Banta sa kalayaan ng Pilipinas
Pinoy Weekly Posted: 12 Jun 2013 10:00 AM PDT
Madalas na sinasabing sa pangkalahatan, “maiksi” o “mahina” ang memorya ng mga Pilipino. Alusyon ito hindi sagenetic na predisposisyon sa pagiging makakalimutin ng lahi natin. Ang tinutukoy ng mga tagakomento sa midya at mga Pilosopong Tasyo ay ang mistulang kawalan ng kamalayan sa kasaysayan o abilidad na matuto sa ating mga pagkakamali. Dahil dito, lumalabas na wala raw tayong patutunguhan o direksiyon sa pagtahak ng daan tungo sa pambansang pagkakaisa, kaunlaran at maliwalas na buhay para sa karamihan, kundi man lahat, ng mga Pilipino. Ayon sa kasabihan, ang hindi natuto sa kasaysayan ay sinumpang ulitin ito.
Pero tinukoy ng mga historyador tulad ng dakilang si Renato Constantino na ang totoong problema’y kakulangan ng kamalayang makabayan, na walang duda na produkto ng kolonyal na nakaraan at makakolonyal na kasalukuyan. Ilan lamang ang matataas na opisyal ng bansa, o iyung mga taong nagpapanggap na mas mahusay sa atin, sa mga halimbawa ng panganib ng kaisipang kontra-makabayan. Silipin natin ang deklarasyon ng tagapagsalita ni Pang. Benigno Aquino na si Edwin Lacierda, na pangunahing hadlang daw sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) ng rebolusyonaryong umbrella formation na National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagkahumaling daw sa “lipas” nang mga konsepto tulad ng “pambansang industriyalisasyon.” Mahihinuha ang mga polisiya at programang pang-ekonomiya ng rehimen sa mapangutyang tasa na ito sa panukala ng NDFP para sa kasunduan ng dalawang panig sa mga repormang sosyo-ekonomiko — walang iba kundi ang kaisipan ng pang-ekonomiyang pangangayupapa. Paano nga naman nagawa pang maliitin ng gobyernong ito ang tunguhing pagtayo ng domestikong mga industriya na pangunahing tutugon sa domestikong mga pangangailangan. Sa pagmamaliit nito, isinusumpa ng gobyerno ang Pilipinas sa habampanahong pagiging palaasa sa mga banyaga para tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan at mahahalagang pang-ekonomikong aktibidad ng mga Pilipino. Katunayan, maiuugat sa pagiging atrasado ng agraryong aktibidad, sinaunang estilo ng pakikipagkalakalan at depisito sa kapital ang ating kawalan ng batayang mga industriya at dependensiya sa pag-aangkat. Sinuma ni Dr. Giovanni Tapang, tagapangulo ng Agham o Advocates of Science and Technology for the People, ang pangangailangan para sa pambansang industriyalisasyon: “Susi sa pagtatag ng isang modernong industriyal na ekonomiya ang isang industriyal na polisiya na nakapokus sa pagmomodernisa ng agrikultura at pagpapaunlad ng kakayahang magprodyus ng lokal na capital goods. Kasabay ng iba pang dapat gawin, kailangan natin ng sariling industriya ng bakal, industriyang kemikal, manupaktura ng makinarya, mga gamot (pharmaceuticals), elektroniks, industriya ng pagproseso ng pagkain, tela, damit, pabahay na pangmasa at komoditing pang-agrikultura.” Hindi lamang seguridad sa pagkain at kakayahang magsarili ang ninanais na resulta nito, magbibigay-daan din ang pambansang industriyalisasyon sa sigurado at de-kalidad na mga trabaho para sa lumalaking populasyon. Resulta rin nito ang pagkakaroon ng mahusay na mga siyentistang may mataas na pagsasanay. Kabaliktaran ng pambansang industriyalisasyon ang tunguhin at mga polisiya at programa ng gobyernong Aquino. Masusuma ito sa mga sumusunod: 1) pagiging palaasa sa dayuhang kapital tulad ng mga utang o puhunan; 2) pagtugon sa pangangailangan ng dayuhang merkado; 3) kawalan ng proteksiyon at suporta sa domestikong mga prodyuser kabilang ang mga magsasaka, manggagawa, at maliit at panggitnang negosyante; 4) pagkiling sa lokal na mga kasosyo ng dayuhang monopolyo kapitalista tulad ng malalaking bangko at financial houses, malalaking kompanyang nangangalakal at mga empresang umaasa sa imports at sangkot lang sa semi-manufacturing na may mababang dagdag-halaga (low value-added); at 5) pagiging katono ng