2012. Si Vergara ang opisyal ng gobyerno na may pinakamalaking sa suweldo at bonus noong 2012. Ikumpara ito, ani Gaite, sa mga miyembro ng GSIS at mga pensioner na nakakaranas ng samu’t saring delay sa pagtanggap ng kanilang mga benepisyo.”Napakaraming kaso ng naantalang paglabas ng benepisyo, habang mayroon pang talagang nawawala ang benepisyo,” sabi pa niya. Sinabi ni Gaite na magandang panukat ang nagaganap ngayon sa GSIS sa kung paano lumalala ang kalagayan ng ordinaryong mga mamamayan at kawani ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Aquino. “Kailangang agarang imbestigahan ito ng bagong halal na mga mambabatas sa Senado at Kongreso, at panagutin ang mga tao sa likod ng isyu,” pagtatapos ni Gaite. ### |
No comments:
Post a Comment