Posted: 30 Jun 2013 10:18 AM PDT
At mayroon na ngang resolusyon ang Komisyon ng Wikang Filipino na “ibalik ang gamit ng ‘Filipinas’ habang pinipigil ang paggamit ng ‘Pilipinas’ upang mapalaganap ang opisyal at modernisadong katawagan ng bansa na kumikilala sa kasaysayan at pag-unlad ng pagkabansa nito.” Noong 12 Abril pa pala ito napirmahan, siguro’y itinago muna para hindi maging “kontrobersyal,” kahit paano, noong kampanya sa eleksyon.
Paliwanag ni Komisyoner Virgilio S. Almario, tagapangulo ng KWF, sa isang kolum na nalathala noong 1992 at nasawebsite ngayon ng ahensya, “mas una at orihinal” ang “Filipinas” kumpara sa “Pilipinas.” Ito ang itinawag sa bansa ng mga mananakop na Espanyol, tatlong siglong nakilala sa pangalang ito ang bansa, ito ang ginamit sa proklamasyon ng kalayaan noong 12 Hunyo 1898, at ito ang ginamit ng mga bayani. Malayo sa marangal na kasaysayan ng “Filipinas” ang aba, kung hindi man pipitsuging, kasaysayan ng “Pilipinas.” Nitong bungad lang ng ika-20 siglo lumabas ang “Pilipinas,” sa panahon ng manunulat na si Lope K. Santos, kaugnay ng paggamit ng abakadang Tagalog na walang “F,” opisyal na ginamit sa panahon ng kolonyalismong Hapon, at lumaganap noong dekada ’50 kaugnay ng pagbansag sa wikang pambansa na “Pilipino.” Dagdag pa ni Almario, “Filipino” ang tawag natin sa wika natin kaya dapat “Filipinas” ang itawag sa bansa natin. Hudyat daw ang ganitong pagtawag sa wikang pambansa ng “modernisasyon at pagiging pambansa ng wika” – malay sa paghalaw ng wika sa bansa at labas nito. At panghuli, ani Almario, mapapadali ng “Filipinas” ang pagtuturo ng ispeling: wikang Filipino at taong Filipino sa Ingles, Filipino at Pilipino sa Filipino. Hindi ako makumbinsi. Mas una at orihinal man ang “Filipinas,” bansag naman ito sa atin ng mananakop. Nahuli man at hindi orihinal ang “Pilipinas,” may marka na ito ng pag-angkin nating mga Pilipino. Bakit gusto nina Almario at ng KWF na maging matapat at ulirang tagasunod ni Haring Felipe II ng Espanya? Karapat-dapat ba ang hari na namayagpag sa kaigtingan ng kolonyalismo sa daigdig sa ganitong parangal? Sang-ayon ako sa pagpasok ng titik “F” sa alpabetong Filipino; sang-ayon din ako sa paggamit ng “Filipino” sa pakahulugang ibinigay dito ng mga pasimuno. Pero ang totoo, hindi talaga kasing-dami ang mga salitang gumagamit ng “F” kumpara sa gumagamit ng “P” sa ating wika. Ilang bata na bang normal na nagsasalita sa bahay ang pinagalitan ng guro dahil hindi mabigkas ang salitang may “F” o naipagpalit pa nga ito sa “P”? Tiyak, kokontrahin ni Almario ang ganitong paniwala. Kilala kasi siya sa pagtutulak ng paggamit ng “aspekto” halimbawa, kumpara sa “aspeto” dahil mas malapit ang nauna sa orihinal at pinaghalawang Espanyol. Maaaring marami siyang palalabasing salita na dapat ay “F” at hindi “P” ang ginagamit natin. May pagpreno siya sa paniniwalang kaligtaan na ang pinaghalawan, kung anong bigkas ay siyang baybay, at iba pa. Kaya nga ang debate sa wika ay hindi lang debate tungkol sa wika; may pulitika rito. Sa isang banda, dapat igalang ang orihinal na wikang pinaghahalawan ng mga salita natin. Sa kabilang banda, nagbabago ang wika at may nagiging popular na hindi wasto ayon sa mga eksperto. Lagi’t laging babalansehin ang dalawa. Pero may prinsipyong dapat manaig sa kanila: Ang isulong ang kalayaan ng bansa kahit sa usaping pangwika. Sa isang pagtingin, hindi na nagbago si Almario, na lagi’t laging tinutuligsa ng mga kasabayan niya sa pagtalikod sa aktibismo at paglilingkod sa Batas Militar. Parang diktador niyang ipinataw ang patakaran sa “Filipinas,” pinagmumukhang makabayan pero pabor sa kolonyalista. Patuloy ang obsesyon sa “F”: Fascism, Ferdinand. 01 Hulyo 2013 |
No comments:
Post a Comment