Lesbian bilang bida’t kawawa
Pinoy Weekly Posted: 08 Jun 2013 03:56 AM PDT
Bidang bida ang mga lesbian noong nakaraang linggo. Una, inamin ng isang sikat na mang-aawit na siya ay “tomboy.” Ikalawa, pansamantalang tinanggal ang comic strip ng isang kartunista dahil sa kanyang pagtalakay sa pagiging “tibo” ng ilang mag-aaral sa eskuwelahang para sa kababaihan.
Kung paniniwalaan ang isang opisyal ng simbahan, ang sikat na mang-aawit ay dumaraan diumano sa isang krisis sa identidad (identity crisis). Kailangan daw siyang tulungan bago maging “terminal” ang kanyang kalagayan. Sa madaling salita, hindi pa raw huli ang lahat para siya ay maisalba, para muli niyang makita ang “liwanag.” Sa kaso naman ng comic strip ng suspendidong kartunista, pinabulaanan ng madreng pinuno ng eskuwelahan ang binanggit na “kino-condone ang pagka-tibo ng mga estudyante.” Katulad ng nabanggit na madre, hindi nagustuhan ng maraming estudyante, guro at alumni ang punchline: “O’ nga ‘no? Sa St. Scho e wala kang makikitang magandang kulasang walang girlfriend.” Sinundan pa ito ng pasaring na “Di kaya tongril din ‘yung mga madre?” Tulad ng sikat na mang-aawit na humingi ng paumanhin sa kanyang mga tagahanga at mahal sa buhay, mabilis ding inamin ng kartunista at publisher ng kanyang pinagtatrabahuang pahayagan ang kanilang pagiging insensitibo. Sa katunayan, “offensive” diumano ang comic strip sa St. Scholastica’s College (SSC) kaya naglabas na ang pahayagan ng paumanhin kahit na hindi pa tapos ang internal na imbestigasyon. Sa konteksto ng kalayaang makapagpahayag, iginagalang ko ang desisyon ng sikat na mang-aawit, kartunista atpublisher sa kanilang paghingi ng dispensa. Pero ang hind ko matanggap ay ang tendensiyang tingnan ang mga paumanhin bilang ebidensiyang may mali sa pagiging lesbian. Sa totoo lang, hindi ko makita ang anumang pagkakamali ng sikat ng mang-aawit. Siya ay hinahangaan sa buong mundo dahil sa kanyang ginintuang tinig. Ang kanyang pagiging lalaki, babae, bakla o tomboy ay hindi dapat maging isyu lalo na’t ang kanyang puhunan ay ang talentong produkto ng mahabang pagsasanay sa kabila ng murang edad. Ang kanyang personal na oryentasyon at disposisyon sa buhay ay hindi na dapat inuungkat ng midya at pinagpipiyestahan ng madla. Kung gusto niyang itago o isapubliko ang kanyang oryentasyon, siya ang may pinal na desisyon. Sa madaling salita, wala siyang pagkukulang kung noon ay pinili niyang manahimik. Sa kaso naman ng SSC, tama lang na mag-ingay ang komunidad nito dahil basta-basta lang na tinukoy ang eskuwelahan sa comic strip samantalang marami pa namang eskuwelahang para lang sa kababaihan. May dahilan din para punahin ang argumentong overgeneralization na lahat ng magagandang “kulasa” ay lesbian. Pero sa aking pagkakaalam, ang SSC ay may gender studies program kung saan pinapalaganap sa komunidad at sa publiko ang pagiging sensitibo sa iba’t ibang kasarian. Batay sa programang ito, gusto kong isiping ang mga lesbian, gay, bisexualat transsexual sa SSC (kung mayroon man) ay hindi nakararanas ng diskriminasyon at nagtatrabaho’t nag-aaral nang normal. At kung sila may ay naaapi ng katrabaho o kaklase, malalapitan nila ang mga opisyal ng eskuwelahan para magsumbong. Sa kontekstong ito, malinaw ang pagkakamali ng kartunista sa pagtukoy sa SSC at sa paggawa ng overgeneralized na pahayag sa eskuwelahan. Pero ang pagtalakay sa pagiging ipokrito ng mga Kristiyano tungkol sa usapin ng mgalesbian (pati na mga bakla) ay tamang desisyon at nararapat lang na ipagpatuloy. Tandaan nating ang kasikatan ngcomic strip ng kartunistang ito ay ang kakayahan niyang makapagpukaw sa isipan ng mambabasa sa pamamagitan ng malalim na pagkukumpara ng kalagayan ng bayan sa ordinaryong buhay ng mamamayan. Malaki ring tulong ang pagsasalarawan niya ng simpleng buhay at ang paggamit ng simpleng pananalita. Sa isang panayam sa midya, sinabi ng kartunistang magiging maingat siya sa mga susunod niyang comic strip. Magandang desisyon ito kung ang pag-iingat ay para mapanatili at mapaunlad ang kanyang satirikong diskurso. Kailangan kasing ipagpatuloy niya ang kanyang mahusay na pagdidibuho sa sitwasyon ng lipunan mula sa perspektiba ng mga ordinaryong mamamayan. Sana nama’y huwag niyang tuluyang talikuran ang kanyang sinimulan mula pa noong huling bahagi ng dekada ’80. Patuloy niyang talakayin ang krisis sa ekonomiya, politika at kultura, pati na ang pagiging insensitibo sa kasarian. Kailangang linawing hindi nagtatapos ang usapin sa kanilang paghingi ng paumanhin. Patuloy nating busisiin ang mga argumentong patuloy na ibinabato sa mga lesbian. Kondenahin natin ang walang-batayang argumento hinggil sa kanilang diumanong abnormalidad. Hindi sila tulad ng mga may ketong na dapat ilayo sa komunidad para gamutin. Lalong hindi sila may dengue na dapat iwasan dahil baka ang iba pa ay mahawa. Bida man ang mga lesbian ngayon, patuloy pa rin silang kawawa. Pero tulad ng mga bakla, bisexual at transsexual,ang kailangan nila ay hindi lang ang ating pang-unawa kundi ang ating pakikipagkaisa. Bagama’t mainam na napag-uusapan sa ngayon ang mga katulad nila, mas napapanahong itutok ang usapin hindi sa partikular na indibidwal o eskuwelahan kundi sa pangkalahatan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
|
No comments:
Post a Comment