doktrinang neoliberal, rekomendasyon sa polisiya at programang inilalako ng IMF, World Bank at Asian Development Bank, hal. liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon, gayundin ang denasyunalisasyon ng mahahalagang pang-ekonomiyang rekurso tulad ng lupa at likas na yaman. Di tayo magtataka na sa kabila ng mataas na foreign exchange reserves (pasalamat sa remitans ng mga overseas Filipino worker); credit ratings upgrades mula sa dayuhang mga ahensiya (na nagtatasa sa mga bansa batay sa kakayahan nilang magbayad ng utang); mataas na paglago ng Gross Domestic Product na 7.8 porsiyento (resulta ng maluhong paggastos sa eleksiyon at paggastos ng gobyerno sa pampublikong mga imprastraktura); at masiglang pagkamal ng kita ng nangungunang 500 korporasyon sa Pilipinas (tulad ng mga kompanya sa langis, telekomunikasyon, pinansiya at real estate) – nananatiling mataas ang opisyal, bagamat pinaliit na nga, na rekord ng kahirapan at disempleyo. Ipinapangako ng napahiyang mga opisyal ng gobyerno na pinaprayoritisa nila ang “kaunlaran para sa lahat” (inclusive growth). Ipagmamalaki nila ang mga programang kontra-kahirapan na dinisenyo ng World Bank, tulad ng multibilyon pisong programa na Conditional Cash Transfer, na nagbibigay ng aabot-sa-P300 subsidyo kada bata sa mahihirap na pamilya sa loob ng limang taon. Posibleng magbigay ng panandaliang ginhawa ito sa pinakamahihirap na mga pamilya. Pero dahil hindi pa rin kaya ng ekonomiya na maglikha ng kalidad na mga trabaho, mananantiling mahirap sila pagkatapos ng programa. Nagkukumahog na magpaliwanag ang mga tagadepensa at alyado ni Aquino kung bakit di-ramdam ng mga Pilipino ang benepisyo ng kaunlaran. Sinasabi nilang hindi agad-agad na mararamdaman ang “pagpatak” (trickle-down effect) ng kaunlaran. Pero walang maipagmalaki si Aquino sa sumusunod: pamamahagi ng lupa ng kanyang administrasyon (pinakamabagal pa rin ito magmula ng panahon ng diktadurang Marcos); pagkapako ng mababang mga sahod ng mga manggagawa habang tumataas ang mga mandatory contribution nila sa social security at health insurance; patuloy na pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo; at pagkait ng pondo ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Lalong sumasama ang mga serbisyo, kundi man substandard na, at isinasapribado pa ito sa ilalim ng iskemang Public-Private Partnership kaya mahirap ang buhay ng mga pamilya. Lantad na ang katotohanan: Di ramdam ng mayorya ng mga Pilipino ang “kaunlarang” ito dahil nakatuon ang mga polisiya sa ekonomiya sa dayuhang kapital at lokal na mga kasosyo nito, at hindi sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng ordinaryong mga Pilipino. Ang pagpapatuloy ng mga polisiya at reyalidad ng pagiging palaasa ng ekonomiya sa dayuhang monopolyo-kapital ang tunay na dahilan ng kawalan ng independensiya sa pulitika ng rehimeng Aquino at mga nauna rito. Ito ang totoo at kapani-paniwalang dahilan sa likod ng mabilis na pagsunod ng gobyerno sa mga dikta ng mga polisiyang panlabas ng US, kabilang ang agresyon at interbensiyong militar ng huli. Napasusubalian na ang palusot na malapit daw na magkaalyado ang US at Pilipinas. Makikita ito sa mismong mga pahayag ng US na di laging pumapanig sa Pilipinas sa lahat ng isyu. Kaya naman alanganin, kundi man nakakahiya, ang mga pahayag ng Malakanyang na suportado raw ito ng US sa sigalot sa South China Sea, habang itinatanggi naman ng US ang anumang pormal, legal, pulitikal at pangmilitar na komitment o obligasyon ng pagsuporta sa posisyon ng Pilipinas. Ang unang hakbang tungo sa makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12 ay ang pagkilala na kailangang depensahan ang pambansang kalayaan at soberanya laban sa mga imposisyon (sa ekonomiya, pulitika at militar) ng Tanging Superpower, gayundin sa tamad-tamaran at tutang namumunong rehimen. Salin ng PW mula sa kolum na “Streetwise” na unang inilathala sa Business World (7-8 Hunyo 2013) ### |
No comments:
Post a Comment