Posted: 25 Jul 2013 08:20 AM PDT
Katulad ng maraming aktibista at Pilipinong sawa na sa pambobola niya, hindi ako nakinig sa ikaapat na State of the Nation Address ni Pang. Noynoy Aquino nitong Hulyo 22. Kasama ako sa protesta sa Commonwealth Avenue na sa balita ay umagaw ng atensyon sa talumpati ni Aquino kung hindi man sumapaw sa huli. Isa sa mga ahitasyon ng protesta ang hindi pakikinig sa sasabihin ni Aquino, dahil luma at gasgas na ito.
Pero binasa ko rin ang SONA. Dahil siguro sa kung anong masokismo pero mas para maunawaan at matuligsa ang nilalaman nito. Dahil sa estilo ng pagbabasa, este pagtatalumpati, ni Aquino, halos naririnig ko ang boses niya habang binabasa. Ang nabuong impresyon sa akin: Kumbaga sa gera, nauubusan na ng bala sa panloloko ang gobyernong Aquino. Pursigido itong manloko, pero halatang nahihirapan na ito. Narito ang lahat ng gasgas-nang sangkap ng mga nakaraang SONA at talumpati ni Aquino. Hindi mawawala ang pagpapaalalang anak siya nina Ninoy at Cory. Nariyan ang pagyayabang hinggil sa mga naitayong imprastruktura, pati ang paghahayag ng lahat ng napulot na “mabuting balita.” Pero pagdating sa masasama, patuloy na sinisisi si Gloria. Ang bago, pati ang panenermon ni Aquino sa mga ahensya, ipinasok na. Maraming nakakatawa sa mga pilit-pinalaking batayan ng pagyayabang. Lumago raw ang agrikultura nang “triple,” pero mula 1.1% sa unang kwarto ng 2012 patungong 3.3% sa unang kwarto ng 2013. Napakalaki naman! Kaya na rin daw nating tumulong sa mga mamamayan ng ibang bansa na lumikas mula sa mga delikadong lugar. Kaya pala hindi mailikas ng gobyerno ang mga Pilipinong stranded sa Saudi Arabia! At marami pang iba. Pagdating sa plano, wala masyadong pasabog pero maraming kongkretong pahirap: taas-pasahe sa MRT at LRT, pagtaas ng kontribusyon sa Social Security System, at iba pa. Sa ganitong mga isyu lalong malulustay ang ipinagmamalaking pampulitikang kapital niya. Inulit lang niya ang mga dating boladas, tulad sa magkakambal na mga programang PPP at CCT, na nginangatngat ng kritisismo mula pa nang unang ianunsyo. Dahil duda kung makakapangumbinsi ang umano’y magagandang balita at salita, inilabas na ni Aquino ang alas, patunay ng desperasyon: “Mga Boss, isipin nga po natin: Saan ba tayo nagmula? Kung may agam-agam kayo ngayon, ano ba naman ito kumpara sa agam-agam natin noong 2010? Di ba’t masaya na tayo noon na tapos na ang panahon ng kadiliman? Di ba’t noon, sapat nang mapalitan ang mga nasa kapangyarihan?” Mas mahaba ang talumpati ni Aquino ngayong taon, sabi sa balita. Kung babasahin ang SONA, makikitang hindi ito dahil maraming maipagmamalaki at maipapangako ang rehimen. Ang kabaligtaran ang totoo: Nag-aapuhap ito ng ipagyayabang, nag-aala-tsamba na sa dami ng inilahad nito ay may kakagatin ang publiko. Ang kakapusan nito sa nilalaman, binawi nito sa porma – partikular sa aspekto ng haba. Lalo tuloy nahalata. “Pwede mong maloko ang ilang tao sa ilang panahon, pero hindi mo kayang maloko ang lahat ng tao sa lahat ng panahon,” paalala ng mang-aawit na si Bob Marley. Ipinapakita ng SONA ngayong 2013 ni Aquino ang isang larawan kung bakit totoo ito. Humahabol ang ekonomiya sa talumpati ng pangulo, ang materyal na reyalidad sa mga kinakathang ilusyon, ang mga hangganan ng sistema sa inaakalang lawak ng saklaw ng retorika. 25 Hulyo 2013 |
No comments:
Post a Comment